Chapter Six: Chase-tise

121 18 5
                                    

“To go wrong in one’s own way is better than to go right in someone else’s.”

- Fyodor Dostoyevsky

***

Porter

Anim na araw na ang pamamalagi namin dito sa bago naming tahanan. Anim na araw na kaming nakikipagsapalaran para mabuhay. Anim na araw, pero nagmistula itong isang buwan. Dahil sa biglaang pagbabago sa routine ng bawat isa, nagbago rin ang pananaw at pakikitungo ng katawan namin sa araw-araw. Kung noon ay nagrereklamo kami kung bakit ang bilis tumakbo ng oras, ngayon nagrereklamo kami sa kabagalan nito. Lahat nagmamadali na matapos na ang trahedyang ito. Pero ang tanong matatapos nga ba ito?

Bukod sa kawalan namin ng impormasiyon sa kung bakit nangyari ang nangyari anim na araw na ang nakalipas, wala rin kaming alam sa ginagawang solusiyon ng gobyerno—‘yon ay kung mayroon pang gobyerno. Pero kung ako ang tatanungin, mas ligtas isipin na may kinalaman din ang gobyerno sa nangyayari ngayon. Na hindi lang ito natural na kalamidad, kundi gawa ng mga nasa nakatataas para sa proyekto na akala nila ay nakabubuti sa lahat.

Alam kong mali ang mag-akusa nang walang sapat na ebidensiya at pruweba. Pero walang silbi rin naman ang mga ebidensiya kung ang kalaban ko mismo ang may hawak nito. Mas mainam na rin na may pinanghihinalaan, kesa magulat na lang sa katotohanan. Mas magiging handa ako kapag ganoon nga ang nangyayari.

Oras na para matulog. Patay na ang main lights at tanging emergency lamps na lang ang naiwang nakabukas, bilang ilaw sa aming lahat. Nagmistulang buhay na CCTV naman ang mga miyembro ng surveillance team, na nakatayo sa pinaka-itaas na bench at nakadungaw sa salamin para tingnan ang nangyayari sa labas.

Ayon sa kanila, sa gabi lang daw nila nakikita ang mga zombies na malayang naglalakad sa labas, kaya konunkloda naming mga nocturnal sila. Kaya wala kaming nakikita tuwing lumalabas kami dahil sensitibo sila sa araw o ‘di kaya sa init.

Pero sa lahat ng nalaman namin tungkol sa kanila, iisa lang ang tumatak sa utak ko na siyang dahilan kung bakit hindi ako makatulog ngayon. Naikwento noon ni Four ang tungkol sa nawawalang bangkay na hula niya ay nabuhay. Sa mga oras na ‘yon ayokong maniwala dahil ayokong palalain ang takot ko na tinatago ko kapag nakatingin siya, pero nang lumabas kami kanina napagtanto kong tama siya—dahil wala na’ng mga bangkay ang naiwang nakahandusay sa sahig ng hallway.

Ito ang naging usap-usapan kanina nang makabalik kami. Malakas ang paniniwala ng iba na naging zombies na rin ito katulad ng mga nauna. Dahil doon, mas natakot ang lahat dahil sa posibilidad na pwede kaming maging zombies kapag inatake kami ng mga halimaw na ‘yon.

“Pasensiya na sa disturbo, pero kailangan niyong makita ‘to!” biglang anunsiyo ng isang pamilyar na boses. Mabilis kaming napatayong lahat matapos marinig ang boses ni Quiro. Lahat ng mata nakatutok sa kanya at sa jowa niyang si Fetrick, pero ang mas kumuha sa atensiyon ko ay ang dalawang sako na pinaglagyan namin ng mga itinagong pagkain at weapons.

“Dis-oras na ng gabi, Quiro! Ano ba ‘yan?” reklamo ni Graek na hula ko ay nagising mula sa pagkakatulog.

“Dala lang naman namin itong dalawang sako na may lamang mga pagkain at sandata,” sabay bagsak ng dalawa sa mga sako na agad lumuwa ng mga supplies na ilang araw naming pinaghirapang ipunin at itago. “Mukhang merong buwaya sa atin dito.”

Mula sa gilid ng mga mata ko, pansin ko ang takot at kaba sa mukha ni Four. Pero sa tingin ko, hindi lang siya natatakot na mahuli at mapagalitan, kundi takot din na baka hindi siya makauwi sa Mama at Papa niya—gaya ng napagplanuhan.

Nematoda (BL Sci-Fi)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon