Pagkatapos ng kaarawan ni Agatha ay nagpaalam na rin ako sa kaniya. Hindi ko na rin gustong magtagal pa sa kanila dahil nahihiya na rin ako. Isa pa ay panahon na rin siguro upang bumalik ako sa tahanan ko talaga. Panahon na sigurong bumalik ako sa kung saan ako lumaki at kung nasaan ang aking ama.
Sapat na rin siguro ang dalawang linggo upang maghilom ang sakit na naramdaman ko mula sa kaniya. Handa na rin akong harapin siya.
Ayaw ako payagan ni Agatha sa gusto ko pero wala na siyang nagawa. Ang sabi ko pa ay hindi naman maaaring doon na ako tumira dahil hindi naman talaga ako taga roon.
Nakatadhana rin naman talagang umalis ako. At saka, babalik at babalik pa rin naman ako roon dahil kailangan ko siyang i-tutor.
Tama, trabaho na lamang ang dahilan.
Malapit na ako sa amin. Dala ang malaki kong bag na nakasabit sa aking likuran na ipinahiram sa akin ng driver nina Agatha ay naglalakad ako sa makipot na sementadong daan papasok sa amin.
Para iyong pathway lamang. Ang paligid ay iba't-ibang mga puno.
Natatanaw ko na ang aming munting tahanan. Kung tutuusin ay iyon ang pinakamaliit sa mga kahilerang bahay.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa makarating sa aming harapan. Nandoon ang aking ama at ang isa sa mga kapitbahay naming babae. May pinag-uusapan sila kaya hindi nila naramdaman ang aking presensya.
"Bakit ba kasi ayaw mo pa hanapin iyong anak mong iyon?" ani Ate Glenda. Batid kong ako ang tinutukoy niya.
"Bakit ko naman hahanapin ang pabigat kong anak na iyon? Siya ang umalis kaya hindi ko siya hahanapin!" Bakas sa boses niya na wala talaga siyang pakialam.
Bigla ay parang binuhusan ako ng malamig na tubig. Pakiramdam ko ay namanhid ang aking buong katawan dahil hindi ako makakilos. Tila ang dugo ko sa katawan ay tumigil din sa pagdaloy kung kaya't hindi rin ako makpag-isip nang maayos.
Patuloy akong nakinig.
"Wala ka na ba talagang pagmamahal para kay Caleb? Dahil kung ako ang tatanungin ay mahal na mahal ka ng anak mo dahil kahit wala siya rito ay nagbibigay pa rin siya ng makakain mo."
"Wala akong pakialam kung bigyan niya ako dahil hindi ko naman hinihingi sa kaniya iyon! Wala na akong pakialam sa kaniya!"
Nakagat ko ang aking labi. Kararating ko pa lamang ngunit nasasaktan na naman ako. Kaya ako bumalik dito ay dahil inakala kong kailangan niya ako pero hindi pala.
Mas kailangan ko sigurong tulungan ang aking sarili.
"Pero nakakaawa siya, Banjos! Hindi mo ba naiisip ang paghihirap ng anak mo? Nagta-trabaho siya araw-araw kasabay ng pag-aaral para may makain kayo tapos ganyan lang ang isusukli mo?"
Bigla ay gusto ko na lang mawala nang tuluyan. Mabuti pa talaga ang iba at nakikita ang halaga ko.
Samantalang ang sarili kong kadugo ay hindi man lang ako matanong kung nahihirapan na ba ako.
"Bakit? Ano bang dapat na gawin ko? Na mahalin ko siya?"
"Oo, Banjos. Pahalagahan mo naman ang paghihirap ng anak mo."
"Paano kong pahahalagan ang taong lubos na kinamumuhuian ko?"
Napasinghap ako. A-Anong sinsasabi niya? Bakit kinamumuhian niya ako?
"Bakit nga ba galit na galit ka sa akin, 'Tay? Ano ba ang masama kong nagawa? Sa pagkakaalala ko naman ay wala akong ginawang hindi mo gusto ah?"
Hindi ko na napigilan na sumingit sa usapan nila. Bakas ang gulat sa mukha nilang dalawa nang lingunin nila ako.
BINABASA MO ANG
Caleb's Secret (Completed)
Ficción GeneralMatalino, matiyaga, marangal, may paninindigan, at mapagmahal. Lahat iyan ay katangian ni Caleb. Siya ay simpleng namumuhay hanggang sa makasalamuha niya si Agatha, ang babaeng maarte, mayaman, maganda, at masama ang ugali. Dahil huling taon na nil...
