Umuwi si Agatha nang sawi. Mabuti at hindi siya nadisgrasya dahil lumulutang ang kaniyang isipan nang magmaneho pauwi kanina.
Nang iwanan siya kanina ni Kiara ay hindi na niya nakita pa si Caleb nang tanawin niya ito. Mag-isa na lamang siya sa lugar kaya kahit tila pagod na pagod ay minabuti niyang lumayo na rin doon.
Hindi niya na rin p-in-lano na bumalik sa bahay nina Caleb. Hindi dahil natatakot siya kundi ayaw niya munang gatungan ang sari-sariling nararamdaman.
Kapag ginatungan pa ang apoy, lalo lamang itong magliliyab. Katulad ni Kiara, kapag napuno niya pa lalo ito ay baka lalong hindi na nga niya malapitan si Caleb.
Naiinis siya. Hindi dahil sa nangyayari kundi dahil sa sarili niya mismo. Sinisisi niya ang sarili kung bakit hindi man lamang pumasok sa isipan niya na maaaring gawin iyon ng mga magulang niya. Eh 'di sana ay naagapan niya ang mga pangyayari.
Pumasok siya sa front door. Walang sumalubong sa kaniyang katulong sa bahay pero naroon ang seryoso at hindi mapakaling mga magulang.
"Saan ka nanggaling, Agatha?" Hindi pa man siya nakapapasok nang tuluyan sa loob ay may tanong na kaagad ang Ama niya.
Ngunit hindi na siya makakabog ng kahit sino. Manhid na siya sa sakit at mga salitang makasasakit pa sa kaniya.
"Bakit n'yo ginawa iyon?" Nag-iwas siya ng tingin pagka't nauuyam siya sa kaniyang Ama. Hindi pa rin mawala sa isipan niya ang mga narinig kaninang umaga. Sariwa pa rin ang sakit na idnulot nila.
"A-Anong sinasabi mo?"
"Dad, please!" Napapikit siya kasabay ngpagtampal sa noo. "Alam kong alam mo ang tinutukoy ko!" Nagtatama na ang mga ngipin niya. Mayroon na namang namumuong luha sa sulok ng mga mata niya.
"H-Hindi namin alam ang sinasabi mo, Anak—"
"Pwede ba, Ma! 'Wag mo nang pagtakpan pa ang ginawa n'yo dahil alam ko na! Alam ko nang tinakot n'yo si Caleb para layuan ako!"
Bakas ang pagkagulat sa mukha ng mga magulang ni Agatha. Sinisid nila ang ala-ala kung may nakarinig ba sa kanila kanina. Nasagot ang tanong nila nang mapagtantong nakasiwang nga ang pinto ng kwarto nila kanina.
Mayroong namuong kaba sa kanila.
"'Yon lang ba ang ikinagagalit mo, Anak?"
Napamaang si Agatha dahil sa naging sagot ng kaniyang Ama. Gusto niyang matawa ngunit pinigilan niya.
"'Yon lang?" Hindi siya makapaniwala. "Pero 'yong nila-lang na sinasabi mo ay nasasaktan ako nang sobra, Dad!"
Nawawalan na siya ng respeto sa kaniyang mga magulang dahil pakiramdam niya ay walang kwenta ang mga paliwanag ng mga ito. Napatunayan niya lalo sa sarili na walang pakialam sa kaniya ang mga magulang.
"Hindi mo ba naiintindihan ang punto kung bakit namin ginawa 'yon, ha? Ginawa namin 'yon para sa 'yo, Agatha! Ginawa namin 'yon para sa kinabukasan mo!"
"Ginawa n'yo 'yon, Dad, para sa sarili n'yo lang! Sarili n'yo lang ang iniisip n'yo! Bakit? Porke't ba mahirap si Caleb at mayaman ako ay hindi na kami pwede magsama? Tanginang kayamanan 'yan!"
Hindi na niya napigilang magmura sa harapan ng mga magulang niya. Masiyadong naghahalo ang nararamdaman niya at hindi na niya ma-kontrol ang kaniyang sinasabi.
Kung lalaki lamang siya at mayroong sapat na lakas ng loob ay nasuntok na niya ang pader sa gilid niya.
Malalim na bumuntong hininga si Roger. Pinakalma niya ang kaniyang sarili.
"Masama bang isipin namin ang kapakanan mo, Agatha?" Huminahon nang kaunti ang mababang tono ng Ama.
"Kapakanan ko nga ba, ha, Dad?" Nag-angat siya ng tingin sa kanilang kisameng kulay kayumanggi upang pigilan ang luha. Matapos ay saka niya ibinalik ang tingin sa seryosong mga magulang.
BINABASA MO ANG
Caleb's Secret (Completed)
Ficción GeneralMatalino, matiyaga, marangal, may paninindigan, at mapagmahal. Lahat iyan ay katangian ni Caleb. Siya ay simpleng namumuhay hanggang sa makasalamuha niya si Agatha, ang babaeng maarte, mayaman, maganda, at masama ang ugali. Dahil huling taon na nil...
