RONA'S POINT OF VIEW
Hindi ko na napigilan ang pagkuyom ng aking mga kamay. Yumuko ako upang itago ang aking nararamdamang galit. "B-bakit? Hindi po ba kayo . . . n-natatakot para sa sarili ninyong anak?"
"Wala siyang ginagawang masama sa kapatid mo, Rona," wika ng reyna.
Bumalik ang tingin ko sa kanila. Kung kanina ay galit ako, ngayon naman ay naguguluhan. "Ano po ang ibig ninyong sabihin? Rhein was hurt! 'Di ba't siya ang nagdulot ng pananakit ng ulo niya?"
"Nagkakamali ka," sagot ng hari, "Natural lang na mangyari ang ganoon sa kanya. Matutuloy pa rin ang pagsubok. Hindi ito maaaring itigil hangga't wala akong ipinag-uutos."
Nakadama ulit ako ng inis dahil sa sinambit niyang iyon. "Wala pong natural doon. Hindi po natural na bigla na lang mangingirot ang ulo niya nang walang dahi-" Napatigil ako nang may mapagtanto. "-ibig po ninyo bang sabihin . . . "
Tumango silang dalawa. Lumapit sa akin ang hari at tinapik ang aking kanang balikat. "Tama. Ang pananakit ng ulo ng kapatid mo ay dulot ng paglapit ng deore mnarillaza sa kanya. Alam mo namang nagkakaroon ng reaksyon ang seal sa deore mnarill, 'di ba?"
Hinawakan naman ng reyna ang aking mga kamay. "Huwag kang masyadong mag-alala sa kapatid mo. Hindi namin siya hahayaang mapahamak," aniya. Nginitian niya ako at niyakap.
Napangiti na lang din ako. Rhein, kaunting hintay na lang, makukumpleto na tayo.
Kahit ano ang pilit ko, tumanggi pa rin silang ihinto na ang pagsubok. Wala na akong ibang pamimilian kundi ang magpatuloy.
Pagkalabas ko ng postah, nakita kong nakaabang pala ang goseth-postah. Sigurado akong alam niya na ang iniisip ko dahil hinayaan kong bukas ang aking isipan.
"Lolo Lembo, kayo na po ang bahala."
Ngumiti siya at bahagyang yumuko. "Masusunod ang inyong nais, Prinsesa. Makakaasa kayo."
RHEIN'S POINT OF VIEW
Hindi ko alam kung paano ako napunta sa loob ng kuwarto ko. Basta, nagising na lamang akong nakahiga na ako sa ibabaw ng aking kama.
Kulay-kahel na ang sinag ng araw na tumatagos sa bintana nang tignan ko ang direksyon nito. Hapon na pala.
"Tama nga ang hinala ko. Maaasahan ang mga kaibigan mo para bitagin ka."
"Aaaaaaaaaaaaaaaaaaahh!" Matapos kong marinig ang mga salitang iyon, napasigaw ako dahil sa muling pananakit ng ulo ko. Kumpara sa nangyari kahapon, mas malubhang kirot ang nararamdaman ko ngayon. "Aaaaaaaaaaaaaaaahh!" Sigaw lang ako nang sigaw hanggang sa mapaupo ako. Ramdam kong umaagos na rin ang mga luha ko sa aking mga pisngi. "Aaaaaaaaahh!"
Kahit na napakapikit ako at hindi ko siya nakikita, alam kong nakatitig lamang siya sa akin at pinapanood ako. Hindi ko maintindihan. Bakit niya ba ako sinasaktan? Ano ba ang nagawa kong kasalanan sa kanya? Dahil ba sa nalaman kong nakita siya nina Xyrille? Subalit, bakit ako? Hindi ko naman siya nakita nang harapan ngunit, bakit ako ang sinasaktan niya imbes na ang mga kaibigan ko?

BINABASA MO ANG
Ruihnas
FantasyRhein Gomez - namulat lamang siya sa isang ordinaryong buhay bilang tao. Namumuhay nang simple kasama ang kanyang nag-iisang nakatatandang kapatid, pumapasok sa isang eskuwelahan, nagkakaroon ng kasiyahan kasama ang mga kaibigan, at higit sa lahat...