EPILOGUE

132 16 15
                                    

***

Porter

Dalawang oras ang tinagal ng labanan bago naming naideklara ang pagkapanalo namin. Walang ni isang hukbo ng General ang naiwang buhay at humihinga. Bagsak at wasak din ang dalawang helicopter na pinuntirya nina Usharo at Froylan. Hindi rin maguhit ang naging kahihinatnan ng mga sasakyan na tila isang napakalakas na bagyo ang humagupit at tumaob sa kanila. Halos hindi na pansin at makilala ang sementadong lupa dahil nakukumutan na ito ng bangkay, dugo, at ilang mga kagamitang pandigma.

Gayunpaman, sa kabila ng naging tagumpay namin, hindi rin maipagkakaila na may nalagas din sa hukbo namin. Sang-kapat ng ni-recruit naming hosts ang nagawang patayin ng mga sundalo sa pamamagitan ng pagpapasabog sa ulo. Kabilang sa nalagas ay apat sa kakampi naming sundalo na kasalukuyang pinagluluksa ng naiwang kasama.

Kumuha sa mata ko si Annia na nakaluhod ilang metro mula sa lokasiyon namin nina Four at Thina. Sunod na napansin ko ang nakahigang katawan na natatabunan ng likod ni Annia. Naobserbahan ko ang mahihina pero pabigla-biglang paggalaw ng katawan ng dalaga na tila ba umiiyak ito o sinisinok.

Aktong tatawagin ko sana si Thina nang makuha ni Four ang atensiyon ko. Nakatingin siya sa direksiyon kung nasaan si Annia at bakas sa mukha niya ang takot at pangamba. Nagkatinginan kami ni Thina at nagpalitan ng nag-aalalang mukha matapos mapansin ang itsura ni Four.

Mabagal na naglakad si Four papunta kay Annia na siyang sinundan naman namin ni Thina. Balot ng katahimikan ang lugar at ang tanging maririnig lang ay ang hikbi ng isang dalaga. Mas lumalakas ito habang papalapit kami sa kanya, hudyat na tama nga ang hula ko na umiiyak siya. Alam kong nagluluksa siya, pero para kanino?

Mabilis kong nilibot ang paningin ko sa mga kasamahan namin para tingnan kung sino sa amin ang hindi nakaligtas. Isa-isa kong kinilala ang mga nakita ko at binilang na siyang nagbigay ng sagot na tatlo: Usharo, Endrix at Jorge. Ang hindi ko nakita ay sina Xeliex, Froylan, at E—

“Eshme?” mahinang tawag ni Four na siyang nagpabalik sa akin sa pagtingin sa unahan. Napag-alaman kong narating na namin si Annia at ang katawang nakahiga sa harap niya na pinagluluksa niya ay si Eshme. Isang butas na hinihila kong tinagusan ng bala ang nasa noo niya.

Napaluhod si Four sa tabi ng walang buhay na si Eshme habang tulalang nakatitig sa maputlang mukha ng dalaga. Alam kong minsan na niyang hiniling na hindi na ulit maranasan ang mawalan ng kaibigan, pero mukhang hindi pinakinggan ang hiling niya. Sa hindi mabilang na pagkakataon, isang taong malapit sa kanya ang nawala na naman.

“Pasensiya na, Four,” iyak na paumanhin ni Annia. “Ako dapat ang tatamaan ng bala. Ako dapat ang mamamatay.” Nilapitan ni Thina ang assistant niya at saka kinomporta ito.

Nilapitan ko na rin si Four at naglapat ng kamay sa balikat niya. “Sigurado akong masaya siya.”

Marahan na tumango si Four. “Mas mabuti na ring nangyari sa kanya ‘to. Mas hindi siya mahihirapan doon kasama sila Mama at Papa.” Hinarap ni Four si Annia at saka hinawakan ang balikat nito. “Hindi mo kasalanan ang nangyari, Annia, kaya huwag na huwag mong sisisihin ang sarili mo.” Mahinang napatango si Anna.

Bigla na lang kaming nagambala ng isang malakas na ungol ng kung anong hayop. Sabay namin itong tiningnan at bumulaga sa amin sina Xeliex at Froylan na hila-hila at akay-akay ang galit at nag-aalborotong General. Paika-ika siyang naglakad dala ng sugat na natamo niya sa dagger na ibinato ni Four. Bumilib ako sa kanya sa mga oras na ‘yon—hindi ko kasi inasahan ang accuracy niya.

Napatingin ako kay Four matapos mapansin ang biglaang pagtayo niya. Mabilis niyang sinalubong ang dalawa na napahinto nang mapansin ang papalapit na si Four. Tumayo na rin kami ni Thina habang si Anna ay naiwang nakaluhod. Lumapit kami kay Four na galit na galit na tinitingnan ang nakaka-awang General.

“Do you think you’ve already won? They will know about this and you’re all dead,” ungol ng General na bahagyang nagpataka sa akin. Sino ang tinutukoy niya? “This is not the en—ack!” at sinakal na nga siya ni Four. Hawak ang leeg, inangat niya ito mula sa lupa na siyang mas nagpahirap sa General na makahinga nang maayos.

“Alam kong hindi lang kayo ang nasa likod ng plano niyo at alam kong mas malakas ang puwersa nila. Pero hindi kami natatakot. Kung darating man ang panahon na ‘yon na magkakaharap kami, ipapakain namin sila sa mga nilalang na ginawa niyo,” matapang na tugon ni Four. “Spoiler alert, mauuna ka.”

Agad na nanlaki ang mata ng General nang marinig ang mga katagang iyon mula kay Four. Napapa-iling ang General, tanda ng kanyang pagmamakaawa. Pero nabigo siya. Walang kapatawaran ang ginawa nila kaya sakto lang na walang kapatawaran din ang ibabayad namin. Buhay para sa buhay.

Gamit ang ekstraordinaryong lakas na nakuha sa parasite, tinapon ni Four ang General sa kalapit na grupo ng mga hosts na kanina pang nakikinig at nakatingin sa amin. Nang bumagsak sa paanan nila ang General ay agad nila itong sinunggaban na tila mga hayop na tinapunan ng pagkain.

Sunod-sunod na sigaw ang pinakawalan ng General nang pagsalo-saluhan siya ng mga hosts. Dalawang minuto lang ang tinagal nito dahil sa dami ng nakikain dito. Walang naiwang bakas ang General. Kahit buto o dugo man lang niya ay bigong manatili. Isang palatandaan na gutom nga ang mga halimaw na ‘to.

“Makinig kayo!” biglang sigaw ni Four habang nakaharap sa mga hosts na nakipag-alyansa sa amin. “Tapos na ang kasunduan natin kaya may kalayaan na kayong atakehin kami at may kalayaan na rin kami na atakehin kayo. Pero kung ako sa inyo magtatago na lang ako. Bilang bayad sa naging tulong niyo, hindi namin kayo aatakehin sa loob ng isang taon at saka na namin kayo hahanapin kapag natapos na. Makakaalis na kayo!” bugaw niya na siyang agad na ginawa ng mga ito—hindi dahil sa takot sila sa aming mga Host-X pero dahil sisikat na ang araw.

Pinanood namin ni Four ang mga hosts na tumakas at magtago hanggang sa wala nang natirang nakatayo na abot ng paningin namin. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Four sabay yuko. Inakbayan ko siya at saka hinimas ang likod niya.

“Mukhang hindi pa tayo tapos,” bulalas ni Thina. Pansin ko ang paglapit ng iba habang dahan-dahang dumungaw mula sa silangan ang araw. “May darating pa na mas malala pa dito.”

“Sinasabi niyo ba na pababagsakin niyo rin kung sino man ang tinutukoy ng General?” takang tanong ni Jorge.

“Kailangan,” agarang tugon ni Usharo. “Kung walang pipigil sa kanila hindi babalik sa dati ang lahat.”

“Pero pwede naman sigurong magpahinga muna tayo. Like a vacation or a leave?” pabor ni Endrix na hula ko ay pagod na pagod na.

“May punto si Endrix,” sang-ayon ni Xeliex na nakatanggap ng puri kay Endrix. “Kulang pa ang lakas natin at kailangan pa nating magplano.”

“Kailangan din nating maghanap ng mga katulad natin para mas mapalakas natin ang puwersa,” suhestiyon din ni Froylan.

Napatingin ako kay Four na nakayuko pa rin. Pero agad din siyang napatingala at saka humarap sa amin. “Kung ganoon, umuwi na tayo. Mas maaga tayong makapagpahinga, mas maaaga nating masisimulan ang plano. Gusto niyo bang sumama sa amin sa Veridel?”

The End

###

Nematoda (BL Sci-Fi)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon