16

119 7 48
                                    

Narito kami ngayon sa library, wala ngayon ang librarian na si Ma'am Saavedra. Hindi ko alam kung bakit pero siguro ay mayroong importanteng pinuntahan.

Katatapos lamang namin kumain ng tanghalian. Bakante kami ngayong pareho dahil wala ang aming parehong guro. Hindi na namin inalam kung bakit.

Kasalukuyan akong nagbabasa habang si Agatha ay mayroong tinatapos na asignatura. Ang kaibigan niyang si Violet ay napag-alaman kong absent daw.

"Oo nga pala, Caleb," maya-maya ay sambit niya.

"Hmm?" Hindi ko siya tiningnan at nagpatuloy sa pagbabasa. May pagsusulit kami mamaya sa isang subject.

"Nagka-usap na kami ng parents ko," pag-o-open-up niya sa akin.

Tumaas ang paningin ko sa kaniya. "Kumusta naman?"

May sumilay na ngiti sa labi niya. Tila maganda ang kanilang naging pag-uusap. "Nagkaayos na kami," masiglang aniya.

Tumaas ang labi ko. "Talaga?" Naibaba ko ang hawak na libro at ibinigay nang buo sa kaniya ang aking atensyon.

Nangalumbaba ako at hinintay siyang sumagot. Nagagalak siyang tumango. "Hmm! Ang sarap sa pakiramdam, grabe! Pakiramdam ko ay lahat ng galit ko sa kanila ay biglang nawala!"

Nahawa ako sa kaniyang ngiti. "Mabuti at nagkaayos na kayo. Masaya ako para sa 'yo, Agatha. Sana ay tuloy-tuloy na."

Ipinikit ko nang mabilis ang aking kaliwang mata. Kinindatan ko siya dahilan makagat niya ang labi.

Napamaang ako. Kinikilig ba siya? Sana ay hindi dahil nabigla lamang din ako sa aking nagawa.

Nagpatuloy kami sa pag-uusap.

Nai-kwento niya sa akin ang lahat ng nangyari kung paano silang nagkaayos. Nangyari iyon noong araw na ibinigay sa akin ang aking sweldo.

Humingi raw ng pasensya sa kaniya ang kaniyang mga magulang at nangakong babawi sa kaniya. . . na sana ay gawin nga nila.

Iyon ang dahilan kung bakit bigla akong nakaramdam ng lungkot. Bumagsak ang balikat ko. Hindi na ako muling sumagot dahil hindi ko alam ang sasabihin.

Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa. Kailangan ko talagang mag-aral nang mabuti dahil sa exam mamaya.

"Birthday mo na sa sabado." Muli siyang nagbukas ng pag-uusapan. Muli akong natigil sa ginagawa.

"At hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o ano."

Nangunot ang kaniyang noo. "Hindi ba dapat ay masaya ka?"

Napabuntong hininga na lamang ako. Itinuon ko ang aking paningin sa lalagyan ng mga libro. Pinagkatitigan ko ang mga iyon at nagbabaka-sakaling may maibibigay na sagot sa akin ang mga libro.

"Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko, Agatha," iling ko. "Hindi ko alam kung dapat nga ba akong maging masaya."

Tuluyan akong napanguso. Kinutkot ko ang aking kuko na nakapatong sa ibabaw ng lamesa.

"Siguro ay nami-miss mo na ang Ama mo kaya mo iyan nasasabi." Nag-angat ako ng tingin at nakita kong seryoso rin siyang nakatingin sa akin. Hindi ko kinaya ang kaniyang paninitig kaya nag-iwas ako ng tingin.

"Siguro nga." Nagsinungaling ako. Hindi iyon ang dahilan at sigurado ako roon.

Kaya naman isa lang ang hinihiling ko ngayon. Iyon ay sana nga, sana nga ay nami-miss ko lamang ang aking ama. Sana nga ay iyon na lamang ang dahilan at wala nang iba pa.

Bumalik na kami sa klase pagkatapos. Miyerkules ngayon at kinakailangan ko muling tulungan si Agatha sa kaniyang mga kailangan sa school.

Sa itinagal ng panahon ay nakasanayan ko na rin ang bagay na iyon. Nasanay na ang katawan ko kaya't kahit malamig ang biyahe pauwi ay balewala na sa akin.

Caleb's Secret (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon