Chapter Two: First-eria

216 22 1
                                    

“Madness is somewhere in between chaos and having a dream.”

- R.M. Drake

***

Balfour

Isang tilaok ng manok ang gumising sa akin. Pero hindi ito isang literal na manok kundi isang ringtone lang ng alarm na pinili ko. Hindi ko alam kung bakit ito ang pinili kong ringtone, pero nakakasiguro ako na may kinalaman ito sa kung ano ang nakagawian ko dati. Sa labin-walong taon ko kasing panunuluyan sa bahay, tilaok ng tandang ang palaging bumabati sa akin bawat araw. At kapag naririnig ko sila, hindi na ako nakakatulog ulit.

At mukhang gumana nga ngayon, dahil agad nawala ang antok ko nang umalingawngaw ang alarm ko. Kahit bagong kwarto ang bumati sa akin ngayon, hindi nagpakita ang katawan ko ng mga sintomas. Hindi nanibago ang katawan ko, gayundin ang gising ko. Parang nasa bahay lang ako.

Mabilis pero tahimik akong bumangon sa kama ko, dinadasal na hindi magising nang maaga ang roommate ko. Nakilala ko siya kahapon, at siya ang nauna sa kwartong ‘to. Kung tama ang pagkaka-alala ko, Shino Golford ang pangalan niya, at sa kabutihang palad magkaklase kami. Mabait na roommate si Shino: tinulungan niya ako kahapon sa paglilipat ng mga gamit ko sa closet, sa pag-aayos ng kama ko, at kung ano-ano pa. Madaldal din siya at palabiro, kahit sa postura niya na pang-nerd.

Nalaman ko rin na isa siya sa mga cancer patients na himalang gumaling, pero hindi siya kabilang sa lima na ibinalita sa buong mundo. Ayon sa kanya, masyado rawng maisyu kapag lumabas siya sa TV at baka pagkaguluhan siya ng mga so-called fans niya. Hindi nga dapat siya mag-aaral ngayong taon dahil nga sa karamdaman niya, pero dahil nga sa nangyari nandito na siya kasama ko sa iisang kwarto.

Masasabi kong magiging mabuting kaibigan si Shino, at malaki ang kutob ko na siya ang magiging parte ng tagumpay ko dito sa kolehiyo. Pakiramdam ko kasi na siya ang magiging kasangga ko sa tuwing mahihirapan ako, maliban kay Porter. At kailangan ko rin ang talino niya.

Maingat kong niligpit ang kama ko, dahil nga sa double-decker ang kama namin at nasa ibaba ako. Hindi ko pa siya lubos na kilala, baka siya pala ‘yong tipo ng tao na wala sa mood kapag naisturbo ang tulog. Ayokong magka-away kami, ngayon at kakakilala pa lang namin. Gaya ng sabi ko, kailangan ko ng talino niya, kaya kailangan kong panatilihin ang maayos na relasiyon namin.

Tagumpay kong nailigpit ang kama nang hindi nagigising si Shino. Sunod kong tinungo ang closet ko kung saan naka-hanger ang bath towel. Pero bago pa man ako makalapit dito, nahagip ng mata ko ang cellphone ko, na siyang nagbigay ideya sa akin na tingnan ito. Mabilis ko itong kinuha sa side table at binuksan para tingnan kung may mensahe ba o mga notifications.

Napangiti na lang ako nang makita ko ang mensahe ni Mama sa lock screen. Walang pag-alinlangan kong binuksan ito na siyang nagbunyag sa kabuuang mensahe na nandito. “Good morning! Unang araw mo ngayon kaya good luck! Gaya ng inasahan, naging boring ang paggising namin ni Papa mo. Mag-ingat ka diyan! Love you!”

Agad akong tumugon. “Good morning din sa inyo! Excited na akong pumasok, pero kinakabahan din. Mag-ingat din kayo diyan ni Pap! Love you too!” Nang mapindot ang send, ibinalik ko na sa pagkakalapag sa mesa ang cellphone.

Ipinagpatuloy ko na ang pagtungo sa closet para kunin ang tuwalya. Kumuha rin ako ng underwear na palagi kong sinusuot kapag napupunta ako sa isang bagong lugar. Parang lucky charm ko ito para maging maayos ang unang araw ko, at sa maniwala man kayo’t sa hindi, gumagana ito… para sa akin.

Nematoda (BL Sci-Fi)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon