Vol.2 Chapter 6

61 2 37
                                    

"Anong gagawin mo ngayong alam mo na, isusumbong mo ako kay Elinor?" ang sabi ni Hazel pagkatapos mahuli ni John.

"Hindi. Sigurado akong matagal nang alam ni Elinor kung gaano ka ka-plastik," ang sagot ni John. "Sabihin mo, bakit mo ito ginagawa, Hazel?"

"Para sa sarili kong layunin. Wala akong balak na sabihin sa iyo at wala ka nang pakielam pa roon." ang sagot ni Hazel kay John. Magsisimula na sana siyang maglakad palayo kay John para bumalik sa loob ng mansyon nang biglang nagsalita muli si John sabay hawak sa kanyang braso.

"May pakielam ako dahil hindi pwedeng si Jean muli ang magdusa nang dahil sa iyo!" ang sabi ni John habang nanginginig sa galit.

"At dahil sa iyo, nangyari ang tagpong iyon na ngayon ko rin lang nalaman!" Pagpapatuloy ni John sabay turo sa bintana ng kuwarto kung saan masisilip na binibigyan ng paunang lunas ni Elinor ang sugatang si Adam.

"Selos ka?" biro ni Hazel habang nakangisi pa sa galit na si John. "Kakarating mo lang sa panahon na ito may gusto ka na kaagad sa babaeng iyon? Nakakaawa ka dahil ang taong iyon, walang katiting na pagmamahal para sa ibang tao. Sarili niya lang ang mahalaga para sa kanya."

"Nagkakamali ka! Hindi ganoong klaseng tao si Elinor."

"Matagal ko na siyang kilala kaya alam ko ang sinasabi ko. Bahala ka kung ayaw mong maniwala," ang sabi ni Hazel. Tinanggal niya ang pagkakahawak ni John sa kanyang braso at nagsimula na muling maglakad palayo. "Babalik na ako sa kuwarto ko."

~*~

Matapos makatanggap nina Elinor ng banta, minabuti niya na bigyan ng paunang lunas ang sugat na natamo ni Adam mula sa palaso. Ipinakuha ni Elinor mula sa kanyang mga katulong ang mga kakailanganin niyang gamit tulad ng bulak, alkohol, at benda. Mabilis naman itong dinala ng kanyang tagapagsilbi at iniabot sa kanya.

"Ako na ang bahalang gumamot sa kanya." ang sabi ni Elinor sa kanyang tagapagsilbi na umalis na rin naman kaagad matapos niya itong sabihin.

Binuksan niya ang alkohol at pagkatapos ay pinatakan niya nito ang kanyang hawak na maliit na piraso ng bulak. Marahang idinampi ni Elinor ang bulak na basa ng alkohol sa ibabaw at sa palibot ng sugat ni Adam. Bahagyang napapakislot si Adam mula sa bawat dampi ng bulak sa kanyang sugat.

"Mahapdi ba?" ang tanong ni Elinor habang nakangiti nang mapang-asar kay Adam.

Iniwasan na lang ni Adam na sumagot sa tanong na iyon ni Elinor. Marahil hindi na rin siya makapagsalita dahil sa hapdi na kanyang iniinda mula sa bawat dampi ng bulak sa kanyang sariwang sugat. Matapos linisin ni Elinor ang sugat, kumuha naman siya ng malinis na benda. Dahan-dahan niya itong ipinulupot sa parte ng braso ni Adam na nasugatan.

"Bakit marunong ka sa mga bagay na tulad nito?" ang tanong ni Adam habang nakatingin sa ginagawang pagbubuhol ni Elinor.

Itinigil pansamantala ni Elinor ang pagtatali ng benda at saka tumingin kay Adam. Mabilis na namula ang magkabilang pisngi ni Adam matapos magtama ang kanilang mga titig. Minabuti ni Adam na lumingon sa kabilang gilid para iiwas ang kanyang tingin sa magandang mukha ni Elinor.

"Madalas akong magbasa ng mga libro sa silid-aklatan kung saan ako nagtatrabaho." paliwanag ni Elinor.

"Masyado kang maraming nalalaman," ang sabi ni Adam na hindi tumitingin kay Elinor. "Tulad nang kung gaano kadami na sa mga ito ang isinisikreto mo mula sa amin."

Nagpatuloy na sa pagtatali ng benda si Elinor at saka siya sumagot, "Ang buhay ay isang malaking laro at para manalo sa laro ng buhay, hindi mo maaaring ipakita ang mga hawak mong baraha."

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon