“If the plan doesn’t work, change the plan, but never the goal.”
- Unknown
***
Balfour
Pangalawang araw na namin ngayon dito sa gym. Pangalawang araw na simula n’ong mangyari ang tinatawag nilang apocalypse na siyang nagtulak sa amin para bumuo ng ganitong samahan at pamamahala. Pero higit sa lahat, pangalawang araw namin bilang mga survivor ng unibersidad na ‘to. At sa tuwing naaalala ko na nagawa naming mabuhay kahit sa kabila ng panganib na bumabalot ngayon sa mundo, mas lumalakas ang paniniwala ko na malalagpasan namin ang delubyo na ‘to.
Gayundin para kina Mama at Papa. Dahil kong nagawa kong makaligtas sa nangyari, dalawang araw na ang nakakalipas, sigurado akong sila rin. Matalino at malakas sina Mama, gaya nga ng sabi ni Porter. Walang duda roon dahil nakagawa sila ng isang matalino at malakas na anak. Malaki ang tiwala ko sa kanila na buhay sila. Buhay sila at ginagawa ang lahat para manatiling buhay.
Kasalukuyan kaming nanananghalian ngayon gamit ang pagkain na inuwi namin at ng ikalawang grupo ng mga foragers. Puro mga ready to eat at instant na mga pagkain lang naman ito, dahil hindi pa kami capable para magluto. Wala rin kasing mga kagamitan sa pagluluto, katulad ng gasul at stove. Kaya sa ngayon, magtitiis muna sa mga tinapay, snack bars, chichirya, de-lata, at iba pa.
Ang sa akin, mas pinili ko ang de-latang ready to eat sausages, habang si Porter ay dalawang tinapay. Ginawa naming palaman ang sausages para mas maging masarap ang tinapay niya. Tamang diskarte lang, lalo na’t sa sitwasiyon namin ngayon. Ito ang natutunan namin ni Porter n’ong sumali kami sa ranger scouts sa Veridel Wildlife Sanctuary. Doon, itinuro sa amin ng mismong Forest Ranger Chief ang dapat naming matutunan sakaling malagay kami sa parehong sitwasiyon na kinalalagyan namin ngayon. Kaya kung iisipin, para lang kaming nasa isang camping trip ngayon. Pero imbis na mga mababangis na hayop ang dapat naming bantayan, mga kauri naming halimaw.
Tahimik naming minuya ni Porter ang instant sausage sandwich namin. May kanya-kanyang grupo ang lahat, para gawing kasiya-siya ang pananghalian. Mabuti na lang at hindi naisapan ng mga kagrupo namin na mananghalian nang magkasama, lalo na’t ibabahagi na sa akin ni Porter ang magiging plano niya para sa pag-alis.
“Ito ang naisip ko,” panimula niya. Nakatutok pa rin ang mata ko sa kabilang dulo ng gym, pero ang tainga ko nakatuon sa boses ni Porter. “Mamaya, kailangan nating maghiwalay. Ikaw ang pupunta sa cafeteria, habang ako sa sports. Kunin mo lang ‘yong kaya mong matago sa damit mo at ‘yong hindi basta-basta napapansin,” isa-isang bilin ni Porter na mapanlaro kong tinanguan, para hindi mahalata ng iba na may pinag-uusapan kaming kahina-hinala at misteryoso.
“Paano kung mahuli nila ako?” tanong ko sa mapanlaro pa ring paraan. Kung titingnan sa malayuan, para lang kaming nagkukwentuhan.
“Diyan na papasok ang angking galing mo sa pagsisinungalin— oof!” at siniko ko na nga siya.
“Anong angking galing sa pagsisinungaling ang pinagsasabi mo diyan. Kailan pa ako naging magaling sa pagsisinungaling?” protesta ko.
“Ito naman hindi mabiro. White lies, pwede na?”
“Tsk. Paano naman kung magalit sila?”
“Ibalik mo ang pagkain.”
“Paano ku—”
“Kung malalagay ka sa alanganin, ako na ang bahala,” komporta niya para hindi ko na isipin ang posibleng mangyari sa akin. “Maliwanag?” Kagaya kanina, tumango ako na parang bata.
BINABASA MO ANG
Nematoda (BL Sci-Fi)
Science FictionAbout the Book Ginawa sila para palakasin ang hukbong militar. Binuhay sila para magbigay ng karagdagang lakas at seguridad sa bansa. Pero dahil sa kapabayaan, sila ang naging dahilan ng pagkaubos ng sangkatauhan. Gayunpaman, lingid ito sa kalaaman...