Vol.2 Chapter 8

36 1 27
                                        

Napahagakhak nang malakas si Hazel sa kanyang narinig.

"Prangkahan na pala ngayon." Itinaas ni Hazel ang kanyang mga paa sa mesa habang nakapangalumbaba. "Naaliw ako sa iyo. Sana naaliw rin kita, Elinor. Tapos na ang paglalaro."

"Kailangan namin ang kooperasyon mo, kaya manahimik ka na muna," sabi ni John.

"Mas maganda sana kung sa akin ka napunta pero mapagtitiisan ko na si Jean."

"Henderson! Paano mo nasabi ang bagay na iyan sa mismong harap ni Say!" ang bulalas ni Adam. Inawat siya ni Jean at pinakalma.

"Biro lang. Hindi ko rin naman talaga gusto si John," saad ni Hazel na natatawa.

"Sa naganap na pag-uusap namin ni Plato, nalaman kong magkakaroon ng labanan sa pagkapinuno ng Oeconomica. May dahilan kung bakit paglalabanan ng mga kandidato ang posisyon na iyon. Sigurado akong alam na ni Hazel ang bagay na iyon." sabi ni Elinor.

"Tumpak ka diyan," sagot naman ni Hazel.

"Ang magiging pinuno ng Oeconomica ay magkakaroon ng kahit na anong kahilingan na matutupad. Isinikreto iyon ni Plato upang maiwasan ang labanan sa pagitan ng mga kandidato. Ngunit hindi iyon ang tunay niyang layunin at iyon ang kailangan nating alamin." paliwanag ni Elinor.

"Paano mo nalaman iyon?" sabi ni Adam.

"Hindi ko pa maaaring sabihin. Tulad ng sinabi ko, wala akong interes sa pagiging pinuno ng Oeconomica. Pero kung may nais kayo ni John na gustong matupad, lalaban ako." Tumingin si Elinor kay John at pagkatapos ay kay Adam naman. Parehas tumango ang dalawang ginoo. "Isang bagay pa, nasubukan na ba ninyo ang mga kapangyarihan niyo?"

Tumango ulit sina Adam at John, pati na rin si Jean.

"Ano ang gusto mong ipunto?" ang sabi ni Hazel.

"Payo lang, wag ninyong abusuhin ang kapangyarihan ng mga pananda," sabi ni Elinor

"Tinatakot mo ba ako?" sagot ni Hazel kay Elinor.

"Hindi, isa iyong babala, para kay Jean at pati na rin kay Adam,"pagsingit ni John sa dalawang babae.

"Maraming salamat John at Elinor, tulad ninyo naiintindihan ko ang ibig sabihin ng mensahe ni Plato." Yumuko si Jean sa harap ni Elinor. "Lagi kong tatandaan ang inyong babala."

"Ngayong naipaliwanag ko na ang sitwasyon natin. Pag-usapan naman natin ang mga dapat gawin. Sa ngayon, ang una nating kailangan gawin ay ang puntahan si Philip." paliwanag ni Elinor.

"Sino naman si Philip?" sabi ni Adam.

"Isang mapagkakatiwalaang kaibigan," sagot ni John.

~*~
Naiwan sina Jean at Hazel sa mansyon habang binabantayan sila ng mga tagapagsilbi doon. Para lamang masiguradong walang gagawing masama si Hazel.

Dumating na sila Elinor sa opisina ni Philip. Sa pagbukas ng pinto binati kaagad sila ni Philip na nakatayo sa tabi ng bintana ng kanyang opisina. Isang lalaking nakasuot ng purong pormal na kasuotan at may kulay tsokolateng mata at buhok, na nakahagod patalikod habang may ilang hiblang naiwan sa kanyang noo. Mapaglaro ang kanyang mga titig na nakakaakit sa mga binibining mapapatingin dito.
"Magandang araw, sa totoo lamang hindi ko ito inaasahan."

"Hindi ko rin akalaing kakailanganin agad namin ang tulong mo," sagot ni John.

Naglakad palapit sa pintuan si Philip ngunit nilagpasan niya lamang si John at dumiretso kay Elinor.

"Hindi ikaw ang kinakausap ko," ang sabi ni Philip kay John. "Kundi siya."

Nakatitig si Philip kay Elinor. "Medyo matagal na noong huli mo akong binisita, Eli."

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon