"Sana napasaya kita"
Hindi ko malaman kung ang salitang "Mahal kita" ay makakayanan ko pang paniwalaan.
Minsan nang pinangakuan ng "Hinding-hindi ko kaya na ikaw ay saktan" ngunit ito'y naging bulaan.
Binitawan ang mga katagang "Hindi ko kaya na ikaw ay mawala" ngunit ikaw din naman itong nang-iwan.
Kung kailan na gulo mo na ang sistema ng aking buhay saka ka naman lumisan.
Nasanay na ako na parating kang nandiyan, nasanay na ikaw ang aking kanlungan sa oras ng kalungkutan, saka ka naman nawala.
Hindi na tuloy malubos isip kung magagawa ko pang paniwalaan ang katagang "Sa akin ka lang at sa iyo lang ako" sapagkat ikaw din naman ang unang sumuko.
Inumpisahan mo ang lahat, naaalala mo pa ba?
Ikaw ang nag-sulat ng ating unang kabanata,hindi ko naman alam na tatapusin mo lang din pala sa "Paalam, pinapalaya na kita."
Sana sinulit ko na pala, ang mga huling kabanata na ikaw ay akin pa.
Sana pala, sana pala nilubos-lubos ko na ang mga nalalabing talata na ikaw ay may pake pa.
Nawa'y yinakap na ang mga huling sandaling ramdam ko pa na ako'y mahalaga bago ka manlamig at mawala.
Hindi ko naman alam na ang kinukuhanan ko ng lakas ay siya ring magbibigay sa akin ng dahilan upang madapa.
Hindi ko batid na ang salitang "Mahal kita" ay maari pa lang magdulot ng sakit kapag ito ay sinundan ng "Patawad, ako'y titigil na."
Kung kailan nasanay na ang aking sistema na lagi kang nakaagapay, ilaw ang siyang laging kausap saka ka naman nagbabay.
Gulong gulo mo na ang aking sistema, na nasanay na nga na sa bawat araw ikaw ay kausap, maghapon o magdamag.
Hindi ko nga alam ang iyong naging dahilan kung bakit ako'y sinukuan.
Nananatiling misteryo, kung bakit ka nga ba nang-iwan ng biglaan at hindi man lang ako nabigyang pagkakataon na masabing ika'y mahal ko rin.
Ngayon, pinapalaya na din kita, hindi na umaasang muling babalik pa.
Sana sa kahit sa mumunting pagsasama ay sumaya ka. Sana'y napasaya kita, Sana'y masaya ka.
Makita ko lamang na masaya ka kahit hindi na ako parte ng iyong kasiyahan, masaya na rin ako para sa iyo.
BINABASA MO ANG
Mga Tulang Walang Paksa
LosoweWala ng rason pa para maghabi ng mga salita upang ika'y alayan ng tula. Sapat na ang iyong paglisan, upang tapusin na. Ngunit para sa huling pagkakataon, nais lamang lumikha ng mga tula, mga tulang nawalan ng paksa, sapagkat ikaw lumayo na.