Chapter 17: Record

34 19 2
                                    

RHEIN’S POINT OF VIEW

“Naku, wala, Hija. Nasa college department ang mga records. Tanging files lang ng mga senior high school students ang narito.”

“Sige po. Pupunta na lamang po ako roon.”

“Hija, hindi pinapayagan ang mga hindi college students doon kaya, malabo ring makuha mo kapag ikaw lamang ang pupunta. Ano ba ang pangalan ng estudyanteng hinahanapan mo ng record? Susubukan kong kuhanan ka na lamang ng kopya. Basta, kapamilya mo siya o kamag-anak.”

“Kapatid ko po siyang gr-um-aduate rito. Hindi ko na po maalala kung ano ang eksaktong taon. ‘Rona Montenegro Gomez’ po ang kanyang pangalan.”

“‘Rona Montenegro Gomez’? Teka lang, hanapin ko lang sa general database.” Nagtipa siya sa computer ng mga codes. Makaraan lamang ang ilang saglit, may nagpakitang isang table sa screen nito. “Hija, walang records na nagpapakitang tungkol sa kanya. Sigurado ka bang nag-aral dito ang kapatid mo?”

“Opo.”

“Baka nagpalit siya ng pangalan. ‘Rona Luoxegeime Clandeglowan’ lamang ang narito, Hija. Isa siyang hwizta mnarillaza at siya rin ang panganay na anak ng rah at nhar. Siya ang kilalang first princess ng buong Mnarra.”

Tila tumahimik ang buong paligid nang marinig ko iyon.

“Ayos ka lang ba, Pracien? Nanginginig ka. Nilalamig ka ba?”

Nginitian ko si Forelody at pilit na itinago ang aking kaba. “Oo. Malamig pala. Nakalimutan kong kumuha ng jacket. Puwede ka bang bumalik muna sa dorm at sabihan si Allie na kuhanan ako? Pakisabing dalhin niya na lang sa classroom namin,” paghingi ko ng pabor sa kanya. “Hintayin kita rito.”

Pumayag din siya kahit na nag-aalangan, “Sige.”

Hinarap ko muli ang nakangiting staff. “Mayroon po bang picture na nakalagay ang first princess diyan sa kanyang record? Gusto ko lang pong makasigurado.”

Kita sa kanyang hitsurang na-weirdo-han siya sa sinabi ko. “Kamag-anak mo ba siya?”

“Hindi po.”

“Kung ganoon, hindi mo maaaring tignan, Hija. Para na rin sa seguridad ng may-ari.”

“Hindi ko na po hihingin ang record. Picture na lamang po ng prinsesa. Kayo na rin po ang nagsabing kilala siya sa mundong ito. Nanggaling po ako sa mundo ng mga tao at ito po ang unang beses na nakarating ako rito sa Mnarra, kaya gusto ko po sanang malaman,” wika ko.

Panandalian niya akong tinignan sa mata bago humarap muli sa kanyang computer. Ipinakita niya sa akin ang litrato. Tuluyan na akong tinakasan ng dugo nang makita ang nakangiting babaeng nakasuot ng uniporme katulad ng akin.

“Heto, Hija. Litrato niya iyan noong nag-aaral pa lamang siya sa ikalawang taon sa kolehiyo rito.” Nagpabalik-balik ang tingin ng staff sa akin at sa picture ng prinsesa. “Alam mo, may pagkakahawig kayo, Hija,” komento niya. Nanatili pa rin siyang nakangiti ngunit, noong bumaba ang kanyang tingin sa badge ko, naglaho na iyon sa isang iglap. Namilog ang kanyang mga mata. “I-ikaw—”

Hindi ko na siya pinatapos at nilisan na ang lugar. “Maraming salamat po.”

Ilang beses akong huminga nang malalim at napapikit. Iginala ko ang aking tingin sa paligid habang naglalakad ako. Napapatingin sa akin ang ilang estudyante at nagbubulungan. Iniiwasan din nila ang kanilang mga tingin nang mapansing nakatingin din ako sa kanila.

Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayon. Gusto kong magalit, umiyak, sumaya—hindi ko na alam. Nalinawan na ako sa mga nangyayari sa akin ngunit naguguluhan pa rin ako. Gusto ko na silang makaharap at makausap. Ayaw ko na ng kung anumang pakulong ito.

RuihnasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon