Ang inaasahan kong mala-impyernong buhay bilang estudyante ay kataka-takang hindi ko naranasan nang pumasok ako kinabukasan.
Maliwang na sa aking isipan na hindi ako patatahimikin ng babaeng nakasalamuha ko pero hindi iyon ang nangyari. Wala akong nakita kahit anino niya o ng kasama niyang babae kahapon.
Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako o matatakot dahil baka may pinaplano lamang siya.
Kataka-taka ngang kahit ang mga kaklase ko ay walang pakialam sa akin. Ipagpapasalamat ko na lamang sa Panginoon dahil matiwasay na natapos ang araw ko.
Kagaya ng nakasanayan ko ay nagtungo ako sa library nang sumapit ang tanghalian. Kinuha ko ang librong Applied Economics sa mga librong nakapatas at pagkatapos ay naupo ako sa pinakasulok na parte na silid aklatan.
Inilabas ko ang baon kong maliit na binalutan. Sa library ako kakain ng tanghalian, hindi ko gustong makisalamuha sa mga estudyante roon sa canteen. Hindi dahil sa nahihiya akong ipakita kung ano ang binalot ko kundi dahil ayaw ko na ng gulo.
Malamang kasi na kapag nakita nila ang ulam kong isang pirasong tuyo at may kaunting mantika galing sa pinagprituhan kong tuyo na nakasabaw sa kanin ko ay pandidirian nila ako. Matik na iyon at kapag nangyari iyon ay hindi ako makakakain nang maayos.
"Oh, Caleb, kakain ka na?" tanong sa akin ng nagbabantay sa library, si Ma'am Saavedra.
Itinaas ko ang aking paningin sa kaniya.
"Ahh, opo, kain na rin po kayo," alok ko sa kaniya. Oo, salat kami sa buhay pero hindi ako madamot.
Ngumiti lamang siya sa akin. Malaki talaga ang pasasalamat ko sa kaniya dahil pinapayagan niya akong kumain dito sa library kahit bawal. Ang palagi niya lamang sinasabi sa akin ay naiintindihan niya ang estudyanteng katulad ko.
Sa halip na sumagot ay tumalikod siya sa akin at may kinuha sa kaniyang lamesa. Bumalik siya sa akin na may dalang isang paper bag. Pinanood ko lamang siya.
"Pwede ba ako sumabay kumain sa 'yo?"
Natauhan ako dahil sa sinabi niya. Inalis ko ang librong kinuha ko kanina at itinabi iyon.
"S-Sige po," sagot ko.
Naupo siya sa harap ko at saka binuksan ang dala. Inilabas niya roon ang isang kulay pula at isang puting tupperware. Nakalagay sa kulay pulang lalagyan ang kaniyang kanin at sa maliit naman ang kaniyang ulam.
Binuksan niya ang maliit na kulay puting tupperware at kumawala ang mabangong amoy ng adobong manok na binalot niya.
Bigla akong nahiya sa isang pirasong tuyo na binalot ko. Parang gusto ko na lamang umalis at kumain sa banyo ng school.
"S-Sigurado ka ba na sasabay ka sa akin, ma'am?" nahihiyang tanong ko.
Payak na ngiti ang iginanti niya sa akin. "Oo naman." Sigurado nga siya.
"P-Pero tuyo lamang po ang ulam ko."
"Hindi mo na mababago ang isip ko, Caleb, at saka ano ka ba? Hindi ko naman ikamamatay kung tuyo ang ulam mo." Napangiti ako sa sagot niya.
Hindi niya ako hinusgahan. Pakiramdam ko ay mayroon akong kakampi.
"K-Kayo po ang bahala."
Nagsimula na akong kumain. Gamit ang kutsara ko ay sumubo ako. Nakailang subo na ako ng kanin nang mapansin kong hindi siya kumakain.
Naibaba ko ang kutsara at saka tiningnan ang nakangiting si Ma'am Saavedra. "May nakapagsabi na ba sa 'yo, Caleb?"
"Ng ano po?"
BINABASA MO ANG
Caleb's Secret (Completed)
General FictionMatalino, matiyaga, marangal, may paninindigan, at mapagmahal. Lahat iyan ay katangian ni Caleb. Siya ay simpleng namumuhay hanggang sa makasalamuha niya si Agatha, ang babaeng maarte, mayaman, maganda, at masama ang ugali. Dahil huling taon na nil...
