Kumakain na si Knee Yoz nang makababa kami ni Arby. Agad na bumaba ang bata sa aking bisig at sumalubong sa kanyang ama. Umakyat ito at umupo sa hita ng kanyang ama.
"Papa, I miss you!" Hindi ko inalis ang paningin sa kanya at tipid na ngiti lang ang isinukli niya sa anak.
Pagkaupo ko ay saka naman tumunog ang kanyang cellphone. Ibinaba niya ang anak para sagutin ang kung sinumang tumawag. Nagkatinginan kami ni Grace nang makalayo ito.
"Arby halika na," tawag ko sa aking anak para mawala ang kung anumang iniisip ko.
Limang minuto ang lumipas nang bumalik siya at uminom ng tubig. Hindi niya pa nauubos ang kanyang pagkain nang tumalikod siya.
"Saan ka pupunta?" Napatigil siya at lumingon sa akin.
"May pupuntahan lang ako," sagot niya saka umakyat sa taas.
Tahimik kong ibinaling ang paningin sa kanyang iniwang pagkain. Bumara ang aking lalamunan at bigla itong nanakit sa pagpipigil ng kung anumang nararamdaman. Nang bumaba siya ay nakabihis na ito. Inihatid ko siya ng aking paningin hanggang sa makalabas ito. Tinanggap ko ang muling pagbabalik ni Knee Yoz. Tinanggap ko siya nang walang pag-aalalinlangan at pagtatanong. Inintindi ko ang sitwasyon dahil iyonang nararapat at umaasa akong kagaya ng dati ay magiging maayos ang lahat. Ngunit simula ng bumalik siya ay mas lalong tumitibay ang pader na pumapagitan sa amin. Lagi rin siyang may kausap sa kanyang telepono at hindi rin nagtatagal sa bahay.
Nasa kalagitnaan ako ng aking paghimbing nang bigla akong magising dahil sa mahihinang mga kaluskos. Bigla akong nilukob ng kakaibang kaba nang mapansin ang anino ng isang lalaki na abala sa paghahalungkat ng mga gamit sa gitna ng dilim. Dahan-dahan kong kinapa ang aking cellphone sa may bandang uluhan ng aking higaan.
"Sino ka?" Nakatayo na ako at itinutok sa kanyang likod ang flashlight ng aking cellphone.
"Huwag kang gagalaw," banta ko sa gitna ng kanyang kilos. Nanatili itong nakatalikod sa akin.
"Magpakilala ka. May hawak akong baril at hindi ako magdadalawang isip na iputok ito sa oras na humarap ka," sinubukan kong diinan ang aking mga salita para ipakita na hindi ako natatakot.
Hindi siya natinag sa aking sinabi at bago pa siya humarap ay sumigaw na ako "Tulong!"
Hindi ko na naituloy ang anumang isisigaw dahil mabilis niya akong hinila at tinakpan ang aking bibig. Nabitawan ko ang hawak kong cellphone. Nanlalaki ang mga mata ko nang magtama ang aming paningin.
"Bakit ka ba sumisigaw?"
Napamura ako sa aking isipan nang maulinigan ko ang kanyang boses. Knee Yoz? Hindi niya pa ako nabitawan nang biglang bumukas ang ilaw at magkasabay na pumasok sina Grace at Roberto na kapwa may hawak na pamalo.
"Ano bang problema niyo?" Pabalya niya akong itinulak at muntik na akong matumba.
Taka ring nakatitig ang dalawa sa amin. Magkasalubong ang aking mga kilay ng bumaling ako sa kanya.
"Ano ba kasing ginagawa mo?" tanong ko. Nakakapagtakang naghahalungkat siya sa gitna ng dilim.
"Ewan ko sa inyo. Matulog na lang kayo," saad niya at tumalikod.
Nasapo ko ang aking noo at napaupo na lang sa kama. Nakakaperwisyo ang mga ikinikilos ni Knee Yoz.
"Bumaba na kayo." Bumaling ako sa dalawa na nanatiling nakatayo sa may pintuan.
"Okay ka lang ba ate?" tanong ni Grace. Tumango lang ako para ipakita na wala silang dapat alalahanin. Ilang segundo pa nila akong pinagmasdan bago isinara ang pintuan.
BINABASA MO ANG
Loosing Hope (Lonely Soul Series #1) - Slow Update
RomansaCharlotte Hope a teenager who tried to escape her sorrowful fate found hope to a person who fulfilled everything she dreamed of not until everything has changed. Unknowingly that person is just the other part of his personality. Will she embrace the...