Vol.2 Chapter 11

33 1 23
                                        

"Saan tayo pupunta?" ang sabi ni Adam.

"Nandito tayo para humanap ng mga kakampi."

Dumating sina Adam at Elinor sa isang cafe. Tumunog ang isang bell pagkabulas nila ng pinto at binati sila kaagad ng mga empleyado roon. Kaagad silang inihanap ng bakanteng mesa na mauupuan. Naghintay sina Adam at Elinor habang ninanamnam ang kanya-kanyang klase ng timpla ng kape na kanilang binili.

"Sino ba ang hinihintay natin dito?"

"Yung sinasabi ko sa iyong mga kakampi natin."

Tumunog muli ang bell sa pinto ng cafe, indikasyon na may mga bagong dating na customer.

Isang lalaking nakasuot ng itim na vest at bilugang itim na salamin ang pumasok. Kasama niya ang isang magandang dalaga na may kulay rosas na buhok. Nakasuot ito ng bestidang may makapal na telang nababagay sa taglamig na panahon.

"Andito na pala sila," ang sabi ni Elinor kay Adam at pagkatapos ay kumaway siya sa mga nabanggit na bagong kakampi.

Nakita ito ng dalagang may kulay rosas na buhok at kaagad na tinapik ang kasama niyang ginoo na napakagwapo. Itinuro niya sa kasama ang kinaroroonan nina Elinor at Adam. Sabay silang naglakad patungo rito.

"Sino sila?" ang sabi ni Adam.

"Ang pangalan ko ay Alfred Marshall at ikinagagalak kong makilala kayo," ang pagpapakilala ng ginoo.

Inabot ni Alfred ang kanyang kanang kamay para kay Elinor. Ipinatong naman dito ni Elinor ang kanyang kamay upang pagbigyan ang imbitasyon ng binata.

Hinalikan ito ni Alfred nang walang malisya habang bakas naman sa pisngi ni Elinor ang bahagyang pamumula nito.

"Anong ginagawa mo?" ang sabi ni Adam.

"Ito ang paraan ko ng pagpapakita ng respeto sa mga kababaihan. Mukhang hindi ka tinuruan sa panahon mo ng tamang asal. Alam kong hindi ito ang modernong paraan ngunit mahirap alisin ang isang bagay na nakasanayan ko na."

"Alam mo kasi, ang mga babae ngayon, ayaw nila ng ganyan kasi naiilang sila," paliwanag ni Adam.

"Talaga ba? Kaya ba sa tuwing ginagawa ko iyon ay namumula ang kanilang mukha at tila nawawala sa sarili?"

Napaiwas ng tingin si Elinor na nakatakip ang kamay sa kanyang pisngi. Nainis naman lalo si Adam sa mga salitang lumalabas sa bibig ni Alfred.

"Hindi nakapagtataka kung malalaman kong namatay kang binata," hirit pa ni Alfred.

"Namatay nga siyang binata," sagot ni Elinor. Hindi na nakaimik pa si Adam sa masakit na katotohanan.

Tumingin si Alfred kay Adam. "Condolence."

"Kaunti na lang, masusuntok na talaga kita."

"Pasensiya ka na, hindi kasi ako tinuruang makipagbasag-ulo," sagot ni Alfred.

"Tama na yan, Adam. Lumipat ka tayo sa mas malaking lamesa para makaupo na rin sila," ang utos ni Elinor.

Sabay na lumipat ng mesa sina Elinor at ang binibining kasama ni Alfred. Naiwan naman na nakatayo sa puwesto nila ang dalawang binata. Tinapik ni Alfred sa balikat si Adam.

"Hindi naman halatang nagseselos ka kanina. Hindi niya nga napansin kahit kaunti. Goodluck na lang sayo. Masyado siyang maganda, mukhang marami kang kaagaw sa unang tingin pa lamang." Ngumisi si Alfred kay Adam at pagkatapos ay nauna nang sumunod kayna Elinor. Naiwan mag-isang nakatayo si Adam sa kanyang puwesto.

"Sinong nagsabing may gusto ako sa walang pusong babaeng iyon!" ang pahabol na sagot ni Adam kay Alfred bago siya sumunod dito.

Nang makumpleto na sila sa mesa ay nagpakilala na ang kasamang kandidato ni Alfred. "Ikinagagalak ko kayong makilala. Ako nga pala si Mary Marshall."

"Ang pinakamaganda sa lahat ng babaeng nakilala ko." Pagsingit ni Alfred.

"Pagpasensyahan niyo na siya. Ganyan na talaga siya," ang sabi ni Mary patungkol kay Alfred.

"Huwag kang mag-alala, alam ko at naiintindihan ko kung bakit."

"Bakit?" sabay na sabi ni Mary at Adam.

"Naniniwala ka ba sa reincarnation, Mary. Sapagkat konektado ka sa kanya." sabay ngisi ni Elinor.

Napangisi rin si Alfred at tila biglang pinagpawisan. "Mukhang magaling ka manghula."

"Maaari na ba natin pag-usapan ang ating pakay sa pagkikita na ito?" ang sabi ni Adam na nabubugnot na.

"Nais namin ang kooperasyon ninyo para sa layuning pigilan ang propesisya." ang paliwanag ni Elinor kay Mary at Alfred.

"Hindi ba dapat ay magkakakumpitensya tayo?" ang sagot ni Alfred.

"Alam ko iyon, pero mas mahalaga ang pagpigil sa propesiya ng Great Depression kaysa sa pagiging pinuno ng Oeconomica."

Tumingin si Alfred kay Mary at pagkatapos ay lumingon nang muli kay Elinor. "Payag ako."

"Ngunit, Alfred paano na ang iyong kahilingan na gusto mong matupad," ang sabi ni Mary.

"Mas mahalaga ang kapakanan ng nakararami kaysa sa isang pansariling kahilingan lamang," ang sagot ni Alfred na nakangiti kay Mary.

Hindi man aminin ni Adam, nakuha ni Alfred ang respeto niya.

"Kung ganoon, pumapayag kami ni Alfred na makipagtulungan sa inyo," ang sabi ni Mary kay Elinor.

Nakipagkamay sa isa't-isa sina Elinor at Mary. Ganoon din sina Adam at Alfred.

"Makakaasa kayo sa tulong namin," ang sabi ni Alfred habang nakikipagkamay kay Adam. Ngumiti sa kanya si Adam bilang pasasalamat.

"Mas mabuti kung mapag-uusapan natin ang iba pang mga detalye sa bahay ko. Doon makakapag-usap tayo ng mas maigi at maipapaliwanag namin ang kakayahan ng pananda ni Alfred," ang sabi ni Mary.

"Handa rin akong sabihin ang kakayahan ng aking mga ekonomista," sagot ni Elinor.

Nanlaki ang mata ni Mary sa kanyang narinig. Ganoon din si Alfred sapagkat bago sa kanila ang sinabi ni Elinor.

"Mga ekonomista?" Binigyang diin ni Mary ang salitang mga, sapagkat may nalalaman sila patungkol sa kondisyon na kailangan ng isang kandidato at ekonomista ng Oeconomica.

"Oo, dalawa sila."

"Paano nangyari iyon? Isang buhay para sa isa pang buhay. Ang isang kandidato ay nakatakda lamang para sa isang ekonomista. Iyon ang natuklasan namin sa pag-iimbistiga namin tungkol sa nangyayari," ang sabi ni Mary. "Hindi kaya, mayroong dalawang buhay ang naghahati ngayon sa iyong katawan?"

Sa pagkakataong ito si Elinor ang nabigla kay Mary. Hindi niya inaasahang matutumbok kaagad ni Mary ang kanyang sikreto. Napaisip si Elinor sa mga sinabi ni Mary. Maaaring ang kanyang apo at siya mismo ay parehas na napili bilang kandidato ng Oeconomica.

"Sa tingin ko ay tama ka nga sa iyong teorya, Mary," ang sabi ni Elinor.

"Kailangan kong masigurado kung sino sa dalawang ekonomista ang tunay na nagsisilbi para sa akin at sino ang nakatakda para sa aking apo."

Ito ang eksatong iniisip ni Elinor nang saktong ginamit ni Adam ang kanyang kapangyarihan. Noong mga oras na iyon ay hindi malaman ni Adam kung paano pipigilan ang sarili na magpakita ng empsyon. Sigurado siyang paghihinalaan agad siya ni Elinor na ginamit niya ang kanyang kapangyarihan kapag nagpakita siya ng emosyon. Hindi makapaniwala si Adam sa kanyang natuklasan na nasa loob ng katawan ni Elinor ay dalawang kaluluwa.

Kahit siya ay hindi malaman kung sino nga ba sa dalawa ang kanyang tunay na kandidato. Sino sa kanilang dalawa ni John ang naglilingkod para sa Elinor na nasa kanyang harapan ngayon.

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon