Habang pinagmamasdan ko si Sky ay nakikita ko ang pagtaas baba ng kanyang dibdib tanda na nagpipigil siya ng kanyang inis. Padabog itong lumabas sa opisina ni Mr. Villegas at nang senyasan ako ng manager ay sumunod ako rito. Nagulat pa ako pagkalabas ko dahil nakatayo lang siya roon at parang inaabangan akong makalabas. Nahihiyang yumuko ako nang sinalubong niya ako ng matalim niyang tingin.
Pumasok kami sa isang kwarto at natulala ako nang makita ko ang mga artistang naroon. Sa tv ko lang sila nakikita at ngayon ay harap-harapan ko na silang kasama.
"Hi!" Bati ng iilan sa akin na sinuklian ko lang ng ngiti.
Hindi naman ako importante kaya ang iba sa kanila ay bumalik sa kung anumang pinagkakaabalahan nila.
"Ikaw ang bagong PA ni Miss Sky?" Napalingon ako sa isang babaeng lumapit sa akin. Bata pa siya pero mas matanda lang siya siguro ng ilang taon sa akin base na rin sa kanyang hitsura. Maliit na babae at maamo ang kanyang mukha.
"Oo eh," mahina kong sagot.
Naglakad siya papunta sa may sulok kaya't sumunod ako sa kanya. Umupo kaming dalawa sa couch na naroon.
"Pangsampung PA ka na yata ni Miss Sky. Goodluck ah, sana tumagal ka sa trabaho mo," kumunot ang noo ko at humarap sa kanya.
"Bakit?"
"May attitude problem." Lumapit siya sa akin at iniharang ang likod ng kanyang palad bago bumulong banda sa aking tainga.
"Hindi ko nga alam bakit parang galit sa akin eh." Tumaas ang kanyang kilay at nagtakip pa ng bibig.
"Naku friend, sign na yan." Pabiro pa itong tumawa. Napailing na lang ako sa kanya.
Ilang minuto pa kaming nag-uusap roon habang nanunuod sa mga artistang abala sa pag-eensayo para sa kanilang live show. Nasa stage na si Sky at kasalukuyang nagpe-perform. Saglit muna akong nagpaalam sa aking kausap para pumunta sa cr.
Medyo natagalan pa akong bumalik dahil hindi ko pa kabisado ang gusali. Pagbalik ko ay nag-aalalang mukha ng kausap ko kanina ang sumalubong sa akin.
"Sa'n ka ba galing? Ba't ang tagal mo?"
"Bakit?"
"Kanina ka pa hinahanap ni Miss Sky,"
Bago pa ako makasagot ay namataan ko na ang aking amo na papunta sa aming direksiyon. Kung kanina ay pinipigil niya pa ang inis ngayon ay hindi na maipinta ang kanyang mukha.
"Saan ka ba galing? Kanina pa kita hinahanap?" Mariin ang bawat salita niya ngunit naroon pa rin ang pagtitimpi.
"Pasensiya na po maam, nag-cr lang po ako. Medyo naligaw po kasi ako kanina kaya natagalan ako," mahinahon kong pagdadahilan.
"Next time 'wag mo akong paghintayin at 'wag kang tatanga-tanga!" Napatingin na lang ako sa aking kasama. Ang nababasa kong awa sa kanyang mukha ang lalong nagpapaalala sa akin na kailangan kong tibayan ang aking loob. Gaano man ako nasaktan at napahiya ay kailangan kong ipakita na wala lang ito.
"Opo maam, pasensiya na po!"
"Kunin mo ang mga gamit ko sa dressing room at sumunod ka sa akin sa parking lot." Bigla akong nataranta ng tinalikuran niya ako.
Wala sa sariling pumasok ako sa dressing room. Nagulat pa ang ilang artista na naroon at naabutan kong naghuhubad.
"Shit! Who are you? Bigla-bigla ka na lang pumapasok," singhal ng babae na natigilan din sa pagbibihis.
Muli ay napangiwi ako at yumuko na lang dahil sa hiya. Puro kapalpakan na lang yata ang nangyari sa akin ngayong araw.
"Kukunin ko lang po ang gamit ni miss Sky." Napakagat ako sa aking labi nang mapagtantong hindi ko alam kung nasaan ang kanyang gamit. Inilibot ko ang aking paningin at nagbabakasaling may magkusang ituro ang aking sadya, para hindi ako lalo magmukhang tanga sa harapan nila.
BINABASA MO ANG
Loosing Hope (Lonely Soul Series #1) - Slow Update
RomanceCharlotte Hope a teenager who tried to escape her sorrowful fate found hope to a person who fulfilled everything she dreamed of not until everything has changed. Unknowingly that person is just the other part of his personality. Will she embrace the...