03

188 16 16
                                        

Masaya akong naglalakad patungo sa aking locker. Katatapos ko lamang maglinis at plano kong kuhanin na ang pamalit kong uniporme na naroon.

Ipinasok ko ang susi sa padlock na nakalagay sa pintuan ng lalagyan ko ng gamit. Pagkatapos ay nakangiti ko iyong binuksan. Hindi ko alam kung bakit masaya ako pero siguro ay dahil hindi na ako binalikan pa ng babaeng iyon. Hindi ko alam ang pangalan niya.

Kinuha ko ang plastik na pinaglalagyan ng aking damit pampasok ngunit nangunot ang noo ko dahil pakiramdam ko ay mabigat iyon.

Inilabas ko iyon. Hindi nawala ang pagkaka-kunot ng noo ko hanggang sa buksan ko ang plastik.

Nanlaki ang mata ko dahil sa nakita! Ang kulay puti kong uniporme ay naging pula! Hinawakan ko ang tinta at nalaman kong pintura iyon.

Ang ngiting dala-dala ko kanina ay nawala. Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa. Nagngitngit ang panga ko!

Gusto kong magwala pero wala iyong magagawa. Napapikit ako nang mariin.

Napalingon ako sa likuran ko nang may marinig akong halakhak galing doon. Nakita ko roon ang babaeng nakabangga sa akin at ang babaeng kaibigan niya at kapwa pumapalakpak dahil nagtagumpay sila sa plano nila.

Nanliit ang mga mata ko.

"Ano? Hindi ba at mas maganda na ngayon ang uniform mo?" nakangising sabi niya, ang babaeng nakabangga sa akin. "Umalis ka na lang kasi rito sa school namin dahil hindi namin kailangan dito ng basura!"

Napapikit ako sa inis. Gusto kong maiyak dahil dalawa na lamang ang uniporme ko at malamang sa malamang ay mahihirapan akong tanggalin ang mantsang idudulot ng malagkit na pinturang dumikit doon.

Pero nanatili akong kalmado- hindi! Pinanatali ko ang sarili kong huwag manakit dahil alam kong babae pa rin sila. Kailangan ko silang irespeto kahit pa hindi nila alam ang salitang iyon.

"Please?" Tinanguan ko sila nang may nagmamakaawang tingin. "Kung ano man ang pangalan mo ay nagmamakaawa ako sa 'yo. Ayoko ng gulo kaya sana ay tigilan mo na 'tong ginagawa mo," pakiusap ko.

"Sorry. . . magso-sorry na lang ako kahit hindi ko kasalanan dahil hindi ko ginusto ang sinasabi mong pagbangga ko sa kotse mo kaya pakiusap lang, 'wag mo na ako guluhin. . . Diploma ang gusto kong makuha rito at hindi tubig at kulay pulang pintura na ito," tukoy ko sa uniporme kong halos maging pula na.

"Kaya sana ay pagbigyan n'yo na ako sa hiling ko na tigilan n'yo na ako."

Hindi ko na sila pinasagot pa at dumiretso na ako paalis. Dumiretso ako sa CR ng school. Binuksan ko ang gripo at saka pinadaloy ang tubig sa aking uniporme pero nabigo ako.

Gusto kong suntukin ang pader na nasa harapan ko dahil hindi matanggal ang pintura. Mukhang hindi na iyon matatanggal pa!

Napatungo na lamang ako, pagkatapos ay saka ako nag-angat ng tingin at tinitigan ang sarili sa salamin.

Wala namang mali sa akin. Hindi naman gano'n kasama ang hitsura at halos katulad din ng ibang estudyante rito ngunit hindi ko maintindihan kung bakit nararanasan ko ang ganito.

Simula nang mawala ang aking Ina ay puro kamalasan na ang naranasan ko. Nakabuntot na ata sa akin ang malas.

Wala na akong nagawa kung hindi umuwi at saka bumalik sa school suot na ang isa ko pang uniform. Mabuti na lamang at nalabhan ko na iyon kagabi dahil kung hindi ay absent sa buong pang-umagang klase.

Na-late na ako sa unang dalawang klase namin kaya sa pangatlong klase na ako nakapasok. Sinubukan ko pa kasing labhan ang uniporme kong nalagyan ng pintura pero hindi ko na matanggal. Isa pa ay naglakad lamang ako kaya matagal ako bago nakabalik sa school.

Caleb's Secret (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon