Ikasiyam na Kagat - Ikatlong Sipsip

136 23 13
                                    

"San 'to galing?" tanong ko kay Kapon at lumapit siya sa 'kin para kuhanin ang aklat.

"Nalaglag 'ata rito," aniya at binuklat ang likod na pabalat ng aklat. "Nakaipit 'ata rito 'yan sa pabalat."

"Teka… babasahin ko," saad ko at tiningnan ko ang papel na napulot ko. Nakatupi iyon sa apat na parte at nang maalis ang pagkakalupi ay natukoy ko kung ano ang papel na hawak ko.

"Lumang dyaryo…" saad ko nang mapatingin sa papel at mapalingon kay Kapon.

"Tungkol sa'n?" tanong niya at doon ko na binawi ang tingin ko at napagpasiyahang basahin nang tuluyan ang nakaulat sa dyaryo.

"Pagpapatalsik sa mga Salamangkerong Bampira ay pinagtatalunan nang mga Husgado," basa ko sa ulo ng balita.

"Ano 'yon?" tanong sa 'kin ni Kapon, naguguluhan. "Salamangkerong Bampira? Meganon?"

Nag-kibit-balikat lang ako dahil wala rin akong ideya tungkol doon. Tumingin ako sa piraso ng dyaryo at ipinabatid kay Kapon ang mga nalaman ko roon.

"Ang mga Salamangkerong Bampira ay kakaibang uri ng mga bampira na nagtataglay ng kapangyarihan sa salamangka at mahika. Bibihira lamang sa mga bampira ang nabibiyaan ng kakayahan at kaalaman sa salamangka kung kaya sila ay tinitingala, pinananampalatayaan ng mga mga kapwa bampira at gayundin, KINATATAKUTAN."

"Dahil sa kakayahan nilang manggamot, magbigay babala, magsanay o magturo ng istratehiya sa pakikipaglaban, makita ang nakaraan, magmanipula ng mga bagay at maging ng tao ay naging sandigan sila ng mga Kastila ngunit ang mga iyon ay nagsilbing mitsa rin upang maganap ang pinakanakapangingilabot na pangyayari na ikinatatakot ng lahat. At ito ay naganap pa mismo sa Omelet…"

"Ha? Anong nangyari sa Omelet?" Inasahan ko na ang pagkagulat sa reaksyon ni Kapon dahil ako man ay gano'n ang nabatid.

"Matagal na pangyayari na ito Kapon… may limang taon na ang nakalilipas. Ayon dito sa pahayag ng Omelet sa panayam na ginawa sa kanya, simula nang siya ay magbuntis sa anak nila ng Omega, buwan-buwan ay nakatatanggap siya ng mga banta sa kanyang buhay pero inilihim niya iyon sa Omega. Sinabi niya lamang iyon sa Omega noong kabuwanan na niya kaya naman doble ang ingat, pagbabantay at seguridad na ginawa ng Omega sa kanyang Omelet na nanganganib ang buhay."

"Ito naman ang pahayag ng Omega. Ang sabi niya, noong gabing manganganak na ang Omelet ay nasa labas lamang siya ng silid nito at naghihintay dahil sabi ng Omelet sa kanya ay roon na lamang mag-antay ang Omega kaya naman kahit gustong-gustong panoorin ng Omega na manganak ang kanyang Omelet ay hindi niya nagawa. At sa kanyang paghihintay matapos ang huling iri ng Omelet, kasunod niyon ay isang nakasisindak na tili… sumigaw nang malakas ang Omelet sa kanyang silid at doon na nagkumahog ang Omega na pumasok sa silid para alamin kung ano ang nangyari. Pagkapasok niya sa loob ay umiiyak ang Omelet, takot na takot ito habang yakap ang nakabilot na sanggol. Ang sabi ng Omelet ay kambal ang anak nila ngunit biglang may dumating na Salamangkerong Bampira at kinain ang isa sa mga sanggol pati ang walang-kaalam-alam na kumadronang nagpaanak sa Omelet ay pinaslang sa kanyang harapan at tinangay palayo ang bangkay nito."

"Napuno ng poot ang Omega dahil sa kalapastanganan ng mga Salamangkero sa Kastilyo kaya naman noong gabing iyon din ay ipinatawag niya ang dalawampu't apat na salamangkero. Pinaslang niya ang mga ito na walang kaalam-alam, sa isang iglap ay pinugutan niya ito ng mga ulo nang hindi nila namamalayang may naakabang na malapad na patalim kung saan sila nakahilera't nakatayo kaya naman putol lahat ng kanilang ulo. Labis ang poot ng Omega sapagkat nawalan siya ng isang anak kaya't hindi niya na rin alam ang ginagawa at inilagay niya na sa kamay niya ang sariling batas."

"Matapos ang naturang pangyayari ay hindi pang-uusig ang natanggap ng Omega kundi nakuha pa nila ang simpatya ng lahat. Lahat ay umayon at hindi nila sinisi ang Omega sa naging desisyon nitong pagpaslang sa mga Salamangkerong nagdulot na rin ng labis na pangamba sa mga Kastila."

"Teka, sabi mo dalawampu't apat… bakit no'ng binilang ko 'to dalawampu't lima ang bilang ko?" Naibaling ko agad sa kanya ang mga mata ko sa oras na marinig ang sinambit niya.

"Ha?" ngangang tugon ko. Naguguluhan sa sinabi niyang hindi ko alam kung saan niya napulot hanggang sa makita ko ang mga papel na hawak niya.

"Ito, o…" sambit niya nang iharap sa 'kin ang papel na hawak niya na napupuno ng mga iginuhit na larawan.

"Mga Larawan ng Salamangkerong Kastila," basa ko sa nakasulat na pamagat sa papel na iyon. Mukhang lumang magasin naman iyon sa aking pakiwari.

"San mo nakuha 'yan?" tanong ko sa kanya.

"Nakasuksok dito, dinukot ko…" agaran niyang sagot at itinuro pa ang suksukan doon sa likuran ng panglikod na pabalat ng aklat.

Iniabot niya sa 'kin ang papel para maniwala ako sa sinasabi niya pero diretso pa rin ang tingin ko sa kanya't hindi binabali.

"Oo nga pala, marunong kang magbilang…" sabi ko sa kanya, diretso sa mata at binigyan niya ako ng tingin na parang sinasabing 'ako lang 'to, 'wag kang mamangha'.

Sinimulan na naming rikisahin ang mga papel na hawak niya kanina na ngayon ay hawak ko na. Mayroon itong tig-limang larawan sa harap at likod. Mayroon itong tatlong pahina at sa ikahuling pahina ay lima pa rin dapat ang larawan ngunit . . .

"Kakaiba ang itsura ng mga Salamangkero, 'no?" sambit ni Kapon ayon sa kanyang obserbasyon ngunit hindi iyon ang napansin ko.

"Tama ka, Kapon… dalawampu't lima nga sila ngunit nawawala ang larawan ng isa," sabi ko sa kanya't tiningnan ang reaksyon.

"Oo den…" tangong aniya, walang bahid nang pagsalungat.

Binuklat ko ang ikatlo't ikahuling pahina para tingnan kung mayroon at laking gulat ko nang . . .

"At ano itong isang pahina pa sa likod na walang larawan?" saad kong nagdulot nang pagkagulat sa kasama.

"Ha? Mayro'n pa?" tanong ni Kapon at napatingin sa likod ng papel na tinitingnan ko na rin.

"Oo at ang nakasulat dito ay 'Ang Kauna-unahang Salamangkera'," sambit ko nang mabasa ang pamagat na nakasulat sa itaas ng pahina at ang nag-iisang espasyo na para sa larawan sa sentro ay nawawala.

"Salamangkera?" ani Kapon, labis ang pagtataka.

"Mas lalo akong naguluhan, Kapon… hindi ko alam kung ano ang mga ibig sabihin nito pero ang alam ko lang ngayon ay mas kailangan kong iligtas ang creampie ko sa bingit ng kamatayan…" saad ko at napatanaw sa kawalan.

Kinuha sa kamay ko ni Kapon ang hawak kong mga papel na may larawan ng mga sinasabing Salamangkerong Bampira.

"Bilisan mong kumain d'yan, lulusob tayo sa Kastilyo…" sabi ko pa sa kanya pero nang tumingin ako kay Kapon ay hinahaplos niya ang maalikabok na pahina ng mga papel at habang ginagawa niya iyon ay nagulat ako sa aking nakita.

Isang marka ang aking natatanaw habang hinahaplos ni Kapon ang pahina upang matanggal ang makapal na alikabok na bumabalot doon.

Nanlaki ang aking mga mata at hindi inaasahang makikita kong muli ang markang iyon na tuluyan nang naging malinaw dahil sa napawing alikabok sa pahina.

ISANG PAMILYAR NA MARKA NG AHAS.

Diary ng Bampirang Bungal ang PangilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon