"Our sins are our downfall."
- Lailah Gifty Akita
***
Balfour
Teka nga lang!" awat ni Endrix na siyang kumuha sa atensiyon ng lahat. "Sinasabi mo ba na ang NSD ang puno't-dulo ng lahat ng 'to at may plano kayong pabagsakin sila?" pagklaro ng kawawang binata. Hindi ko siya masisisi. Hindi niya alam ang tungkol dito.
"Surprise?" pilosopo at mataray na tugon ni Thina. "Pasensiya ka na kung hindi namin na-share sa inyo ni Jorge ang tungkol sa pagiging kalaban ng NSD. Sabihin na lang natin na medyo nagdududa ako kung mapagkakatiwalaan ka ba o hindi. Maliban sa'yo, Jorge," depensa ni Thina na ikinainis ni Endrix.
"Ibig sabihin sa ating sampu, kami na lang ni Endrix ang hindi nakaka-alam tungkol d'on?" Napatango si Thina sa naging tanong ni Jorge. "Just... wow. Hindi ko inakala na ang NSD pala ang may pakana ng lahat ng ito." Tulalang tinitigan ni Jorge ang sahig na tila sinusubukang ipasok sa utak niya ang impormasiyong nalaman niya.
Muli akong napatingin kay Froylan. "Froylan? Oras na siguro para sabihin mo kung paano nangyari 'to nang hindi namin nalalaman," demanda ko na ikinatango niya.
"Pasensiya na kung nilihim ko sa inyo 'to. Matagal nang alam ni Xeliex ang tungkol sa plano nating mag-recruit ng host," deklara niya na bahagya kong ikinagulat. "Noong mismong araw na sinabi mo sa amin, Four, ang tungkol sa plano, sinabi ko rin ito kay Xeliex. Katulad natin, may na-recruit na rin siya."
"Paano humantong sa ganito?" tanong naman ni Porter.
Si Xeliex ang sumagot. "Noong una pa lang, gusto ko na kayong kausapin tungkol sa pagpapabagsak sa NSD. Pero nang malaman kong may pinaplano na kayo, gumawa ako ng paraan para makausap kayo nang hindi tayo minamanmanan ng NSD. Kaya ibinunyag ko na may plano kayo laban sa kanila, pero hindi ko sinabi sa kung anong paraan. Inutusan ako ng General na linlangin kayo para patayin kayong lahat," paliwanag niya.
"Lahat ng 'yan para lang makausap kami?" hindi makapaniwalang tanong ni Eshme.
"Ano ba ang plano mo?" si Thina na naman ang nagtanong.
"Kung ano ang plano niyo," agarang tugon ni Xeliex.
Nabalot ng katahimikan ang buong warehouse na tila pinoproseso pa ng utak ng bawat isa ang lahat ng naging diskusiyon namin. Napakadelikado ng naging plano ni Xeliex para lang makausap kami pero hindi rin maipagkakaila na naging matagumpay ito at kapani-paniwala. Bilib din ako kay Froylan dahil sa initiative niya.
"Teka lang," muling pagbasag ni Endrix sa katahimikan. "Nabanggit ni Froylan ang tungkol sa hosts na ni-recruit niyo. Totoo ba 'yon?"
"Mas mabuti pa kung maghanda na tayo para makapagpahinga na," suhestiyon ni Usharo na ikinatango ng lahat.
"Hoy! Sagutin niyo muna ang tanong ko!"
Binalewala ng lahat si Endrix sa pamamagitan ng pag-asikaso sa dapat asikasuhin. Sina Eshme, Annia, Jorge, at ang limang sundalo ang bumuluntaryong kumuha ng rasiyon para sa hapunan. Habang kami nina Porter, Thina, Usharo, Froylan, at Xeliex ang nakatalaga sa pagbubuo ng apoy para pampainit. Si Endrix? Naiwang walang natanggap na sagot.
BINABASA MO ANG
Nematoda (BL Sci-Fi)
Science FictionAbout the Book Ginawa sila para palakasin ang hukbong militar. Binuhay sila para magbigay ng karagdagang lakas at seguridad sa bansa. Pero dahil sa kapabayaan, sila ang naging dahilan ng pagkaubos ng sangkatauhan. Gayunpaman, lingid ito sa kalaaman...