Chapter Eight: Transg-rage

112 21 2
                                    

“Sometimes when things are falling apart they may actually be falling into place.”

- Unknown

***

Balfour

Dahan-dahan akong napadilat ng mata nang marinig ang pangalan ko at pangalan ni Porter. Isang mahinang boses na palakas nang palakas ang sunod-sunod na bumati sa gising kong tainga. Medyo malabo pa ang paningin ko dahil sa haba ng pagkakapikit, habang nanatiling masakit ang katawan ko. Ramdam ko pa rin ang sakit ng ulo ko, pero hindi na ito ganoon kasakit kesa kanina…o baka kahapon. Hindi ko na alam ang takbo ng panahon.

“Four?” kalmadong tawag sa akin ng isang pamilyar na boses. “Porter?” muling rinig ko nito at dito ko na nakilala kung kanino ito.

“Trion?” halos bulong kong tawag din sa pangalan ng lalaki na nakadungaw mula sa basag na bintana ng pinto. Hindi ko man malinaw na nakikita ang mukha niya dahil nga sa kasalukuyang kondisiyon ng paningin ko, hindi ko na kailangang patunayan pa na si Trion ito. Hindi ko rin siya malapitan para makita nang maayos at malaman ang pagkakakilanlan niya dahil nanghihina pa rin ang katawan ko.

Isang malalim at mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan ni Trion na tila nakahinga nang maluwag. “Salamat naman at buhay ka pa. Si Porter?” tanong ng kaibigan dahilan para lingunin ko ang lalaking nakahiga pa rin sa puwesto niya.

Wala pa ring ipinagbago sa posisyon niya, gayunpaman hindi na siya nanginginig at namimilipit sa sakit. Pinakiramdaman ko ang temperatura niya at nakaramdaman ako ng kaginhawaan nang malamang hindi na siya nag-aapoy sa init. “Natutulog pa rin,” bigay-alam ko kay Trion na naglabas ulit ng parehong buntong-hininga.

“Hoh! Mabuti naman kung ganoon,” punang tugon niya.

“Anong oras na ba? Pati na rin ang petsa?” nanghihina ko pa ring tanong. Nakahiga muli ako dahil wala pa ring lakas ang katawan ko, kahit na para umupo.

“September 3 na. Alas-nuwebe ng umaga. Inakala nga namin natuluyan na kayo. Buong araw kasi kayong walang malay kahapon, kaya inisip namin na nagde-deteriorate na ang katawan niyo,” kuwento ni Trion.

“Hindi kasi maganda pakiramdam namin kahapon. Nahimatay pa nga ako.” Nang banggitin ko ang salitang “nahimatay” agad akong nakaramdam nang bahagyang pagkahilo. Pero hindi ito nanalo dahil mas nanaig ang pagkauhaw ko. Sa sobrang uhaw ko kaya kong uminom ng isang galon ng tubig. “May tubig ka bang dala?”

“Meron, pati na rin pagkain,” agarang tugon ni Trion.

“Tubig lang,” tugon ko gamit ang pinakahuli kong boses dahil sa nanunuyo kong lalamunan dala ng dehydration.

“Heto!” sabay tapon ni Trion sa direksiyon ko. Gusto ko sanang saluin ito, pero masyado talaga akong mahina para maigalaw ang mga kamay ko. Kaya imbis na masalo, bumagsak ito sa sikmura ko na nagpadala ng dagliang sakit dahilan para magulat ang katawan ko. Dahil dito, nawala ang pagkahilo ko at mas gising na ako kesa kanina. “Sorry,” paumanhin mo.

“Nasaan na?” tanong ko matapos hindi mahawakan ang bote ng tubig na bumagsak sa tiyan ko. Dahil wala pang lakas na bumangon, ginamit ko ang kamay ko para hagilapin ito. Gayunpaman, pahirapan din ito dahil bukod sa hindi ko ito nakikita, pinipilit ko ring igalaw ang kamay ko.

Nematoda (BL Sci-Fi)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon