Mag-iisang linggo na rin simula nang manirahan ako sa mansyon nina Agatha. Araw-araw ay maaga akong gumigising upang tulungan ang mga kasambahay nila sa gawaing bahay.
Bukod sa binabayaran ako rito sa pagtuturo kay Agatha ay libre din ang pagkain ko. Ang tanging naisip kong paraan ay ang boluntaryong tumulong.
Ayaw magpatulong ng mga kasambahay pero wala silang nagawa dahil mapilit ako. Maaga pa lamang ay ako na ang nagdidilig ng mga halaman doon sa hardin nila. Nag-wawalis ako pagkatapos at saka naglilinis ng banyo.
Minsan na akong naabutan ni Agatha nang gawin ko ang mga bagay na iyon kaya medyo nagalit siya.
Hindi ko na raw kailangan gawin ang mga bagay na iyon dahil may mga taong nakatalagang gumawa noon. Pero kung mapilit siya ay mas mapilit ako kaya ginawa ko ang gusto ko.
Wala naman akong planong magtagal pa rito dahil babalik di ako sa amin. Kapag gumaan na ang pakiramdam ko at kapag handa na akong harapin muli ang aking Ama.
Dahil walang damit at nahihiya namang manghiram ulit ay palihim akong nagtungo sa bahay namin noong lunes. Sinigurado kong hindi ko makikita ang aking Ama. Kahit pa galit at may sama ng loob ay nag-iwan ako ng limandaang piso at saka limang kilong bigas para sa kaniya. Sinamahan ko na rin ng dalawang noodles at sangkapat na kilo ng sapsap.
Biyernes ngayon at maaga kaming pumasok ni Agatha. Isinabay niya na ako sa pag-uwi at pagpasok sa eskwela simula araw ng lunes. Hindi na ako tumanggi dahil pabor naman sa akin iyon.
Hindi sa ginagamit ko siya, pero talagang mahuhuli lamang kami sa klase kapag nag-pakipot pa ako. Literal na mapilit siya at kung ano ang gusto niya ay iyon ang gagawin niya.
"Mag-aral kang mabuti, Agatha ah?"
Nakataas ang kilay na hinarap niya ako. Tumaas ang gilid ng labi niya. "Nag-aaral kaya ako nang mabuti!" ngisi niya.
Nag-kibit balikat lamang ako. Pinilit kong 'wag ngumiti. "Sige, sabi mo e."
Umikot ang mata niya. "Talaga!" kumpiyansang sagot niya.
"Halika na nga!" aya niya sa kaibigan na muli akong inirapan bago umalis.
Nangunot ang noo ko. Ano ba talaga ang problema niya? Wala naman akong ginagawang masama sa kaniya sa pagkakaalam ko pero bakit gano'n siya kung makitungo sa akin?
Naiiling tuloy na naglakad ako papasok sa classroom. Saktong simula ng klase nang dumating ang aming adviser.
Taimtim kaming nakikinig sa kaniya nang sa kalagitnaan ng klase ay may kumatok sa pintuan.
Pumasok doon ang babaeng balingkinitan ang katawan. Ang hanggang balikat niyang kulay itim na buhok ay bumagay sa maputi niyang mukha. Matangos ang kaniyang ilong at manipis ang kaniyang labi.
Nanlaki ang mata ko dahil sa napagtanto. "Kiara?" mahinang sambit ko.
"Good morning, Sir," bati niya. "Dito po ba ang room ni Caleb?"
Inilibot niya pa ang paningin niya at tila hinahanap ko. Tumango si Sir sa kaniya.
"Hmm. Dito nga siya, ano pong kailangan n'yo?" Kahit isang guro ay magalang siya.
"Pwede ko po bang ma-excuse saglit?"
Nakangiting tumango si Sir at lumingon sa parte kung saan ako nakaupo. "Caleb!" tawag niya sa akin.
Tumayo ako sa pagkakaupo. "Po?"
Sinenyasan niya akong lumapit sa kaniya kaya lumapit ako. "Gusto ka raw niya makausap," tukoy niya kay Kiara.

BINABASA MO ANG
Caleb's Secret (Completed)
Ficción GeneralMatalino, matiyaga, marangal, may paninindigan, at mapagmahal. Lahat iyan ay katangian ni Caleb. Siya ay simpleng namumuhay hanggang sa makasalamuha niya si Agatha, ang babaeng maarte, mayaman, maganda, at masama ang ugali. Dahil huling taon na nil...