Vol.2 Chapter 12

38 2 9
                                        

Pumunta sina Elinor at Adam sa pagmamay-aring bahay ni Mary. Katamtaman lamang ang laki nito at simple ngunit elegante kung titingnan mula sa labas.

"Pasok kayo," ang paanyaya ni Mary pagkatapos sila pagbuksan ni Alfred ng pinto.

Pagkapasok pa lamang nilang lahat sa loob ay kaagad na kinuha ni Alfred ang kanyang apron at nagtungo sa kusina. Inilabas niya ang mga sangkap ng kanyang lulutuin mula sa refrigerator. Ang ilan naman ay kinuha niya mula sa kabinet sa itaas. Nang simulan na niyang igisa ang bawang at sibuyas ay nag-umpisang mapuno ng mahalimuyak na amoy nito ang buong kusina. Sadyang makakaramdam ng pagkatakam ang sinumang makakaamoy nito.

"Marunong magluto si Alfred?" ang sabi ni Elinor.

"Oo, mabuti na lang nga kasi dati ako pa ang nagluluto ng pagkain ko. Ngayon hindi na ako makahawak ng gamit pangluto kasi lagi niya akong pinipigilan. Gustong-gusto niyang ipinagluluto ako at sinabihan ako na magpahinga na lamang ako."

"Sana lahat may maaasahang ekonomista na tulad ni Alfred. Samantalang ang mga ekonomista ko, panay pa ang hingi sa akin ng tsaa."

"Si Keynes lamang yun! Huwag mo akong itulad sa kanya." Pagtatanggol ni Adam sa sarili niya.

Dumating si Alfred dala-dala ang mahalimuyak na pastang kanyang niluto. Nakalagay ito sa isang malaking mangkok at nakahalo na rito ang sarsa.

"Halika na kayo sa hapag-kainan," pag-aaya ni Alfred. "Adam pakikuha yung mga tustadong hiwa ng mga tinapay sa kusina. Isama mo na rin ang mantikilya."

Hindi umalma si Adam sa pag-uutos sa kanya ni Alfred. Tanggap niyang kung gusto niyang makahanap ng kasintahan, isang magandang ehemplo upang tularan si Alfred.

Napangiti na lamang si Alfred nang maramdaman niyang unti-unti na silang nagkakasundo ni Adam. Alam niyang mahalaga ito kung gusto nilang magtagumpay sa Great Depression. Ipinatong ni Alfred ang mangkok ng pasta sa mesa at ipinag-usod ng upuan ang dalawang dalaga.

Lubhang nakatatakam ang mabangong amoy ng bawang at herbs na pampalasang nakahalo sa sarsa ng pasta.

"Salamat." Parehas na sabi nina Elinor at Mary kay Alfred at Adam.

Ipinagsadyok ni Alfred si Mary ng pasta sa kanyang plato. Namula naman ang pisngi ni Mary dahil sa ginagawang pag-aalaga sa kanya ni Alfred.

"Alfred, nakakahiya."

"Bakit naman?" sagot ni Alfred.

"Basta."

Gagayahin sana ni Adam si Alfred at lalagyan niya ang plato ni Elinor ngunit naramdaman ito ni Elinor at kaagad na sinamaan ng tingin si Adam.

"Huwag mong subukan."

"Ang alin? Wala pa nga akong ginagawa," sagot ni Adam.

Napapigil na lang ng tawa si Alfred habang pinapanood sina Elinor at Adam. Napuno ng tawanan at asaran ang buong kainan.

Matapos kumain ay sinimulan na nilang pag-usapan muli ang tungkol sa Oeconomica.

"Tulad ng ipinangako namin, sasabihin namin kung ano ang kapangyarihan ng pananda ni Alfred," ang sabi ni Mary.

Napalunok si Adam ng kanyang laway habang naghihintay sa sasabihin ni Mary.

"Kaya ni Alfred ibalik sa dati nitong kalagayan ang isang bagay."

"Mas maiintindihan ninyo kung bibigyan ko kayo ng halimbawa. Ipagpalagay natin na nabasag ang platong gamit natin ngayon. Kaya ko itong ibalik sa dati bago ito masira," paliwanag ni Alfred.

"Ano ang kapalit ng paggamit mo nito?" ang tanong ni Elinor.

"Nakadepende kung ano ang inayos ko. Katulad ng halimbawa ko, kung nabasag ang plato at ibinalik ko ito sa dati kung saan buo pa ito, ang kapalit nito ay maaaring pagkakaroon ng fracture sa aking buto. Sa tuwing gagamitin ko ito hindi sigurado kung ano ang kapalit nito na direktang makakaapekto sa akin. Ang sigurado lamang ay may kinalaman ito o konektado man sa kung ano ang ginamitan ko nito."

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon