"Class copy this in your notebook." Napahikab ako matapos marinig ang sinabi ng aming guro sa una naming Asignatura.
Umagang-umaga ay inaantok ako. Napabuntong hininga ako at ibinagsak ang ulo sa arm chair ng aking upuan. Isang oras at kalahati ang klase namin sa English ngunit walang alam na ipagawa ang guro namin kundi magpasulat nang magpasulat. Hindi niya ba alam na pudpod na nga ang kamay ko sa pagtatrabaho sa bukid ay mas lalo pang napupudpod dahil sa kakasulat?
"Hoy.. magsulat ka na nga nakatingin na si Ma'am sa'yo," bulong ni Andra sa aking tabi.
Tamad kong kinuha ang aking notebook dahil nakatingin nga sa akin ang guro. Binuklat ko ang aking kwaderno na iilang pahina na lang ang natitira. Dalawang beses na akong bumili ng notebook sa klaseng ito at nagagalit na si nanay sa akin. Ngayon ay pinoproblema ko kung saan ako kukuha ng pambili kapag naubos na ito. Baka magbaon na lang ako ng dahon ng saging at doon magsulat total iyon din naman daw ang ginagamit nila nanay sa pagsusulat noong araw.
"Sinong may extra ballpen?" anunsiyo ko sa klase pagkatapos kong halungkatin ang aking bag at wala akong makitang panulat.
"Sino raw may extra ballpen?" ulit ng bakla kong kaklase sa aking tanong.
"Ball lang walang pen." Nagtawanan ang mga kaklase ko sa pang-eepal ni Arnold. Hawak-hawak pa niya ang kanyang bola. Akala mo naman magaling mag-basketball bakulaw lang naman.
"Sus, tumigil ka ngang bakulaw ka," pambabara ko sa kanya na lalong ikinatawa ng mga kaklase ko.
"Whoah..bakulaw pala ah," sabat niya pa pero hindi ko na lang pinansin.
"O, eto." Tumayo ako at lumapit kay Edison na ngayon ay nakalahad ang mga braso para iabot sa akin ang ballpen. "Pupunta sa giyera walang bala," malakas niya pang ani nang kinuha ko iyon.
Mukhang masama pa yata ang loob, pero alam kung biro lang iyon. Nakasanayan na kasi naming mag-asaran at magbarahan sa loob ng halos apat na taon naming magkakasama. Puro mga loko-loko kasi 'tong mga lalaki kong kaklase.
"Salamat!" sigaw ko patalikod.
Ballpen lang ang gusto ko pero nag-umpisa iyon ng asaran at ingay sa klase. Inaamin kong wala akong pambili pero mas lalong nakakainis bumili dahil lagi namang nawawala. May mga demonyo kasi akong kaklase na kunwari hihiram lang pero aangkinin na pala. Mga hindi marunong magbalik.
Nag-umpisa na akong magsulat. Nakakapagod, nakakainis! Napatingin ako sa tabi ko. Buti pa si Andra at kahit paano ay nabibigay ng kanyang mga magulang ang mga luho niya. Sa aming klase, isa siya sa mga nabibilang may pera dahil doktor sa Maynila ang kanyang nanay at tatay. Iyon nga lang wala namang laman ang utak.
"Ba't ka tumatawa?" sita niya sa akin. Umiling lang ako dahil natawa ako sa naisip ko. Sabagay parehas kaming bobo. Ang lamang niya lang sa akin ay may pera siya samantalang ako ay maganda naman, kaya lagi akong muse simula freshmen days.
"Para kang gaga!" Inirapan niya ako.
"Makagaga naman 'to, akala mo siya hindi."
Mas lalo akong natawa na ikinainis niya. Naiinggit man ay idinadaan ko na lang sa tawa, atleast kahit paano naging fair ang langit sa akin dahil binigyan niya ako ng kagandahan kahit wala akong talino. Lahat ng tinatamasa ni Andra ngayon ay makukuha ko rin balang araw.
"Magdidisco ba kayo sa Sabado?" tanong ni Andra sa amin.
"Oo naman. Sabay-sabay na tayo," sagot ng kupal na si Arnold. Sa sulok ay tahimik lang na nakikinig habang patawa-tawa ang pinsan niyang si Rita, buti na lang hindi nagmana sa kakupalan niya.
"Sige. Sunduin niyo 'ko ah," sabat ko. Sina Andra at Arnold lang yata ang interesadong pumunta roon.
Nakikinig lang ako sa pag-uusap ng mga katabi ko. Nag-uusap sila tungkol sa sayawang bayan dahil piyesta na sa Sabado.
BINABASA MO ANG
Loosing Hope (Lonely Soul Series #1) - Slow Update
RomanceCharlotte Hope a teenager who tried to escape her sorrowful fate found hope to a person who fulfilled everything she dreamed of not until everything has changed. Unknowingly that person is just the other part of his personality. Will she embrace the...