Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang tulang ito na ikaw ang paksa, ang nakaraan nating ang paksa. Hindi ko alam kung paano ko uumpisan ito sa katulad na paraan kung paanong hindi ko alam kung bakit at paano tayo nagtapos, pero kahit ano man ang iyong naging dahilan kung bakit bigla kang nang-iwan nais ko lang sanang malaman at itanong sa'yo, kumusta ka? Kumusta ka at ano ngayon ang iyong nadarama sa pagpiling bumitaw at talikuran ang lahat ng ating pinagsamahan para lamang sa babaeng ngayon mo lang nalaman ang pangalan.
Alam mo ba kung gaano kasakit para sa akin na makita kayong dalwa na magkasama, maghawak ang mga kamay, masayang magtatawanan, mga labi'y abot hanggang langit ang ngiti, at halatang halata sa inyong mga mata na lubos niyong mahal ang isa' isa? Alam mo kung bakit mas dumoble ang sakit? Kasi kung tutuusin ganyan sana tayong dalwa kung pinili mong humawak ng mahigpit at pilit na lumaban habang ang mga kamay ay magkakapit.
Kumusta ka? Matapos mo isuko ang mga pangarap na magkasama nating binuo na ngayo'y iba na ang babaeng kasama mo sa pagtupad ng mga ito. Naging masaya ka ba ng mas pinili mong ibasura ang mga ala-alang nabuo nating dalwa at mas pinili mo siyang kasama sa pagbuo ng panibagong kabanata.
Bakit ba tinatanong ko pa kung kumusta ka kung alam ko naman na ang magiging sagot mo na ayos ka lang at mas masaya ka kung ikukumpara noong tayo pang dalwa. Hindi ko alam kung bakit sa tindi ng sakit na iyong binunga at sa pag-iwan ng permanenteng marka ng isang peklat ay nagagawa ko paring mag-alala sa'yo kahit alam kong ikaw ay wala ng pake sa aking nadarama.
Magkasama nating inumpisahan ang kabanata ng ating istorya ngunit 'di ko malaman ang iyong naging dahilan upang ibahin ang maging takbo ng ating kwento at piniling tapusin ito ng walang iniwang dahilan kung bakit tayo nagkaganito. Nag-umpisa tayo sa 'di inaasahan pagkakataon na sa katulad na paraan ay nagtapos tayo sa di inaasahang dahilan.
Bigla na lang nanlamig, hanggang sa unti-unti mo na akong inilalayo sa iyong piling. Hindi ko ito binigyan ng pansin sapagkat akala ko'y humihingi ka lang ng oras para sa iyong sarili upang mag-isip-isip,hanggang sa tuluyang ikaw ay sobrang layo na at hindi na maabot ng aking mga kamay upang hilahin pabalik sa aking tabi.
Hindi ko na mamalayang ang mga pahina kung saan nakatala ang ating istorya ay pinunit mo na at panibagong pahina ang sumibol na kung saan ikaw na prinsipe ay nakahanap na ng panibagong prinsesa.
Wala akong kamalay-malay na hindi na pala ako sakop ng kwentong ito sapagkat ang bawat kabanata na kung saan tayo ang bida ay unti-unting nabubura.Matatanggap ko naman na nakahanap ka na ng mas hihigit sa akin sinta.Ayos lang naman sanang ipagmukha mo sa akin na mahal mo siya at mahal ka niya at maligaya kayo na naging kayong dalwa ngunit ang masakit ay ituring mo akong parang hangin tuwing tayo ay magkakasalubong at umaarteng parang wala tayong pinagsamahan sa nakaraan, parang hindi tayo naging bida ng kwentong romantiko kung ika'y umasta.
Hindi ko alam kung papaano ko ito na umpisahan at ngayon hindi ko malaman kung paano ko ito tatapusin ng hindi ako nasasaktan. Basta ang nais ko lamang ang sabihin sa'yong :Kumusta ka? Masaya ka na ba dahil nag-tagumpay ka sa pananakit sa aking damdamin at sa pang-iiwan sa'kin. Kumusta ka? Sana'y ayos ka lang kahit ikaw ay bumitaw na. Paulit-ulit ko parin itatanong ito sa iyo kung ayos ka lang ba kahit pagmamay-ari ka na ng iba, dahil ganyan ako katanga, ganyan kita kamahal. Kahit sinisimulan niyo na ang panibagong kwento na kayo ang bida sinusubukan ko paring muling itala ang storya nating dalwa kahit ako na lang ang nanghahawakan na maari pang mabago ang malungkot nitong pagtatapos. Kumusta ka? Kahit ikaw ay malayo na.
BINABASA MO ANG
Mga Tulang Walang Paksa
RandomWala ng rason pa para maghabi ng mga salita upang ika'y alayan ng tula. Sapat na ang iyong paglisan, upang tapusin na. Ngunit para sa huling pagkakataon, nais lamang lumikha ng mga tula, mga tulang nawalan ng paksa, sapagkat ikaw lumayo na.