Narito na kami ni Bambu sa labas ng Porshugality makalipas ang ilang saglit nang pagtakbo. Hindi naman nakalimutan ni Kapon na dalhin ang lumang album na nakuha niya mula sa Omelet sakaling kailanganin namin iyon sa paghahanap ng solusyon sa mga nangyayaring kaguluhan.
"Sa'n ba tayo pupunta?" tanong sa 'kin ni Kapon nang makalampas kami sa gubat at matanaw namin ang kalsada.
"Naku po, 'yong suot ko pala!" sambit ko na may pagkagulat dahil naalala ko na nakasuot pala kami ng Ninja Basura suit.
"O, sa'n ka pupunta? Ba't ka babalik?" Hinila ako sa kamay ni Kapon nang wala akong atubiling tumalikod at maglakad pabalik sa labas ng Porshugality.
"Wait mo 'ko rito," sabi kong gan'yan at kinuha ang kamay ko, "Dito ka lang, ha?" saad ko bago tumalikod at sumibat pabalik.
Hindi naman inabot ng kopong-kopong ang pagtakbo ko dahil sa mabilis kong pagkilos at narito ako ngayon nakatayo sa lugar malapit sa harap ng Porshugality.
Sa kaliwa ko ay ang matayog na punong Yakal kung saan ko nakilala si Ivana at binungal ang aking ngipin. Yumuko ako at naupo sa hukay na tinabunan ko noon bago ako magbalik sa aming kaharian. Dahil sa palatandaang ginawa ko ay madali ko itong nahanap at sinimulan ko nang kutkutin ang lupa gamit ang aking dalawang kamay at matutulis na kuko.
Patuloy ako sa pagkalkal hanggang sa lumitaw na ang hinahanap ko dahil sa mga nakutkot kong lupa. Nakabalot iyon sa mga dahon na kulay luntian pa rin ngunit medyo lanta na. Nang tingnan ay inilapag ko muna iyon muli sa lupa at saka ko sinira ang pang-itaas kong suot na mula sa suot ng mga Ninja Basura at kinuha ko ulit ang bagay na iyon sa lupa. Tinanggal ko ang nakabalot na dahon roon at nang maisuot sa katawan ay tumakbo na ako paalis sa lugar.
Nakabalik na ako kung nasaan si Kapon, sa gilid ng kalsada at hindi nga siya umalis sa kinatatayuan niya gaya ng sabi ko na ikinatawa ko. Wala pang isa't kalahating minuto ang ginugol ko sa pagtahak pabalik dito.
"Talagang literal kang hindi umalis sa pwesto mo, ha..." sambit ko habang papalapit sa kanya.
"Sabi mo, dito lang ako..." aniya habang lumilingon sa 'kin, "wait! Ano 'yang suot mo? Bakit ka nagsuot n'yan? Mejo ka ba? Pasado ka gorl?" Sinuyod niya ng tingin ang suot kong makulay na pang-itaas.
"Rainbow shirt tawag dito, usong damit daw dito sabi no'ng taong nakilala ko..." sabi ko.
Ito ang damit na ibinigay sa 'kin ni Ivana na wala naman akong balak isuot kaya ibinaon ko na lang at hindi ko inaakalang kakailanganin ko pala ito ngayon.
"A, nakakainggit naman..." sambit ni Kapon habang sinusuri at hinahawak-hawakan ang suot kong damit na para bang manghang-mangha siya dahil nagkaroon ako ng ganito.
"Tara na, may hahanapin pa tayo." Iyan na lamang ang nasabi ko at hindi ko na rin alam kung gaano na kami katagal naglalakad ni Kapon dahil nakalimutan ko kung nasaan na ba 'yong Divisoria kung saan kami nagpunta ni Ivana noon.
Ang naaalala ko lang ay ang lugar kung saan ako nagbenta ng mga breathless rooster kaya naman iyon ang pinuntahan namin ni Kapon. Sa isang iglap, gamit ang aming taglay na bilis sa pagtakbo ay narating namin ang palengkeng iyon.
Kaagad kong hinanap ang pwesto ni Bai para itanong ang direksyon kung nasaan ang Divisoria. Kaagad niya namang itinuro sa akin 'yon at pagkatapos ang ilang minuto nang pagpapaliwanagan ay umalis na rin kami ni Kapon.
Sa isang iglap muli, dahil sa tulong ni Bai, kaibigan ni Ivana sa palengke, natunton namin ang Divisoria kung saan kami nagpunta kamakailan at nang makarating roon ay sinabi ko kay Kapon na naaalala ko na ang daan patungo sa Quiapo Church--- ang pinakapakay kong puntahan. Naaamoy ko ang direksyon patungo sa lugar na iyon dahil ang daan papunta roon ay ang pinakanatandaan ko sa lahat.
Sa ilang patak lang ng minuto ay narating namin ang Quiapo Church ngunit wala roon ang taong hinahanap kong makatutulong sa amin. Nagtanong-tanong kami ni Kapon, inisa-isa namin ang bawat istante at pwesto ng mga tindera't tindero dito sa labas ng Quaipo Church pero pare-pareho ang sagot nila. Ang sagot nila'y hindi tulad ng aming inaasahan. Ngunit nagkaroon naman kami ng pag-asa nang sabihin nilang baka bukas ay makita na rin namin siya.
Isang gabi ang pinalipas namin ni Kapon, natulog kaming dalawa sa bangketa kasama ng mga batang pulubi. Naalala ko pa kung paano namin pinagkasya ang aming mga katawan sa makitid na piraso ng karton na ibinigay lang din sa amin ng mga taong walang tirahan na natutulog lang sa lansangan. Mga taong kagaya naming nasa laylayan ngunit mayroong puso at malasakit. Tila sila ay mga Bagsak na kagaya namin, kakarampot na pribilehiyo ang natatamasa, hindi katulad ng mga mayayaman--- tulad sa amin, iyong mga Mejo at Pasado--- sila lang ang nakararanas ng matiwasang pamumuhay. Ang nakalulungkot pa'y halos lahat sila'y mapangmata at matapobre sa aming mga mabababa.
Sa pagmumuni-muni sa mga bagay-bagay ay hindi rin nagtagal ay nakatulog na rin kami ni Kapon.
Pagkasikat na pagkasikat ng araw at pagkamulat ng aming mga minumutang mata ay naalala ko kaagad ang pakay namin kung bakit ako nagpasyang bumalik dito. Pinaalala rin naman sa 'kin ni Kapon na kailangan naming mag-sunblock dahil maaari kaming matusta sa sinag ng araw kahahanap sa taong hinahanap namin.
Bumalik kami sa Divisoria at nandugas ng mga pekeng sunblock na Made in China. Pwede na 'to kaysa naman sa walang magamit. Hindi naman uso ang skin cancer sa 'ming mga Bampira.
Ginalugad kaagad namin ang Quiapo nang makabalik muli roon at sa wakas ay nakita ko na rin ang kahapon ko pa gustong makita.
"Maaari ka ba naming makausap?" tanong ko sa kanya nang makalapit kami ni Kapon sa pwesto niya.
Muli kong tinitigan ang lalaking ito, ang ayon kay Ivana ay isa siyang manghuhula at nagpahula siya rito. Siya ang lalaking ito na may marka ng ahas sa batok, kapareha ng markang ahas na nakita namin sa pahina ng nawawalang larawan ng mga Salamangkero.
"Hindi ako pwedeng kausapin at abalahin sa ibang bagay hangga't mayroong nagpapahula sa 'kin," saad niya at ipinagpatuloy ang panghuhula sa nagpapahula sa kanya.
"Pakiusap, mahalaga ito." Mababakas sa aking boses ang pagsusumamo na bigyan niya kami ng panahon para makausap tungkol sa mahalagang bagay na gusto naming malaman.
"Kung gusto ninyo akong makausap, maghintay kayong matapos ang trabaho ko." Nang sabihin niya ang mga salitang iyan ay hindi na namin siya naabala at nakausap pa. Kahit anong sabihin namin ay hindi niya na kami pinansin pa.
Mas inasikaso niya ang kanyang trabaho at parang wala lang kami roon. Kung ang aking kutob ay tama, maaaring siya ay isang Salamangkero. Isa sa mga pinalayas ng Omelet pero bakit wala akong maramdaman sa kanya? Hindi ko man lang naaamoy na kauri siya namin. Wala akong masagap sa kanyang itsura na isa siyang bampira.
Mali ba ako ng hinala? Kung mali ako, paano na ito? Paano ko maisasalba ang aming kaharian sa kamay ng kasamaan?
BINABASA MO ANG
Diary ng Bampirang Bungal ang Pangil
VampirosThe GG Diaries #2 "Ako si Bambu, ang bampirang bungal. Nakakilala ng isang nilalang, sa itaas ng punong yakal. Pinatulog niya ako't hindi nagtagal ay sinakal. Binungal at iniwanan sa kakahuyang masukal. Umuwi ako sa 'min nang nawawala ang dalawang n...