10

176 12 35
                                    

Para akong naglalakad sa kawalan. Hindi ko alam kung saan ako patutungo kaya't heto ako ngayon, naglalakad sa tabing kalsada.

Hindi ko na kinaya ang nangyari kanina. Masiyado akong nasasaktan. Ang mga salitang binitawan niya ay parang malalaking alon na nilulunod ako sa kalungkutan. 

Ang pisikal na saktan niya ako ay matatanggap ko pa pero ang sabihan niya ako ng gano'ng salita ay masiyado akong pinanghihina.

Gano'n pala ang tingin niya sa akin kaya parang wala lang ako sa kaniya. Ang taong pinipilit na mabuhay para sa kaniya ay iniisip niyang patay na.

Literal na masakit sa kahit anong sakit.

Para akong bumalik sa simula. Biglang pumasok sa aking ala-ala ang mga bagay na pinaghihirapan kong gawin para baka sakali ay mapuri niya ako. Nagsusumikap akong magtrabaho para baka sakaling mapansin niya ang halaga ko. Nagsusumikap akong mag-aral para maipagmalaki niya ako pero heto ako ngayon. . . muli akong nanliliit sa sarili ko.

Siya na lang ang dahilan kung bakit ako lumalaban ngayon. Kahit nanghihina na ako ay lumalakas ako kapag naiisip ko siya. Kapag wala na akong ibang naiisip kundi mawala na lang ay gumagaan ang isipan ko kapag naaalala kong kailangan niya pa ako.

Pero parang inagaw niya na sa akin ang karapatang mabuhay. Pinabilis niya ang pagkawala ko sa mundong ibabaw.

Nawawalan na ako ng pag-asang labanan ang nagpapahina sa aking katawan. Gusto ko na lang biglang mawala at mapunta sa kawalan.

Humihinga ako pero tila patay na ang aking puso't isipan. Para niya akong sinaksak sa puso tapos muling binuhay para unti-unti muling patayin. Gano'n katindi ang sakit, walang katapat na gamot para maghilom ang sugat sa aking dibdib.

Hindi ko namalayan na nakarating na ako sa malaking tulay kung saan ko nakita ang babaeng binigyan ko ng tinapay noon.

Binaybay ko ang gilid ng kalasada.

Wala sa sariling tumuntong ako sa hawakang humaharang sa mga tao para hindi mahulog sa mataas na tulay habang naglalakad. Alam kong tubig ang babagsakan ko kung sakaling tumalon ako kaya makakalangoy ako kung gustuhin ko. Pero gusto ko nang mawala na lang kaya kahit marunong lumangoy ay hahayaan kong malunod ako hanggang sa matagpuan na lang ang katawan kong lumulutang sa tubig. . . na wala nang buhay.

Hinayaan kong tumama sa mukha ko ang malamig na simoy ng hangin. Mas lalo akong nasaktan dahil tila pinipigilan nila ako sa aking gagawin.

Pero handa na ako. Sawa na akong mabuhay dahil wala namang nagmamahal sa akin.

Ibinuka ko ang dalawa kong kamay at saka pumikit at humingi ng patawad sa Panginoon.

Lord, pasensya na po sa gagawin ko. Alam kong isa sa sampung utos mo ay huwag pumatay pero heto ako ngayon at papatayin ang sarili ko. Hindi ko na po kasi kaya e, masiyado nang mabigat ang dibdib ko. Oo lalaki po ako, pero hindi po ibig sabihin no'n ay kaya ko nang lahat. Opo, malakas ako pero may hangganan ang pagtitiis ko. Opo, mahal ko ang sarili ko kaya sana po ay hayaan n'yo na akong sumamasa inyo para hindi na masaktan ang sarili ko.

Huminga ako nang malalim bago tumingin sa ibaba. Hindi ko makita ang ilog dahil gabi na pero naririnig ko ang mahihinang hampas ng alon sa mga malalaking bato sa paligid nito.

Handa na akong tumalon nang may sumigaw mula sa aking likuran.

"Anong ginagawa mo diyan?" Panlalaki ang boses niya. Hindi ko siya pinansin pero hindi rin ako tumalon.

Naghintay pa ako ng ilang segundo. "Akala mo ba ay maso-solusyonan ng pagpapatiwakal ang problema? Hindi mo ba naiisip ang mga taong malulungkot kapag ginawa mo 'yan?"

Caleb's Secret (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon