[ COACH ] Mick
[ SONG | ARTIST ] Christmas Song | Owl City
[ WATTPAD WORD COUNT ] 362 words
MATAGAL na nga ba tayong magkasama? Parang hindi 'no? Pero kahit na hindi pa tayo gaanong magkakilala ay sinamahan pa rin natin ang isa't isa. Kinuha mo ako mula roon. Sa madilim na lugar na iyon.
Oo. Masaya talaga kahit tayo lang dalawa ang magkasama. Wala na rin naman tayong uuwian, lalo ka na. H'wag kang mag-alala, lagi kitang sasamahan basta ba 'wag mo akong bibitawan. Maglakad ka lang kung saan mo gusto, at nandito lagi ako.
Giniginaw ka? Ay pasensya ka na huh. Wala akong magawa. Malamig naman talaga dahil Disyembre na. Magpapasko. 'Di ba paborito mong araw ang Pasko?
Asus! Kunwari ka pa. Tuwang-tuwa ka nga sa mga makukulay na pa-ilaw sa mga matataas na gusali e. Paborito rin nga nating tambayan ang ilan sa mga iyon. Lalo na iyong mga matatao. Tapos makikinig tayo ng mga pampaskong kanta pinapatugtog doon. Ano nga iyong paborito mong pampaskong kanta?
Pasensya na. Nakalimutan ko. Oo nga, iyong kanta ng kuwago. Hindi ko rin alam ang titulo. English kasi. Ah! Natawa ako. Ang yabang-yabang mo, 'di mo rin pala alam. Kutusan kita e. Hindi nga talaga natin alam kung ano'ng ibig-sabihin noong kanta. Dapat, Pasko na Naman na lang. Pero maganda rin naman iyon.
Talaga? Masaya ba talaga ang kantang iyon? Para namang hindi. Gano'n, naramadaman mo? Okay, sabi mo e. Pero may tanong ako.
Ano'ng gagawin natin bukas? Hindi, pala, mamaya. Ilang oras na lang kasi at Pasko na.
Ano'ng sabi mo? Pupunta tayo sa simbahan? Ano'ng gagawin natin doon? Ay, alam ko na. Mamalimos tayo. Bakit ko pa ba inisip iyon, iyon naman talaga ang gagawin natin.
Hindi nga? Mali ako? Talaga! Sisimba tayo? Paano mo nalamang kaarawan ni Papa Jesus?
Ah! Narinig mo pala kagabi nang doon tayo tumigil. Ang galing mo rin minsan. Natutuwa na talaga ako.
O? Napangiti ka.
Kaya pala, may naglaglag na naman pala sa akin ng barya. Ano pa'ng hinihintay mo, batiin mo na ng Merry Christmas at Thank You iyong nagbigay.
Ayan! Marami-rami na akong laman. Tayo na siguro muna umalis.
Oo. Magkasama nating sasalubungin ang Pasko sa simbahan. H'wag kang mag-alala, mababait sila ngayon kaya p'wede tayong pumasok doon.
Pero bago tayo pumunta roon, bumili ka kaya muna ng pagkain. Gutom na gutom ka na, alam ko.