04

162 19 23
                                        

Maaga akong nagising ngayong araw. Mag-a-alas kuwatro pa lamang nang tingnan ko ang maliit naming orasan na nakasabit sa dingding namin na gawa lamang sa plywood at kawayan.

Bumangon ako sa pagkakahiga. Dito kasi ako natutulog sa pahabang kahoy na upuan dahil ayaw ako patabihin ni tatay sa higaang kahoy roon sa nag-iisa naming kwarto.

Kasya kaming dalawa roon, luwag pa nga roon kung mahihiga ako ang kaso lamang ay ayaw niya talaga akong patulugin doon. Hindi na lamang ako nagreklamo.

Nagmumog ako at saka naghilamos. Pagkatapos ay nagsiga ako ng apoy sa kalan namin at saka isinalang ang maliit naming kaldero na mayroong isang gatang na bigas. Para lamang iyon kay tatay, baka magutom siya mamaya, maigi nang mayroon siyang makain. Kukuha rin ako roon ng kaunting pangbinalot para may makain ako sa tanghalian.

Pagkatapos ko magsaing ay niluto ko naman ang para sa akin. Kinuha ko ang maitim na naming kaserola at saka nilagyan iyon ng tubig. Hinintay ko iyong kumulo saka ko inilagay ang noodles na hinati ko pa sa dalawa para may maluto at makain ako ulit bukas bago pumasok sa eskwela.

Ipinag-ihaw ko naman si tatay ng dalawang pirasong tuyo.

Naligo na rin ako pagkatapos. Alas singko y medya ng umaga ay nagsimula na akong umalis sa bahay at maglakad papuntang school.

Pagkaraan ng kalahating oras ay nakarating din ako. Gaya ng nakasanayan ay dumiretso ako sa locker upang iwan muna roon ang aking uniporme at bag.

Nagsimula na akong mag-mop ng sahig pagkatapos. Inikot ko ang buong lugar kung nasaan ang mga locker namin.

Sumunod akong magpunta ay sa gymnasium naman ng school. Malawak iyon at nakakapagod talagang linisin. Pero ayos lang, sanay na ako sa hirap at wala nang lugar ang mamili ng madali.

Alas siete na mahigit nang makatapos ako sa paglilinis. Kinuha ko ang damit sa locker ko at saka nagtungong banyo upang magpalit. Pinunasan ko muna ang pawis ko gamit ang aking maliit at kulay puting tuwalya.

Muli kong naalala ang uniporme kong napuno ng pintura kahapon. Tsk!

Lumabas na ako ng banyo pagkatapos pero hindi ko inaasahan ang mukhang makikita ko.

"Mabuti naman at lumabas ka na, kanina pa akong naghihintay rito, ang tagal mo!" reklamo niya sa akin.

"Anong kailangan mo?" tanong ko kay Agatha Denniz.

Umikot ang mata niya. "Tsk!"

"Mahuhuli na ako sa klase kaya sabihin mo na sa akin kung ano ang kailangan mo, Agatha Denniz," nagtitimping sagot ko.

Pinanliitan niya ako ng mata. "Will you please stop calling me that way?! Agatha is enough, okay? Tsk!"

Napabuga na lamang ako ng hangin. Napaka-ikli ng kaniyang pasensiya. Hindi ako sumagot.

"By the way, kaya ako nandito ay para sabihin na pumapayag na ako na ikaw ang maging tutor ko," sabi niya.

Hindi ko alam pero hindi ako natuwa sa kaniyang sinabi. Marahil ay dahil hindi ko rin naman gusto ang trabahong iyon. Talagang kailangan ko lamang ng extra na pagkaka-kitaan kaya tatanggapin ko.

Nag-kibit balikat lamang ako. "Okay," sagot ko.

Dumiretso na ako sa paglalakad at nilagpasan siya pero hinawakan niya ako sa aking braso at pinigilan.

Nilingon ko siya at pinagkatitigan ang kaniyang kamay na nakahawak sa akin. Mabilis niya iyong binitawan.

"Yuck," nakangiwing aniya. Nandidiri siya dahil nahawakan niya ang isang katulad ko. Inilabas niya kaagad sa kaniyang maliit na bag ang alcohol at saka nilagyan ang kaniyang palad.

Caleb's Secret (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon