Ikasiyam na Kagat - Ikalimang Sipsip

138 24 10
                                    

Iyon nga ang ginawa namin, binilisan namin ang paglalakad hanggang sa pagsilip namin sa pader na kinukublihan ay narinig na lamang namin ni Kapon ang tunog ng sandatang itinaga, boses ng panaghoy kasabay ng tunog nang pagbagsak sa sahig at ang mga yabag papalayong mukhang patungo na sa kabilang dulo.

Hindi ito maganda. Kinakabahan ako.

Kaagad kaming lumabas sa aming kinukublihang pader at natanaw ko pa ang Omelet kasama ang mga alalay niya patungo sa kabilang dulo na may maliwanag na bahagi at sa tingin ko ay iyon ang kabilang lalabasan nila.

Ngunit nang marimatse ang aking mga mata sa rehas na nagsisilbing harang sa mga bihag sa Bagsak ay tila nanlambot ang aking mga tuhod. Ako'y naglalakad habang nanghihina, nanginginig ang ang mga kalamnan ng katawan, nanginginig ang labi at gumugulong ang mga luha pababa sa aking mukha.

Ang tuhod kong tuluyang nawalan nang lakas sa pagtayo ay bumagsak nang walang pasubali sa magaspang na semento at upang hindi tuluyang mangudngod sa lapag ay ikinapit ko ang aking mga kamay sa rehas ng bilangguan na kahit nanlalambot na rin ay pinilit kong patatagin.

"Ang Alma ko…" sambit ko, tumutulo ang mga luhang walang sinuman ang makapipigil.

"Alpha… Alibaba… Alibangbang…" umiiyak kong sabi habang isa-isang pinagmamasdan ang mga ulo nilang nagkalat sa sahig. Umaagos ang dugo sa lapag at ang mga pugot nilang ulo'y dilat ang mga mata.

Ang katawan nilang nakahandusay sa sahig, kamay na nakakadena at gayundin ang mga paa, bagay na mas lalong nagpasidhi ng labis na lumbay sa aking puso.

"Alma…" sambit ko habang hinahaplos ang pisngi ng Alma kong pugot ang ulo't malapit sa rehas kaya't aking nahawakan.

Ngunit habang hinahaplos ko ang kanyang mukha ay unti-unti itong nagbabagong-anyo at nang mapatingin ako sa katawan ng aking Alma ay nag-iiba rin ang anyo nito hanggang sa . . .

"Alpha?" sambit ni Kapon; hihinga-hingang nagugulat ang mga mata niya sa nakikita.

"Ang Alpha mo Kapon ay…" nagtatakang sabi ko sapagkat ang ulo ng aking Alma na hawak ko ay nagbagong-anyo at naging ulo ito ng Alpha ni Kapon, ang Kapitan.

"P-Paano nangyaring . . . ?" sabi ko't paulit-ulit na tinitingnan ang ulong hawak ko. Kanina ay ulo ito ng aking Alma at kanina ay katawan niya iyong malapit sa ulo niya pero bakit biglang naging katawan at ulo ito ni Kapitan? Anong nangyayari? Naguguluhan ako.

Ang aking kaguluhan ay naglaho nang matanaw ko ang babaeng naglalakad palapit sa rehas. Umiiyak siya at ako kaagad ang unang nilapitan. Hinaplos niya ang aking mukha nang labis ang pagkaawa.

"Alma . . . buhay ka?" 'di makapaniwalang sambit ko at ang ulo ng Kapitan na akala ko ay kanya ay aking binitiwan ngunit nasapo iyon ng kamay ni Kapon.

"Alpha… Alpha ko…" rinig kong pagdadalamhati ni Kapon sa ulo't katawan ng kanyang Alpha na inaabot niya.

Hindi ko alam kung gaano kami katagal umiyak ni Kapon, parehas kaming sawi dahil nawalan kami ng creampie pero triple ang sakit sa 'kin dahil ang Alpha ko, Alibaba at Alibangbang ang nawala sa 'kin.

Hanggang sa ipinaliwanag sa 'min ng aking Alma ang nangyari.

"May kakayahan ang Kapitan natin na makapagpalit ng wangis at ginamit niya ang wangis ko para isalba ang buhay ko…" sambit niya habang nakatulala at tila nawawala sa sarili.

Noon namin naintindihan ni Kapon ang nangyari. Akala ko si Alma ang namatay ngunit ang Kapitan pala dahil ginaya niya lang ang kabuuang wangis ng aking Alma . . . pero bakit?

"Ang sabi niya'y malaki ang pagkakasala niya sa 'kin kung kaya't marapat lang na buhay niya ang maging kapalit…" tugon ng aking Alma sa tanong ko sa sarili at narito lang kami ni Kapon sa labas ng rehas nakikinig sa kanya.

Napawi na ang aming mga luha subalit ang sakit ay nasa puso pa rin namin.

Ngunit sa sumunod na sinabi ng aking Alma ay napatingin kaming karakaraka sa kanya.

"Bago mamatay ang Kapitan ay may sinabi siya sa 'kin…"

"Ano po 'yon?" sabay naming tanong ni Kapon at hinintay ang sasabihin ng aking Alma na inabot din ng ilang segundo bago nakapagsalita.

"Ibalik ang nakaraan. Tapusin ang kasalukuyan." Iyan ang kanyang sinabi na naging palaisipan sa aming tatlo.

"Ano pong ibig sabihin ng aking Alpha?" tanong ni Kapon sa 'king Alma pero ang sabi nito'y hindi niya rin alam.

"IBALIK ANG NAKARAAN. TAPUSIN ANG KASALUKUYAN." Mahina kong sinasambit ang mga salitang iyon nang paulit-ulit hanggang sa bigla akong tumayo nang mapagtanto ang mga bagay-bagay.

"Alma, aalis lang ako saglit at tutuparin ko ang hiling ng Kapitan. Ipangako mong mabubuhay ka kahit anong mangyari…" saad ko bilang pamamaalam sa 'king Alma na nasa loob pa rin ng rehas.

"'Wag kang mag-alala, handa akong ikubli ng ating mga kasamahan sakaling magbalik ang Omelet. Mag-iingat ka…" sagot niya na ikinakampante ng aking sarili.

"Teka, bareback… sa'n ka pupunta?" tanong sa 'kin ni Kapon pero tiningnan ko lang siya at hindi sinagot.

Sumibat na lang ako basta.

At sandaling iyon ay nabigo akong iligtas sa kapahamakan ang aking creampie ngunit hindi ko hahayaang magtagumpay ng Omelet sa kanyang madilim na hangarin.

Sa isang iglap lang ay nilisan ko ang Kastilyo at nakabalik na ako sa masukal na gubat. Tumatakbo at paulit-ulit lang sa pagtakbo. Hindi ko alam kung dahil sa hanging tumatama sa aking mata kaya ako umiiyak o dahil masakit pa rin sa 'kin ang mawalan ng mga taong minamahal.

Ang alam ko lang ay malungkot ako at hindi ko hahayaang maging ganito lang ako. Ipaghihiganti ko ang aking creampie.

Ngunit ano itong nararamdaman ko na parang may matang nagmamatyag sa 'kin at parang ayaw niya akong tantanan? Sinusundan niya ako at nararamdaman ko na siya ngayon sa aking likuran kung kaya bago niya pa ako mahawakan ay lumingon na ako't hinuli siya.

"O, easy… Bambu, ako 'to!" saad ni Kapon, gulat.

"Ba't sumunod ka?" sabi ko na nagulat din sa ginawa niya.

Binitiwan ko ang pagkakahawak sa leeg niya.

"Sasamahan kita," saad niyang sinang-ayunan ko na lang din.

Dare Diary,
Kitakits sa susunod na kagat!

Diary ng Bampirang Bungal ang PangilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon