Chapter 7: Her Mnarill

87 67 1
                                    

RHEIN’S POINT OF VIEW

Napigil ko ang aking paghinga nang maalala ang sinabi niya kanina. “T-teka, nakakapagsalita ka?!” gulat kong tanong.

“Siyempre, pero ikaw lang na pracien ko ang nakakaintindi sa akin kasi connected tayo sa isa’t isa,” paliwanag niya sa matinis na boses. Lumipad siya patungo sa ibabaw ng kanang balikat ko at lumingon sa akin. “Ah! Naiintindihan din pala ako ng mga ofris at resce mnarillazas.”

Pinanliitan ko siya ng tingin. “So, nakakaintindi rin ako ng ibang hayop?”

Tumango siya ngunit biglang nanlaki ang kanyang maliliit na mga mata nang tila may naalala. “T-teka nga, ofris mnarillaza ka?”

Kumunot ang noo ko. “Hindi mo alam? Galing ka sa dugo ko, ‘di ba? ‘Di ba dapat ay alam mo?”

“Oo nga. Alam ko kung anong klaseng mnarillaza ka pero, ba’t ikaw, sarili mong mnarillaza type, hindi mo alam?”

“Alam ko. Kakasabi ko lang na ofris mnarillaza ako, ‘di ba?!”

“Hindi iyan ang mnarillaza type mo!”

“Eh, ano?!”

“Hindi ka isang ofris mnarillaza!”

“Eh, ano nga?!”

“Eh, ba’t ka sumisigaw?!”

“Ikaw din naman!”

“Huminahon nga kayong dalawa!” Sabay kaming napalingon kay Lolo Lembo nang sumigaw siya. Galit siyang nakatingin sa amin dahil sa pagkarindi. Nagkatitigan kami ni Forelody at natawa na lamang. Unang pagkikita pa lang namin, nagsisigawan na kami.

“Paniguradong hindi ka na rin makakatulog, Hija. Tara na sa dining hall para kumain ng pang-umagahan. Nakahain na ako kanina bago pumunta rito sa silid.”

“Ano ba ang alam mong mnarillaza type ko?” tanong ko kay Forelody ngunit ngayon, mahinahon na. Hindi siya agad sumagot kaya nilingon ko siya. Nakatingin siya sa harap namin at tila nakatulala. “Forelody?”

“Ah, sorry!” Tumawa siya. “Tinitingnan ko lang kung gaano kaganda itong bahay. Ano ulit ‘yung tanong mo?”

“Ang sabi ko, ano ba ang alam mong mnarillaza type ko?”

“Base sa mga mata mo, ofris mnarillaza ka.”

“Kasasabi mo lang kaninang hindi iyon ang alam mo.”

Ipinatong niya ang kanyang kanang pakpak sa ibabaw ng ulo niya at natawa ulit. “Munting pagsubok ko lang iyon sa iyo. Test lang kung talagang alam mo kung anong uri kang mnarillaza,” sagot niya at ibinalik na ang kanyang tingin sa harapan.

Nagsalubong ang aking mga kilay. Bakit parang iba ang sinasabi ng pakiramdam ko? Napailing-iling ako para alisin iyon mula sa aking isipan. I think too much.

Huminto ako sa paglalakad nang may pumasok sa isip ko. Nagpaalam muna ako kay Lolo Lembo na may babalikan lang ako sa kuwarto. Nakalimutan ko kasing maghilamos.

Pagkarating ko sa loob ng comfort room, kaagad akong naghilamos at napatitig sa salamin. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatingin doon. Saka lang ako bumalik sa wisyo nang magtanong si Forelody.

“Rhein, nagtataka ka ba kung bakit bumalik na sa dati ang mga mata mo?”

Nakatitig pa rin ako sa repleksyon ko sa salamin. Hindi pa rin ako makapaniwalang kitang-kita ko kung paano bumalik sa pagiging brown ang aking mga mata.

RuihnasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon