Chapter Seven: Sick-quester

111 18 0
                                    

“Pain is real, but so is hope.”

- Unknown

***

Balfour

Ano na’ng gagawin natin?” simangot na tanong ko kay Porter. Nandito pa rin kami sa puwesto namin noong huminto kami habang hinahabol ng mga zombies. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na gumana ang hinala ko kanina. Gayunpaman, wala ako sa mood para magsaya at magdiwang. Dahil sa mga oras na ‘to, bitbit namin ni Porter ang problema na hindi namin alam kung malalampasan namin.

Pareho kami ni Porter ang nakatanggap ng pinsala mula sa zombies na umatake sa amin kanina sa dorm. Pareho kaming kinalmot at binahiran ng sugat. Hindi pa namin alam kung mahahawa ba kami sa ganitong kondisiyon, dahil wala pa naman kaming nakitang ganitong kaso. Pero kung mamamatay man kami ngayon, walang duda na magiging zombies kami.

“Kailangan nating bumalik sa gym. Doon lang tayo ligtas. Hindi rin pwedeng umalis tayo lalo na sa ganitong kalagayan natin,” punto ni Porter.

“Narinig mo naman si Sir Oscar noon, ‘di ba? Ang makagat o makalmot ng mga zombies ay hindi na pwedeng pumasok. Papatayin lang din naman nila tayo!” katwiran ko.

“Pakikiusapan ko silang lahat. At saka, wala pa silang pruweba na mahahawa tayo kapag nasugatan tayo ng mga zombies. Kukumbinsihin ko sila na bigyan tayo ng isang buwan para patunayan na hindi tayo magiging zombies.”

“Gaano ka kasigurado?” Alam kong mahirap na tanong ‘tong binabato ko, pero kailangan ko ng sagot.

“Hindi ako totoong sigurado, pero gagawin ko ang lahat mapanatili ka lang na ligtas,” tugon niya na ikinakunot ng noo ko.

“Ano’ng—”

“Tara na. Bago pa umulan ulit,” babala niya at saka naunang tumakbo pabalik sa walang kasiguraduhang kaligtasan. Pinanood ko pa si Porter na tumakbo papunta sa gym, tinitimbang kung susunod ba ako o hindi. Pero naaalala ko na mas mainam na roon kesa dito, kaya agad na akong sumunod.

Hindi nagtagal ay narating nga namin ang pinto ng gym. Kumatok dito si Porter na siyang nagpalutang sa dalawang mukha mula sa kabila ng bintana na nakakabit sa pinto. Nang makilala kami, isa-isa nilang tinanggal ang kandado hanggang sa tuluyan na nilang nabuksan ang pinto.

“Welcome back,” bati ng lalaki na nasa kanan.

“Shit! May sugat sila!” biglang sigaw ng nasa kaliwa habang tinututok sa amin ang isang javelin spear. Ginaya rin ng nasa kanan ang ginawa ng kasama niya, kaya napaatras kami ni Porter.

“Hindi niyo kailangang gawin ‘yan. Ayos lang kami!” kumbinsi ni Porter sa dalawa pero hindi ito tumalab. Nakatutok pa rin sa amin ang mga sibat.

“Sa ngayon!” punto ng nasa kanan.

“Please, papasukin niyo kami. Kailangan naming makausap si Sir Oscar,” pagmakaawa ni Porter.

“A rule is a rule. Kapag nasagutan ka, hindi ka na makapasok!” paalala ng nasa kanan. Nanatiling tahimik ang nasa kaliwa pero naka-alerto.

Nagsalita na ako. “Ganito na lang, kunin niyo si Sir Oscar para dito na lang namin siya kakausapin,” suhestiyon ko.

Hindi agad nakatugon ang lalaki. Nagkatinginan sila ng kasama niya na tila tinitingnan kung isa sa kanila ang pumayag o tumanggi. Hindi nagtagal ay nagsalita ang nasa kanan. “Kunin mo si Sir Oscar, pero bilisan mo. Ayokong maiwan dito na kasama sila. Hindi ko sila kaya kapag nagkataon,” pakiusap nito. Mabilis na kumaripas ang nasa kaliwa kanina, habang naiwan namang kinakabahan at hindi mapakali ang nasa kanan.

Nematoda (BL Sci-Fi)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon