Ikaapat na Kagat - Unang Sipsip

260 36 15
                                    

Dare Diary,
Ituloy natin ang story . . .

Habang naglalakad kami ni Kapon ay nagsalitang muli ang bampirang emcee.

"Inaanyayahan ang lahat na tumayo at magbigay pugay sa paglabas ng mahal na Omega at Omelet! Pasalabungan nang masigabong ungol, singhal at angil ang ating mga pinuno!"

"RORR! RORR! RORR!" sabi ng mga Bagsak na Bampira.

"RARR! RARR! RARR!" sabi naman ng mga Mejo na Bampira.

"RAWRSZXC! RAWRSZXC! RAWRSZXC!" sabi naman ng mga Pasado na Bampira; mga pabida talaga kahit kailan.

Anyway, wala na akong pakialam sa kanila at hindi ko na inaabala pa ang aking sarili na mag-rawr rawr dahil sa nakabibighaning gandang umakit sa aking mga mata.

"Bareback, napakaganda ng Omelon…" sambit ni Kapon.

"Sobra…" sabi ko't napanganga.

"Magandang gabi mga mahal naming nasasakupan!" pagbati ng Omega at natahimik ang lahat.

Nakatingala silang lahat sa itaas kung saan naroon sa mataas, maluwang at pabilog na balkonahe ng palasyong kulay puti ngunit ang aking mga mata ay wala sa Omega kundi nasa Alibata niya, ang Omelon.

Suot nito ang kanyang korona na mas maliit kaysa suot ng Alpha at Alma niya na siya namang nagpapaganda sa maamo niyang mukha.

"Isang taon na ang nakalilipas nang magsimulang manungkulan ang aking kabiyak, ang inyong Omelet," pagpapatuloy ng Omega.

"..."

Boses niya pa rin ang naririnig ng lahat, "Maraming mga pagbabagong naganap sa Kastilyo ngunit alam nating lahat na para iyon sa ating kabutihan . . . sa ating kapakanan . . . at para sa ating sari-sariling kaunlaran."

Tumingin siya sa kanyang Omelet at saka nagpatuloy, "Lahat ng iyan ay dahil sa ating butihing Omelet, hindi lang siya magaling na kabiyak kundi mahusay rin siyang pinuno. Ikinagagalak kong siya ang aking kapareha. Masayang-masaya ang puso ko dahil sa kaniya at nais kong makapagbigay siya ng mensahe para sa inyo," mahabang turan niya saka iniabot sa Omelet ang mikroponong hawak niya kanina pa.

"Magandang gabi, mga Kastila!" pagbati ng Omelet.

"WOOOOH! MABUHAY ANG MAHAL NA OMELET!" sigawan ng lahat na hindi mapigilan ang pagbubunyi. Talagang mahal na mahal nila ang Omelet. I mean, mahal na mahal namin ang Omelet. Para sa amin siya na ang pinakaperpektong lider at ang kanyang Omega. Silang dalawa ang aming tinitingala sa lahat ng mga Kastila.

"Nais kong magpasalamat sa inyong pagdalo para sa pagdiriwang ng aking isang taong pamumuno sa kahariang Kastilyo. Lugod kong ipinababatid na ang masilayan kayong lahat sa gabing ito ay kaligayahan ang dulot sa aking puso. Nawa'y patuloy kayong maging masunurin sa ating mga batas at panuntunan. Ipinapangako namin ng aking Omega na gagawin namin ang lahat para sa ikauunlad ng bawat isa sa atin. Iyon lamang ang aking masasabi. Maaari nang simulan ang inihandang piging…"

Masigabong palakpakan, pag-ungol at pag-angil ang namayani matapos ang pagsasalita ng Omelet.

Pagkatapos magsalita ng Omelet ay nagsimula na ang kainan.

Napansin ko naman kaagad ang pagkailang ng mga kasamahan kong Bagsak sa mga Mejo at Pasado.

Ang mga Bagsak, kanilang suot lamang ay payak na pares ng baro't pantalon na kulay kahoy. Pare-parehas kami ng kulay ng suot ng damit pero naiba lang sa isitilo at disenyo. Ang aming suot ay ang pinakasimple at mababang klase lang ng damit. Gawa ang mga ito sa hibla ng iba't ibang halaman at hindi na ilulubog sa pangulay dahil ito ang batas. Simple, payak at walang kulay ang mga kasuotan ng mga Bagsak kung kaya't ang kulay lamang ng mga damit namin ay parang pinatuyong dahon lang.

Samantalang sa mga Mejo ay mayroong kulay ang kanilang mga kasuotan, nakaiinggit pagmasdan kasi sana kami rin gano'n, 'di ba? Sana nararanasan din namin na magkaroon ng damit na tatlo ang kulay, dalawa o kahit isa man lang. 'Yong maranasan na kumupas ang damit na mayro'ng kulay. Hindi kasi namin nararansan 'yon.

Paano pa nga ba kasi kukupas ang damit o mamantsahan? Hindi nga namin alam kung kupas na ba 'to o hindi kasi wala namang disenyo at kulay.

At ang mga Pasado sa kabilang banda, sila ang mga nakaangat sa lahat lalo naman na sa gabing ito. Ang mga kasuotan nilang damit na makukulay at makikinang sapagkat napapalamutian ng iba't ibang klase ng mamahaling bato ay talaga namang namumukod-tangi. Ang braso ay halos mapuno ng mga porselas na gawa sa pilak at ginto. Ang leeg ay may kwintas na magara. Maging ang dalawang tainga ay may mga hikaw na karaniwang gawa sa bakal na hindi kinakalawang o kaya'y tanso. May mga suot silang maskara sa mata na elegante pa rin kung titingnan.

Napakasosyal nilang tingnan. Hindi ko maiwasang mainggit sa kanila.

Ang mga Mejo at Pasado, ang mga Bampirang kabilang sa uri na kung tawagin ay Kastila. Kapag sinabing Kastila ay mabuting bampira. Ang mga Mejo na ito ay ang mga pamilyang nakapaghahandog sa Omelet at Omega ng mga yaman tulad ng ginto, pilak o tanso. Mga diyamante, mamahaling bato gaya ng ruby o sapiro. Iyan ang mga pamilyang nagtataglay ng mga yamang pamana at yamang hinukay. Kapag sinabing pamana ay yaman na mula sa kanilang angkan at kapag hinukay naman ay yamang pinaghirapan.

Karamihan sa mga Mejo at Pasado ay minero, mga nagmimina sa kagubatan o kweba na naghahanap ng mga yamang maihahandog sa Omelet. Ang ilan ay maninisid sa dagat, naghahanap ng mga perlas at iba pang hiyas na para sa Omelet.

At kapag nakapaghandog na sila ay bibigyan sila ng Omelet at Omega ng karapatang makapasok sa akademya upang makapagsanay at makapag-aral. Kung kaya ang mga Mejo ay ang mga Kastilang nakatatanggap ng pormal na ensayo, kaalaman at pagsasanay kung kaya higit silang mas maalam, maunlad at mas makapangyarihan--- pisikalidad man o mentalidad.

At kapag nakatapos sila sa akademya ay doon na sila gagawaran ng titulo bilang isang ganap na Pasado. Mayroon silang titulong pinanghahawakan. Nakabase naman sa potensyal at abilidad ng isang Kastila ang panahong ilalagi niya sa akademya. Ang karaniwang itinatagal ng isang bampira sa akademya ay isang taon at ang iba naman ay ilang buwan lang ay nakatapos na. Depende talaga sa abilidad.

Kaming mga Bagsak naman ay mas pinili na lamang magpakababa. Kami ang mga bampira na nasa pinakalaylayan ng kaharian. Hindi kami katulad ng mga Mejo at Pasado na may kaalaman sa paglangoy sa ilalim tubig at pagmimina sa ilalim ng lupa.

Kaming mga Bagsak ay maalam sa paghahayupan at pagsasaka. Sa amin nakasalalay ang Kastilyo. Kami ang mga nagtatanim ng mga halamang gamot, palay, mga punong-kahoy, gulay at iba pa. Kung wala kaming mga mababang uri na minamaliit ng mga Mejo at Pasado ay patay lahat sila. Hindi nila matitikman ang mga pagkain ng tao. Kung wala kami ay maoobliga silang pumatay ng mga hayop at tao. Kami ang nagbibigay ng pangunahing pangangailangan ng kabampirahan sa kaharian--- pagkain.

Wala kaming pagkakataon at tiyansa na makapasok sa akademya dahil nga sa kinakailangan ng yaman o hiyas upang makapag-aral at makakuha ng titulo.

Diary ng Bampirang Bungal ang PangilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon