RHEIN’S POINT OF VIEW
Hindi ko ito inaasahan. Hindi ko inaasahan ang lahat ng mga ito. To be honest, hindi pa rin akong lubusang makapaniwalang sa ganitong mundo at buhay ako nabibilang.
Ang akala ko noon, isa lamang akong taong ulila na at may isang nakakatandang kapatid na kasama at mga kaibigan. Ang akala ko noon, iikot lamang sa normal na pamumuhay ang buhay ko. Ang akala ko noon, isa lamang akong ordinaryong taong kagaya ng karamihan.
Mnarill – isang kathang-isip lamang ito para sa akin noon. Walang katotohanan at gawa-gawa lang ng imahinasyon subalit heto, nagtataglay ako nito. Hindi lang bilang isang normal na mnarillaza kundi isa pang nakakataas.
Ibang-iba ang kinamulatan kong buhay noon sa buhay ko ngayon. Hindi ko talaga inakalang posibleng mangyari ito sa akin.
Ang inakala kong patay ko nang mga magulang, buhay pa pala sila. Ang inakala kong kapatid na normal lamang na namumuhay kasama ko, isa na palang ganap na prinsesa at alam na ang mga pasikot-sikot sa pamumuno ng mundong ito. Isang plano lang pala ang lahat para magkaroon ng normal na buhay sa loob ng maikling panahon at para subukin ang aming mga kakayahan.
“Patawad, Rhein. Anak, pinalaki namin kayo sa mundo ng mga tao para maranasan ninyo ang normal na buhay, kahit sa loob lamang ng ilang taon bago sumabak sa mundong napakakomplikado. Ayaw naming magaya kayo sa aming walang ibang ginawa kundi ang mabuhay sa napakaproblemadong buhay. Ginawa namin iyon, Rhein, kahit labag sa aming kaloobang malayo sa inyo. Ginawa namin iyon dahil mahal na mahal namin kayo.” Nakatatak pa rin sa isip ko ang sinabing iyon ni Mama.
Halos isang oras na ang nakakalipas matapos nila akong iwang mag-isa upang makapag-isip-isip. Hindi pa rin gaanong maproseso ng utak ko ang aking nalaman ngunit alam kong tama nga ang mga hinala ko. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bahagi rin ba ng kanilang plano ang deore mnarillaza na ilang beses nang nagpakita sa akin. Imposible namang maging si Justin iyon dahil una sa lahat, lalaki siya at hindi pa matanda. Posible kayang may iba pang deore mnarillaza na nasa panig nila Papa?
“Rhein.”
Awtomatikong napatalon ako sa aking kama nang biglang lumitaw si Mama sa aking tabi. Tinawanan niya ako noong makita niya ang aking reaksyon.
“M-ma, bakit p-po?”
Huminto siya sa pagtawa ngunit napalitan naman iyon ng isang pilit na ngiti. Nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa kuryosidad kung bakit.
“You are confused, right? Iniisip mo kung sino ba talaga si deore mnarillaza. Iniisip mo kung bahagi rin siya ng pagsubok na ibinigay namin sa iyo.”
Tumango na lamang ako bilang sagot. Alam ko namang hindi ko gaanong naisara ang aking isip kaya paniguradong nalaman niya ang nilalaman nito.
“Kilala mo si Justin, hindi ba?”
“Opo, magkaklase po kami.”
“Siya lang ang deore mnarillaza na nasa panig natin. Ang iba ay mga kasapi na ng Deorcanen Clan.” Bahagya siyang napayuko para iwasan ako ng tingin. “Nasa plano ang pagpapakita ng deore mnarillaza sa iyong pagsubok. Dapat ang Ate Rona mo ang magpapanggap bilang siya. Subalit sa kasamaang palad, ang totoong deore mnarillaza ang gumawa n’on. Ang kapatid ko ang nagpanggap na bilang siya.”

BINABASA MO ANG
Ruihnas
FantasyRhein Gomez - namulat lamang siya sa isang ordinaryong buhay bilang tao. Namumuhay nang simple kasama ang kanyang nag-iisang nakatatandang kapatid, pumapasok sa isang eskuwelahan, nagkakaroon ng kasiyahan kasama ang mga kaibigan, at higit sa lahat...