Vol. 1 Chapter 13

95 9 67
                                    

Nagising si Elinor na nakahiga na siya sa kanyang kama. Sa kanyang tabi ay nakaupo sina Adam, John at si Philip. Kaagad niyang sinubukang bumangon mula sa kanyang pagkakahiga ngunit nanghihina pa ang kanyang katawan. Inalalayan ni Adam ang kanyang likod at isinandal sa ulunan ng kama.

"Makakasigurado ba akong wala kayong ginawang kahalayan sa akin, habang wala akong malay?" Masamang tinitigan ni Elinor ang bawat isa sa kanila.

Hindi mapigilan ni John na pagpawisan sa mga titig na iyon sapagkat alam niyang may ginawa siyang mali. Habang naiidlip sina Adam at Philip, sinubukan niyang ilapit ang kanyang mukha sa walang malay na si Elinor.

Doon sa pagkakataon na iyon, saktong nadali ni Adam ang kanyang siko kaya nawalan ng balanse ang brasong ipinangtutukod niya sa kama. Dumaudos ang mukha niya papunta sa mukha ni Elinor. Mabuti na lamang at sa noo lang ng natutulog na dalaga tumama ang kanyang labi.

"Eli, habang wala kang malay mayroong dumating na pakete mula kay Hazel." sabi ni Philip. Inabot niya ang pakete kay Elinor.

Balot na balot ito ng papel at sa pagpunit ni Elinor dito ay tumambad sa kanila ang isang maliit na kahong parihaba. Iniangat ni Elinor ang takip ng kahon, at kinuha ang bagay na nasa loob nito. Inangat niya ang bagay para makita din ito nina John. Isa itong gintong pluma.

Unang kita pa lamang ni Elinor dito ay alam niya na kaagad kung ano ito. Nakasaad ito sa libro ng Oeconomica. Isa ito sa mga mahiwagang bagay na pagmamay-ari ni Aristotle. Mayroong tatlong bagay ang pinagkalooban ni Aristotle ng kanyang kapangyarihan ayon sa libro ng Oeconomica.

Ang parachute na kayang dalhin ang isang tao sa kahit saan niya gustuhin, ang pananda na nagsisilbing susi para magamit ng mga ekonomista ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ni Aristotle, at ang pinakahuli at pinakamahalaga sa lahat ay ang gintong pluma. Ito ang bagay na nagbibigay ng mga propesiya at nagpapakita ng mga bagay na gustong malaman ng may hawak nito. Sa oras na hinawakan ito ng isang tao, kusa na nitong igagalaw ang kamay na may hawak dito at saka isusulat ang bagay na gustong malaman ng taong may hawak dito.

"Sa tingin mo bakit ipinadala sa atin ni Hazel ang bagay na iyan?" tanong ni Adam.

"Bakit hindi natin alamin gamit ang plumang ito para makuha ang sagot na ating hinahangad." ang sagot ni Elinor. "Adam, kunin mo ang pulang libro sa aking kabinet."

Kinuha ito ni Adam at iniabot kay Elinor. Binuksan niya ito sa kahulihang pahina at saka ipinuwesto ang pluma. Mag-uumpisa na sana si Elinor nang biglang hinawakan ni John ang kanyang kamay.

"Baka may kapalit din ang paggamit sa bagay na iyan, katulad ng aming mga kapangyarihan."

"Huwag kang mag-alala, ang mga bagay na ginawa ni Aristotle ay walang masamang epekto. Hindi ang pananda ang dahilan kung bakit may nararanasan tayong epekto, ang dahilan ay ang mismong kapangyarihan natin na isang sumpa. Binalaan kami dati ni Aristotle tungkol dito." paliwanag ni Philip.

Binitiwan na ni John ang kamay ni Elinor matapos siyang makumbinsi ng paliwanag ni John.

"Uumpisahan ko na."

Idinait na ni Elinor ang hawak na pluma sa pahina ng libro ng Oeconomica. Nag-umpisang gumalaw mag-isa ang kanyang kamay.

"Mayroong gustong kumuha sa libro ng Oeconomica at sa gintong pluma. Ipinadala ito ni Hazel dahil hindi na niya ito mapapangalagaan. Hindi na siya bahagi ng propesiya dahil sa pagkamatay ng kanyang ekonomista."

Nang mabasa ito nina John ay magkahalong pangamba at dalamhati ang kanilang naramdaman. Gumalaw muli ang panulat at ang sumunod na mensahe ang lalo nilang ikinagulat.

"Nalalapit na ang katuparan ng propesiya."

Biglang tumunog ang telepono ni Philip. Kaagad niya itong sinagot, nagsimulang pagpawisan at maging seryoso ang mukha ni Philip habang nakikinig sa tawag na kanyang natanggap. Matapos niyang ibaba ang tawag ay kaagad niyang sinabi kayna Elinor ang masamang balita. "Hindi magagawa ng pamahalaan ang plano na inihain natin."

"Bakit?" tanong ni John.

"Mayroong ibang bagay na mas mahalagang dapat na pagtuunan ng pansin." sagot ni Philip. "Nag-umpisa nang kumilos ang Tsina. Kailangan nating pumunta ngayon sa Malacañang."

Ipinikit ni Elinor ang kanyang mata habang pinaplano niya sa kanyang isipan ang nararapat nilang gawin sa sitwasyong iyon. Sa muling pagdilat niya ay mayroon na siyang naisip na solusyon.

"Kailangan nating hanapin si Hazel. Lalo na ngayong mag-isa na lamang siya." ang saad ni Elinor. "Adam, ipinagkakatiwala ko na sa iyo ang paghahanap sa kanya."

Iniabot ni Elinor ang pluma kay Adam. "Protektahan mo ito at gamitin mo para mahanap siya."

"Huwag kang mag-alala ako na ang bahala kay Henderson." Naunang umalis si Adam dala ang gintong pluma. Pinasamahan ni Elinor si Adam sa kanyang personal na driver gamit ang isang itim na Bugatti.

Dinala ni Elinor ang libro ng Oeconomica para mabantayan nila ito. Mas delikado kung iiwan niya ito sa mansyon. "John at Philip pupunta tayo sa palasyo. Kailangan nating ayusin ang lahat ng ito."

~*~


Nagkakagulo ang mga tao sa loob ng palasyo dahil sa ibinigay na banta ng Tsina. Sakto ang dating nina Elinor na kanina pa hinahanap ng presidente.

"Mahal na pangulo, nandito na po sila." ang wika ng bantay na nagdala sa kanila sa tanggapan ng panauhin. Doon nakaupo na at naghihintay ang presidente.

"Ano po ang nangyari?" tanong kaagad ni Philip.

"Nagpadala ng mensahe ang Tsina. Kailangan daw nating isuko ang bansa kung hindi ay uumpisahan na nilang atakihin ang Pilipinas." seryosong sagot ng presidente

"Pero walang laban ang Pilipinas kung sakaling magkakaroon ng digmaan." paliwanag ni Philip. "Kahit na humingi tayo ng tulong sa ibang bansa, hindi maiiwasang mapinsala ang bansa."

"Lalo na kung pag-aagawan ng Tsina at Amerika ang Pilipinas." dagdag pa ni John.

"Hindi rin naman natin basta na lang pwedeng isuko ang bansa." saad ng presidente.

"Nakapagtatakang bigla na lang maghahangad ang Tsina ng digmaan." bulong ni Elinor sa kanyang sarili. Maaaring may kinalaman dito ang ibang kandidato ng Oeconomica...

Tumunog bigla ang telepono ni Elinor, noong tiningnan niya kung sino ito ay nakita niyang numero ng kanyang driver ang tumatawag. Sinagot niya kaagad ito. Boses ni Adam ang kanyang narinig. Hirap na hirap itong huminga na tila ba may iniinda.

"Elinor, umalis na kayo dyan..." ang babala ni Adam. "Papunta na sila diyan..."

Pagkatapos ng sinabi ni Adam ay biglang namatay ang mga ilaw sa loob ng palasyo.

"Eli! Sumagot ka, Eli!" Ngayon boses naman ni Hazel ang maririnig mula sa kabilang linya.

"Ayos pa naman kami. Kasalukuyang namatay ang mga ilaw sa palasyo."

"Makinig ka nang mabuti, Eli. Nawalan ng malay si Adam dahil tinamaan siya ng sa hita ng baril. Nakuha sa amin ang pluma, at ngayon papunta na sila ngayon dyan sa palasyo para kunin ang libro." paliwanag ni Hazel.

"Eli, umiwas ka!" Biglang sigaw ni Philip mula sa likuran ni Elinor.

Dumagundong ang isang malakas na tunog sa naganap na pagsabog sa labas ng palasyo. Sunod-sunod na naganap ang mga pagsabog, pagkatapos ng isa ay susunod na agad ang isa pa. Nagbagsakan ang mga kahoy sa kisame at nag-umpisang lumaki ang sunog na tumutupok sa buong palasyo.

"Eli! Eli! Eli!" paulit-ulit na sigaw ni Hazel mula sa kabilang linya ngunit wala nang sumasagot sa kanya.

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon