Tanaw ko pa rin ang kotseng sinasakyan ng aking asawa sa kabila ng distansiya nito sa amin. Halos hindi ko magawang kumurap para lamang masundan ang direksiyon ng sasakyan. Napalunok ako habang pinipigil ang aking sarili, kinakabahan ako sa bilis ng pagmamaneho ni Sander.
Nararamdaman ko ang galit na ibinubuhos niya sa pagmamaneho.
Walang masyadong trapik kaya't tuloy-tuloy lang ang daloy ng mga sasakyan. Lumihis sa main road ang sasakyang sinusundan namin at bumagal na rin ang pagpapatakbo ni Sander. Isang oras yata kaming nakasunod sa kanila nang tumigil ito sa isang tagong lugar. Dalawang palapag na building ang kanilang pinasok at sa tingin ko ay hindi naman iyon abandonado.
Nagkatitigan kami ni Sander ngunit mabilis akong umiwas.
"Sindikato ba ang asawa mo?" Natigil ako sa pagtatanggal ng aking seatbelt dahil sa kanyang tanong.
"Hindi," matigas kong saad kahit alam ko ang totoo. Pilit kong kinukumbinsi ang aking sarili dahil alam kong may dahilan. Bago pa ako sumagot sa kanya ay may lumapit na dalawang lalaki sa amin. Napatuwid ako sa pagkakaupo nang kumatok ito.
Bubuksan ko na ang pintuan ngunit pinigil ni Sander ang aking kamay.
"Huwag mo akong pigilan,"
"Tama si Edward... mapapahamak tayo rito,"
Muli ay napalunok ako. Takot na takot ako pero kailangan kong gawin ito. Lakas loob kong pinihit ang pinto at tumingin nang diretso sa unahan.
Impit akong napasigaw sa takot at pagkabigla nang maramdaman ko ang baril na nasa aking sintido. Wala sa sariling bumaba ako sa sasakyan at itinaas ang kamay tanda ng pagsuko. Maging si Sander ay ganun din ang ginawa dahil nakatutok din sa kanya ang baril ng isang lalaki.
Itinulak ako nito ngunit hindi na ako umangal pa at sumunod na lang sa kanila papasok ng gusali.
Sabay kaming napaluhod ni Sander sa sahig dahil sa pagtulak ng dalawang lalaki sa amin. Inangat ko ang aking ulo at tumambad sa akin ang lalaking kausap ni Knee Yoz kanina.
"Cha?" tawag ni Knee Yoz sa akin. "Bakit ka sumunod dito?"
Tumayo ang lalaking katabi niya at lumapit sa akin. "Ito ba ang dahilan kung bakit ka nagtatago?" tanong nito. "Pinapadali mo naman ang buhay ko," sambit nito sa akin. Napangiwi ako nang hawakan niya ako sa baba.
"Huwag mo siyang pakialaman," sigaw ni Knee Yoz. Binitiwan ako nang lalaki at prenteng tumawa.
"Alam mo naman kung ano ang gusto ko, kung ako sayo... ibibigay ko na lang ang hinihingi ko para hindi madamay ang babaeng ito,"
"Ibibigay ko kung pakakawalan mo sila." Muling tumawa ang lalaki sa sinabi ni Knee Yoz.
"Ikulong ang dalawang ito." Utos nito sa kanyang mga tauhan na agad namang tumalima at lumapit sa amin.
Kailangan kong makausap si Knee Yoz. Hindi ko na alam kung ano itong pinapasukan ko.
Magkasama kaming dalawa ni Sander na ikinulong sa isang maliit na kwarto. Parehas kaming nakatali ang kamay at paa sa magkabilang sulok. Normal na kwarto lang ito kung tutuusin pero hindi mo aakalaing mga sindikato ang mga nakatira rito.
"Bakit ka sumama sa kanya?" Napatingin ako sa kanyang direksiyon. Hindi ko nakuha ang kanyang sagot.
"Tungkol saan ito?" paglilinaw ko.
"Sinira mo ang buhay mo dahil lang sa lalaking 'yan?"
Gusto kong tumayo at sampalin siya dahil sa kanyang tanong. Umakyat ang dugo ang aking ulo at gusto ko siyang sigawan. Napapansin kong gusto niyang isumbat sa akin ang lahat.
BINABASA MO ANG
Loosing Hope (Lonely Soul Series #1) - Slow Update
RomantikCharlotte Hope a teenager who tried to escape her sorrowful fate found hope to a person who fulfilled everything she dreamed of not until everything has changed. Unknowingly that person is just the other part of his personality. Will she embrace the...