"Nasaan na ba kasi tayo?" naiinis na tanong sa akin Agatha.
Nakapiring siya ngayon. Dinala ko siya sa isa sa mga lugar na madalas ko noong puntahan ang kaso lamang ay hindi ko na ulit nagawa dahil wala na akong oras. Nalugmok na ako sa pagta-trabaho at pag-aaral.
Maganda sa lugar lalo na at gabi na. Makikita nang maayos ang kumikinang at magagandang bituwin sa kalangitan. Saktong-sakto dahil napakaliwanag ng bilog na bilog na buwan.
"Malapit na tayo, 'wag ka na munang mareklamo diyan."
"Tsk!" asik niya. "Baka kung anong gawin mo sa 'kin, ah?"
Napaismid ako. "Ano ka ba? Wala ka bang tiwala sa akin?" Todo kunot ang noo ko kahit hindi naman niya nakikita.
"M-Meron naman."
Nailing lamang ako. "'Yon naman pala e. Eh 'di 'wag ka na magreklamo diyan. Sobrang lapit na natin kaya kaunting tiis na lang, Agatha. Okay?"
Sininghalan niya pa ako bago siya tuluyang manahimik. Maya-maya pa ay nakarating na rin kami.
Tumigil ako sa paglalakad.
"Nandito na ba tayo?" muling tanong niya.
"Hmm. Nandito na tayo, Agatha. Pero 'wag mo munang tanggalin iyang piring mo sa mata," pigil ko sa akma niyang pagtanggal ng kulay pulang panyo na nakapiring sa kaniya.
"Bakit? Eh, andito na tayo 'di ba?"
"Oo nga, Agatha. Pero teka lang kasi, may kukuhanin lang ako," sambit ko. "Mabilis lang 'to!"
Mabilis kong kinuha ang cupcake na binili ko kanina bago kani pumunta rito. Isinuksok ko sa gitna ng cheese cake ang maliit na kandilang nabili ko. Pagkatapos ay saka ko iyon sinindihan gamit ang posporo.
Bumalik ako sa pwesto ni Agatha. Nang nasa harapan niya na ako ay nakangiti ko siyang tiningnan. "Pwede mo nang tanggalin ang piring mo, Agatha."
Pinanood ko siya kung paanong marahan niyang tanggalin ang pagkakatali sa likuran niya ng panyo. Nang tuluyan niya nang matanggal ang panyo at makita ako ay nagsimula akong kumanta.
"Happy birthday to you. Happy birthday to you. Happy birthday, happy birthday, happy birthday to you."
Nangibot ang labi niya dahil sa ginawa ko. Kahit madilim ay nakita kong nagilid ang kaniyang mata. "Pasensya ka na, Agatha. Wala akong pambili ng cake e kaya cupcake lang ang nakayanan ko, at saka malaki ang nagastos ko para sa mga kandilang iyon," turo ko sa likuran niya.
Lumingon siya roon at malamang ay nakita niya na may nakalatag doong tela at may nakapalibot na kandila. Singkwenta na kandila rin lahat-lahat ang mga iyon.
Sa gitna ng tela ay mayroong nakahandang kaunting pagkain na binili ko lang din.
Nakiusap pa ako kanina sa driver niya kung maaari niya akong tulungan at malaki ang pasasalamat ko sa kaniya dahil malugod niyang tinaggap ang paanyaya ko. Ika niya pa ay gusto niya ring maging masaya si Agatha.
Kahit papaano ay marami rin kaming nagmamahal kay Agatha.
Ibinalik ni Agatha ang paningin sa akin. "Nagustuhan mo ba?" nakangiting tanong ko.
Nangingilid ang luha siyang tumango. "Thank you, Caleb," nakalabing aniya. Halos ibulong niya na lamang iyan. Pinaglapat niya ang kaniyang labi upang pigilan na maiyak.
"Hindi mo kailangan magpasalamat, Agatha," nakangiting iling ko. "Hipan mo na 'to, mag-wish ka na rin," sabi ko pa.
Ngunit hindi niya ginawa ang sinabi ko. Nanatili lamang siyang nakatingin sa akin. Tila gusto niyang sa isip kami mag-usap.

BINABASA MO ANG
Caleb's Secret (Completed)
Ficción GeneralMatalino, matiyaga, marangal, may paninindigan, at mapagmahal. Lahat iyan ay katangian ni Caleb. Siya ay simpleng namumuhay hanggang sa makasalamuha niya si Agatha, ang babaeng maarte, mayaman, maganda, at masama ang ugali. Dahil huling taon na nil...