“You are searching the world for treasure, but the real treasure is yourself.”
- RUMI
***
Balfour
Hindi ko lubos maisip kung paano ko pa nagawang maligo sa mga oras na ‘to. Ang totoo niyan, wala talaga akong balak na maligo dahil bukod sa hindi ko nakikita ang importansiya nito sa mga panahon ngayon, ay hindi ko rin ramdam ang maligo. Pero nang maalala ko ang nangyari kahapon: ang dugo, ang pagka-savage ng mga so-called zombies, naisipan kong maligo. Gusto kong tanggalin ang dugo na kumapit sa katawan ko, ang pawis na inilabas ko sa pagtakbo, lahat na may kinalaman sa nangyari kahapon. Umaasang makakalimutan ito at mabubura.
Pero napakaimposible. Mahirap kalimutan ang nangyari, lalo na’t saksi ako mismo. Kitang-kita ng dalawa kong mata kung paano kagatin at nguyain ng mga halimaw na ‘yon ang laman ng biktima nila. Kung paano nila pinagpiyestahan ang isang walang kalaban-laban at inosenteng tao. Habang inaalala ko ito, parang nalalasahan ko kung ano ang nalalasahan nila, dahilan para muntik akong masuka.
Sinandal ko ang noo ko sa pader, habang binabasa ng tubig galing sa shower ang katawan ko. Gamit ko ngayon ang shower area ng gymnasium, na nasa likod lang ng mga lockers. Walang duda na dito nagsha-shower ang mga players pagkatapos ng kanilang laro. Pero dahil nag-iba ang takbo ng panahon, naging paliguan ito ng mga survivors na kasalukuyang namumuhay sa isang university gym.
Pinanood ko ang pagdaloy ng tubig mula sa katawan ko papunta sa drain na nasa sahig. At sa hindi inaasahang pagkakataon, nahagip ng mata ko ang suot kong underwear. Supposedly, lucky charm ko sana ito para sa unang araw ng klase ko dito sa CU, pero mukhang naging lucky charm ko ito sa nangyaring kaguluhan. Unang beses kong makaranas ng ganitong problema, kaya siguro sapat lang para sabihin ko na ginampanan ng underwear na ‘to ang trabaho niya.
Bukod roon, naalala ko rin sila Mama. Halos hindi ako makatulog kagabi kakaisip sa kanila. Kahit ano’ng kumbinsi ko sa sarili ko na maayos sila, ligtas, at buhay, mas nangingibabaw pa rin sa akin ang negatibo. Ayaw kong isipin na nanghihinala ako na ganoon ang nangyari dahil ayaw ko silang pag-isipan nang masama. Parang pinatay ko na rin sila, kapag ganoon. Pero sa mga oras na ‘to, mas matimbang ang negatibo dahil nga sa nangyari, kaya ganoon na lamang ang epekto nito sa dikta ng isip ng tao… katulad ko.
“Kailan mo natutunang matulog habang naliligo?” biglang tanong ng isang pamilyar na boses dahilan para mapatalon at mapalingon ako sa gulat. Hindi na ako nagulat na makita si Porter dahil siya lang naman ang kaibigan ko dito na alam na alam ko ang boses kahit nakatalikod pa ako. Walang silbi ang feelings ko sa kanya kung hindi ko siya tuluyang kilala.
Pero kung mayroon mang hindi ko inasahan, ‘yon ay ang suot niya ngayon. Katulad ko, tanging boxer niya lang ang suot niya kaya kitang-kita ko nang maayos, malinaw, at malapitan ang kabisigan ng katawan niya. Hindi naman ganoon kabrusko si Porter. Sapat lang ang dami ng muscles para bigyang detalye ang katawan niya. Kung payat ang tingin ng iba sa kanya, para sa akin sobrang hot niya.
“Ibang klase ka talaga, Four. Nakakatulog ka rin nang nakadilat ang mga mata,” asar niya.
Agad akong napaiwas ng tingin nang matanto na natulala pala ako habang nakatingin sa kanya. “Hi-hindi ako natutulog! May… may iniisip lang ako.”
Binuksan ni Porter ang shower na nasa kanan ko at naligo dito. “Tungkol saan?”
“Mga nonsense lang. Stupid ideas kumbaga.” Nagsimula na akong magsabon dahil gusto ko nang makaalis dito. Kasi kapag nagtagal pa ako, baka kung ano ang mangyari sa akin.
BINABASA MO ANG
Nematoda (BL Sci-Fi)
Science FictionAbout the Book Ginawa sila para palakasin ang hukbong militar. Binuhay sila para magbigay ng karagdagang lakas at seguridad sa bansa. Pero dahil sa kapabayaan, sila ang naging dahilan ng pagkaubos ng sangkatauhan. Gayunpaman, lingid ito sa kalaaman...