“If it means something to you, fight for it.”
- The Better Man Project
***
Balfour
Parang alarm clock sa pandinig ko ang sunod-sunod na kalansing ng mga kutsara at plato. Sumalubong din ang amoy ng isang bagong lutong pagkain, gayundin ang ilang bulungan at kuwentuhan.
Imumulat ko na sana ang mga mata ko, nang mapansin kong kami ang pinag-uusapan nila. “Huwag niyong mamasamain ha, pero sa tuwing nakikita ko ang mga nakabendang sugat nila, natatakot ako na baka maging zombie rin sila,” bahagi ni Selphie sa nararamdaman niya.
“Kahit ako. Hindi ako nakatulog nang maayos kahapon at kagabi dahil sa naaalala ko ang mga sugat nila. Minsan naiisip ko na ang itsura nila na kinakain ang isa sa atin,” punto naman ni Trion.
“Walang dudang dapat nakahiwalay sila kagaya noon sa gym. Pero nag-aaalala ako sa mararamdaman nila. Siguro akong masasaktan sila kapag pinilit natin silang lumayo o i-isolate,” paliwanag din ni Rexie.
“Ano’ng masasabi mo, Phelix? Ano’ng opinyon mo?” tanong ni Marthy sa pinuno nila.
“So far, wala pa silang sintamos na ipinakita. Ayon sa napansin ko kay Veline noon, nilalagnat siya at nanghihina. Sumasakit rin ang ulo niya at nanghihilo. Wala pa naman akong napapansing ganoon sa dalawa kaya ayos pa sila na manatili at makasama natin. Basta kapag may napapansin na kayo, huwag kayong matakot na komompronta. Maiintindihan nila ‘yan,” bilin ni Phelix sa mga kaibigan niya.
Gusto ko siyang pasalamatan sa naging opinyon niya, pero masyadong natatakot ang sarili ko dahil sa binanggit niya kaninang sintomas ni Veline bago ito naging zombie. Gan’on na gan’on ang naramdaman ko kinabukasan n’ong makagat kami. Natatakot ako na baka anomang oras maging zombie kami ni Porter. Na baka kami ang papatay sa lima.
Pero kung sintomas nga iyon ng pagkahawa, bakit nanatili pa rin kaming kami ni Porter. Ilang araw ba bago maging zombie ang isang tao kapag nagpakita na ng sintomas? May ilan pa kaming hindi alam, at kapag hindi namin ito nalalaman mas mananatili ang takot ko.
Nabaling ang pag-iisip ko nang maramdaman ang paggalaw ni Porter. Humarap ito sa akin, gamit pa rin ang braso ko bilang unan. Matapos kasi niyang makatulog sa balikat ko kahapon, hiniga ko na siya. At hindi ko rin alam kung ano’ng pumasok sa utak ko at inihiga siya sa braso ko. Basta naramdaman ko na lang kahapon na ihiga siya sa braso ko.
Medyo nangangawit na ang braso ko. Gusto ko nang tanggalin ito, pero ayaw kong maisturbo ang tulog niya. Pakiramdaman ko kasi kailangan niya pang matulog dahil sa pagpuyat niya noong papunta kami dito. Kaya tiniis ko na lang ito. Sa katunayan, medyo nagugustuhan ko rin ito kahit na medyo nakakahiya. Sa lahat ng oras na nakita nila kami, ito siguro ang kauna-unahang pagkakataon na makita nila kaming ganito kalapit at kadikit.
“Medyo nagdududa na ako sa dalawang ‘to. Pakiramdam ko may kung ano sa kanila,” paratang ni Rexie na ikinahiya ko. Mabuti na lang talaga at nakapikit pa rin ako.
“Baka nga mag-jowa sila?” hula ni Selphie na muntik ko nang ika-ubo. Halos mapatayo nga ako mula sa pagkakahiga dahil sa sinabi niya.
“Sayang naman si Porter kung magiging bakla siya,” punto ni Trion.
“Tinitilian pa naman siya ng mga kababaihan dito,” suporta rin ni Marthy.
BINABASA MO ANG
Nematoda (BL Sci-Fi)
Science FictionAbout the Book Ginawa sila para palakasin ang hukbong militar. Binuhay sila para magbigay ng karagdagang lakas at seguridad sa bansa. Pero dahil sa kapabayaan, sila ang naging dahilan ng pagkaubos ng sangkatauhan. Gayunpaman, lingid ito sa kalaaman...