[ COACH ] Fall
[ SONG | ARTIST ] Ringing The Bells For Jimmy | Johnny Cash
[ WATTPAD WORD COUNT ] 1,465 wordsIsang pighati, isang pagkakataon, o marahil ay isang tadhana.
Anuman ang kahihitnan ng nagaganap na eksena sa itaas ng simbahang ito, iisa lamang ang alam ko, ito’y walang-hanggang ilusyon at na tila ba’y isang tradisyon ng kahibangan.
****
Hating-gabi…
Palihim ko siyang pinagmamasdan sa anino ng kawalan, sa pagitan ng malamig na hihip ng hangin ng Disyembre at sa kadilimang nababalot sa aming dalawa. Nababatid kong ako’y mistulang natulala sa kanyang taglay na kabigha-bighaning kagandahan. Nanaisin ko mang hawakan ang kanyang malambot na kamay at kantilan ng matamis na halik sa kanyang mapupulang mga labi, gayunpaman mas pinili kong h’wag na lamang itong gawin.
Ang batang babae ng kanyang ama na ngayo’y isa nang ganap na dalaga, ay pawang isang kumikinang na bulaklak sa kalagitnaan ng gabi. Pagkatapos niyang kausapin ang kanyang minamahal na ama kung bakit siya naririto, nagpatuloy pa rin ako sa aking pagmamasid sa taos-pusong niyang panalangin. Iilan na lamang ang katulad niyang inuuna ang kapakanan ng iba bago ang kanyang pansariling kasiyahan.
Sa kanyang mga mumunting mga hikbi, nais kong dalhin ang kanyang mga nakatagong pighati sa aking mundong nababalot ng kaparehong bigat ng kanyang pagdurusa, o marahil ay mas higit pa roon. Gamit ang simoy ng hangin, pinilit kong pagaanin ang kanyang mabigat na saloobin. Subalit, napagtanto kong hindi ako nabubuhay para sa ganiyang emosyon. Hindi rin ako nabubuhay upang umasa,magpahalaga at magmahal.
Ilang dekada na ba ang nagdaan? Ilang Pasko na ba ang mabilis na lumipas? Ilang pag-asa na ba sa puso ko ang natunaw sa isang kabiguang posibilidad? Upang maging ganap na masaya ang nasabing gabing ito ay nagkaroon ng isang mahikang kayang ikulong ang mga nilalang ng gabi bilang tanda ng pagkakabuhay ng anak ng liwanag.
Ang hiling lamang niya ay isalba ang buhay ng kanyang kapatid na nag-aagaw-buhay. Habang ako, ang walang kuwenta kong kahilingan ay isalba ang aking kaluluwa sa paunti-unti nitong pagkalaho sa karimlan. Nangangarap ako at patuloy na umaasa na para bang hanggang dito na lamang ang takbo ng sistema ng buhay ko.
Napahinto ako sa aking pag-iisip nang makita ko siyang muling hinawakan ang lubid sa lihim na lagusang inakala ng lahat ay kathang-isip lamang—ang mismong kampana.
Sa bawat muling pagtunog niya ng antigong kampana at paghatak ng lubid nito pabababa, pakiramdam ko ay malalagutan ako ng hininga. Sa pagtunog ng ikalabing-tatlong beses sa kampanyang ito ay magbubukas ang lagusan papunta sa tinatago kong teritoryo.
Possible kaya? Possible kayang makatikim ng isang pansamantalang kalayaan?
*****
Posibilidad.
Kapwa kami’y hindi nakahuma sa kauna-unahang pagkakataon nang magtama ang aking itim na mga mata sa kanyang kulay asul.
Pakiramdam ko, kailangan kong magpakatao sa harapan ng babaeng ito kahit isang saglit lang. Pakiramdam ko, kailangan ko siyang kumbinsihin at kunin ang kanyang ang kanyang loob para sa aking mga pansariling binabalak. Pakiramdam ko, ayaw kong maging gahaman ngunit sa bawat pagsulyap ko sa kanyang mga matang nanlulumo sa kahabag-habag na sinapit ng kanyang kapatid ay mas nananaig pa rin ang pagiging makasarili ko.
Siya’y hindi pa rin nakakaalma sa pagkamangha nang masilayan niya ako sa kauna-unahang pagkataon—nasilayan ako sa kauna-unahang pagkakataon.