“Change is hard at first, messy in the middle, and gorgeous at the end.”
- Robin Sharma
***
Balfour
Nagising ako sa biglaang paggalaw ng yate. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko na nagbunyag sa puting kisame na nasa ibabaw ko. Isang ungol ang pinakawalan ko habang kinukuskos ang bagong gising at inaantok pang mata. Gusto ko pa sanang matulog pero naalala ko si Porter na naiwang mag-isa sa pilot deck. Sa katunayan, wala talaga akong balak na iwan siya dahil nakakakonsensiya na nagpapahinga kami pero siya ay nagmamaneho. Pero nagpumilit siya kaya tinanggap ko na lang.
Maingat akong bumangon sa higaan na hinihigaan ko dahil ayaw kong matumba sa lakas ng paggalaw ng yate. Kaya todo hawak ako sa pader bilang alalay at suporta sa balanse ng katawan ko. Walang kalahating minuto akong nakatayo sa mga paa ko habang inaayon ang bigat nito sa paggalaw ng yate.
Hindi na ako nagtagal pa sa kinatatayuan ko at nagsimula nang maglakad paakyat sa pilot’s deck. Todo pa rin ang pagbalanse ko sa katawan ko dahil sa lakas ng pag-indayog ng yate. Parang may kung anong bagyo ang humahagupit sa labas, pero alam kong wala. Dahil kung meron man, maririnig ko na ang ulan mula dito sa cabin.
Tagumpay kong narating ang pinto ng cabin na agad kong binuksan. Pagkabukas ko, agad sumalubong sa akin ang malamig at mahinang bugso ng hangin. Mukhang alam ko na kung bakit maalon ngayon. Hindi na ako nagpatalo pa sa lamig at lumabas na nga. Sinarado ko muna ang pinto dahil ayaw kong maisturbo ang pagtulog ng iba.
Inaakyat ko ang hagdan na nagdala sa akin sa first deck ng yate. Isang akyatan pa at mararating ko na ang pilot’s deck kaya mabilis ko nang tinungo ang isa pang hagdan na magdadala sa akin sa destinasiyon ko. Pero bago ko pa man marating ang hagdan papuntang second deck, napansin ko na madilim pa ang langit. Hindi ko rin malaman kung anong oras na dahil wala akong suot na relo.
Hindi ko na lang ‘to prinoblema pa at umakyat na lang. Hindi ko alam kung ilang oras na ang nakalipas simula n’ong makaalis kami sa piyer ng Caerodyl pero ramdam ko na malapit na kami. Ramdam na ramdam ko ‘yong pakiramdam na makakabalik na ako sa bahay ko.
Pahirapan ang pag-akyat sa hagdan dahil sa indayog ng yate, pero hindi ito pumigil sa akin para marating ang destinasiyon ko. Una kong hinagilap si Porter na nasa parehong puwesto pa rin kung saan ko siya huling nakita bago akong bumaba at natulog. Hawak-hawak niya pa rin ang manubela, habang maiging nakatuon ang mata sa harapan.
Pero nabaling ang atensiyon niya nang mapansin ang paglapit ko. Aktong babatiin ko sana siya nang maunahan niya ako. At base sa bati niyang “good morning”, walang dudang madaling araw na. Mas nilapitan ko pa siya hanggang sa makita ko na nang husto ang mga gauge at buton na nasa harap niya. Isa rin dito ay orasan na nagsasabing alas-tres y media.
“Tingnan mo,” utos sa akin ni Porter habang nakatingin sa unahan. Sinundan ko ang tingin niya at laking tuwa ko nang makita ang pigura ng isang isla. Mukhang tama nga ang hula ko na malapit na kami. “Parang kahapon lang nang gusto mong makabalik dito,” paalala ni Porter sa naging hiling ko noong naliligo kami sa shower ng gymnasium.
“Hindi ko nga inakala na makakabalik pa tayo dito, sa kabila ng nangyari,” bulalas ko sabay hawak sa ibabang bahagi ng sugat ko. Minsan nakakalimutan ko ito dahil nga sa hindi ito nagpapadala ng sakit sa akin. Parang wala akong natamong sugat. Napapansin at naaalala ko lang ito kapag nahahagip ito ng mata ko at nahahawakan ang benda na nakapulupot dito.
“Ano’ng plano mo pagkadating natin?” tanong ni Porter na hindi ko inasahan. Simula kasi nang mangyari ang pag-atake ng mga zombies, si Porter ang nagsilbing lider ko. At ako, bilang tagasunod, ay sumusunod lang sa kung ano ang napagplanuhan niya. Kaya siguro hindi ko inasahan ang tanong ni Porter dahil nasanay akong sumusunod sa plano niya.
BINABASA MO ANG
Nematoda (BL Sci-Fi)
Science FictionAbout the Book Ginawa sila para palakasin ang hukbong militar. Binuhay sila para magbigay ng karagdagang lakas at seguridad sa bansa. Pero dahil sa kapabayaan, sila ang naging dahilan ng pagkaubos ng sangkatauhan. Gayunpaman, lingid ito sa kalaaman...