Epilogo

328 9 21
                                        

Ang pinakamahirap na parte ng paghihintay ay ang paghihintay sa isang taong malabo nang bumalik.

Ilang taon na rin ang nakalipas magmula nang mamayapa si Caleb. Matagal bago naka-move on si Agatha— mali! Hindi pa siya nakaka-move on sa pagkawala ni Caleb.

Naroon pa rin ang sakit ngunit kinailangan niyang magpatuloy.

Naalala niya pa noong burol ni Caleb. Mayroong dumating na lalaki; sinasabi niyang siya raw ang Ama ni Caleb.

Hindi iyon ang Ama'ng kinalakihan ni Caleb kundi iyon ang kaniyang totoong Ama; napatunayan iyon ni Vena.

Mas lalong nalungkot noon si Agatha. Hindi man lamang kasi nakita ni Caleb ang kaniyang totoong Ama. Alam niyang nakita naman ni Caleb ang nangyari noon pero iba pa rin ang pakiramdam na mahawakan niya ang kaniyang Ama.

Masiyadong maraming pinagdaanan si Caleb. Kung tutuusin ay hindi niya deserve ang nangyari sa kaniya. Napakabait niya, down to earth kumbaga. Walang maiisip na dahilan para maging deserving siya sa nangyari sa kaniya.

Pero naisip na lang ni Agatha na siguro ay tama rin si Caleb sa sinabi niya. Iyon na ang nakaguhit sa tadhana niya.

Natupad na ni Agatha ang isa sa mga pangarap niya. Isa na siya ngayong published writer at marami nang nakabasa ay nai-inspire sa mga akda niya.

Ngunit ang isa niyang pangarap ay matagal nang nabaon. Hindi niya kasi iyon matutupad dahil para iyon kay Caleb. Pangarap niya kasing matupad ang mga pangarap ni Caleb.

Limang taon. Matagal na rin kung iisipin ngunit sa tagal ng panahon ay hindi niya naisipang mag-boyfriend.

Kahit pa nabasa niya sa sulat ni Caleb na ayos lang kay Caleb na magkaroon siya nito.

Ang guwardiya kasi nila ay mayroong ibinigay na sulat. Napag-utusan daw siya ni Caleb na ibigay iyong sulat sa kaniya kapag dumating ang panahon na mawala siya.

Agatha,

Alam kong wala na ako kapag nabasa mo 'to pero gusto kong sabihin sa 'yo na mawawala man ako sa mundo; mananatili akong nasa tabi mo at babantayan ka. Nakalulungkot, pero matagal ko nang tinanggap ang katotohanan na may sakit ako.

Kapag nasaba mo 'to, gusto kong sabihin sa 'yo na isa ka sa mga magagandang bagay na nangyari sa akin. Kung inaakala mong marami akong bagay na naituro sa 'yo, gano'n ka rin sa akin. Kagaya na lang ng pagtago sa totoo kong nararamdaman.

Tinuruan mo ako kung paano itago ang totoo kong nararamdaman. Dahil sa 'yo ay kahit nasasaktan na ako ay pinili kong itago at magkunwaring hindi nasasaktan.

Mabalik tayo, kapag nawala ako ay 'wag kang mag-atubiling magmahal ng iba. 'Wag mo ikulong ang sarili mo sa akin dahil hindi ko iyon ikatutuwa. Mas magiging masaya ako kung makikita kitang masaya. Dahil deserve mo 'yon. Deserve mong mahalin ng isang taong kaya kang panindigan at hindi ka iiwan.

'Wag mo sana isiping hindi kita minahal. Minahal kita, Agatha, mahal na mahal. Iyong tipo ng pagmamahal na kaya kang pakawalan at kayang isakripisyo ang lahat para lang sa kapakanan mo.

Maraming salamat sa lahat, Agatha, at higit sa lahat ay gusto kong sabihin sa 'yo na mahal na mahal kita.

Hanggang sa kabilang buhay, Agatha. Hihintayin kita rito pero gawin mo muna ang mga kailangan mong gawin dahil naniniwala akong may misyon ka pa sa mundo.

Nagmamahal,
Caleb

Napangiti siya nang mapait.

Wala naman silang naging relasyon ni Caleb dati pero ayaw niya nang magmahal ng iba pa. Pakiramdam niya kasi ay wala nang makakatumbas sa pagmamahal ni Caleb para sa kaniya.

Caleb's Secret (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon