“Suspicion always haunts the guilty mind.”
- William Shakespeare
***
Porter
Gulat ako sa naging desisyon ni Four na kalabanin ang isang babae sa Team A. Gusto ko siyang pigilan. Gusto ko siyang hilahin at ilayo dito, pero dahil sa naging katwiran niya kanina at sa itsura niya, hindi ko na tinuloy. Alam kong gusto niyang patunayan na mapapantayan niya ang lakas ng bawat isa sa lugar na ‘to. O ‘di kaya, ipakita kay Endrix ang kaya niyang gawin kapag binastos pa siya nito.
Nagsukatan ng titig ang dalawa na tila inoobserbahan ang isa’t-isa. Ramdam ko ang lakas na umaalingasaw mula sa kanila, pero mas tumimbang sa akin ang babae. Kahit titig pa lang niya, alam ko na lamang siya kay Four pagdating sa pakikipaglaban. Gayunpaman, malaki ang tiwala ko kay Four na mananalo siya. Siya na mismo nagsabi na hindi siya naging black belter para lang sa wala.
Naintriga sa pagkakilanlan ng babae, hindi na ako nakapagpigil at tinanong na si Eshme. “Kilala mo ba ang babaeng ‘yan?”
“Oo, 'noh! Kahit sino sa Caerodyl City kilala siya, dahil siya lang naman ang tagapagmana sana ng Tayron Corporation, si Thina Tayron” anunsiyo ni Eshme na ikinakunot ng noo ko.
“Tayron Corp.?” pagkaklaro ko na tinanguan ni Eshme. Isa ang Tayron Corporation sa matalik na kaibigan ng kompanya nina Mama. Pero hindi ko alam na may anak pala silang babae. Kaya pala napakapamilyar ng mukha niya dahil medyo hawig niya si Mr. Tayron.
“Ready?” tanong ni Thina kay Four na tinanguan niya. Pero nagulat si Four nang biglang sumugod si Thina nang pagkabilis-bilis. Kahit ako ay napabilib sa bilis niya na halos hindi masundan ng mata ko. Dahil dito ay natumba si Four matapos sipain ni Thina ang dalawang paa niya.
Kakatayo lang ni Four nang magulat na naman siya nang makita si Thina sa likod. Isang headlock ang ginawa ni Thina kay Four na siyang nagpabahala sa akin. Muntik na nga akong tumakbo para tulungan si Four pero napatigil ako nang mapansin ang itsura ni Four. Dahil imbis na mamimilipit sa sakit, tulala at nanlalaki ang mata niya na tila nakakita ng multo o nakatanggap ng masama at nakakagulat na balita.
Bumagsak ang dalawang kamay ni Four na tila nawalan na siya ng lakas. Ganoon pa rin ang mukha niya, dahilan para maging usap-usapan siya ng ibang Host-X. Maskin si Eshme ay nagtataka sa naging itsura ni Four. Dahil wala ng senyales na gusto pang lumaban ni Four, binitawan na siya ni Thina. At nang makalayo ang dalaga, saka pa bumagsak sa kanyang tuhod si Four.
Hindi na ako nag-alangan pang tumakbo papunta sa kanya. Napaluhod ako sa harap niya sabay hawak sa magkabilang pisngi niya. Sa akin nakatutok ang mga kanyang mata pero hindi sa akin ang atensiyon niya. Parang nasa loob siya ng isang ilusiyon na siya lang ang nakakakita. Kaya mahina ko siyang niyugyog para ilabas at itakas siya dito.
“Four? Four?” tawag ko sa kanya. Sa kabutihang palad, agad kong nakuha ang atensiyon niya. “Ano’ng nangyari?” kunot-noong tanong ko.
“I’m sorry, Porter,” biglang iyak ni Four na siyang mas nagpabahala sa akin. “I’m sorry,” ulit niya pero hindi ko alam kung para saan ang paghingi niya ng sorry.
“Ayos lang siya?” tanong na singit ni Eshme na nag-aalala ring nakatingin sa aming dalawa ni Four.
“Hindi ko alam,” tugon ko at saka ko nilingon si Thina. Suot ng dalaga ang isang seryosong mukha na tila wala lang sa kanya ang ginawa niya kay Four. Gusto ko siyang sunggaban. Gusto ko siyang kalabanin dahil sa ginawa niya sa fiance ko. Pero nabura iyon nang mapansin ko ang kunting lungkot at pag-aalala niya para kay Four. Naguguluhan at nalilito na ako sa nangyayari.
BINABASA MO ANG
Nematoda (BL Sci-Fi)
Science FictionAbout the Book Ginawa sila para palakasin ang hukbong militar. Binuhay sila para magbigay ng karagdagang lakas at seguridad sa bansa. Pero dahil sa kapabayaan, sila ang naging dahilan ng pagkaubos ng sangkatauhan. Gayunpaman, lingid ito sa kalaaman...