Habang nasa daan ay paulit-ulit na inasar ni John si Adam dahil sa dalawang rason. Una, dahil kailangan niyang gawin ulit ang mga bagay kung paano ito nangyari dati at ikalawa, dahil gusto niya lang talagang asarin si Adam. Sumasakit na ang tiyan ni John sa kakatawa. Halata rin na kaunti na lamang, sasaktan na siya ni Adam dahil sa sobrang inis. Kaunti na lamang ay magdidikit na ang magkabilang kilay niya.
"Nandito na tayo," biglang saad ni Elinor.
Napatingin sina Adam at John sa bahay na nasa tapat ng kinatatayuan nila. Malaki ito ngunit hindi kagandahan ang disenyo. Madumi na ang kulay puti nitong pintura at may kalumaan na ang mga pinto nito. Kinakalawang na rin ang hawakan ng mga pinto nito. Ibang-iba sa mga naglalakihan at naggagandahang gusaling makikita na nasa daan papunta rito. Mapagtitiisan na ito para kay John dahil alam niyang hindi sila magtatagal rito. Alam niyang pupunta sila sa Pilipinas para sa ibibigay na misyon ni Plato. Kumpara sa bahay na ito, higit na pangmayaman ang malaking mansyon na pagmamay-ari ni Elinor sa bansang iyon.
"Isang apartamento ang gusaling ito. Isang kuwarto lamang nito ang inuupahan ko."
Habang naglalakad sila papunta sa pangatlong kuwarto mula sa kanan ng unang palapag ng apartamento, tila ba biglang nanigas ang mga tuhod ni John.
Tandang-tanda pa ng ilong niya kung ano ang naghihintay sa kanila sa loob ng kuwartong iyon.
Hindi naman siguro maapektuhan ang hinaharap kung bahagya akong magpapahuli sa pagpasok sa loob. Para naman makasingaw muna kahit papaano ang nakulob na amoy ng kuwarto ni Hazel.
"Mauna na muna siguro kayo sa loob. Susunod na lamang ako," paalam ni John sa kanyang mga kasama.
Lumingon si Adam sa kanya na nakakunot ang noo. "Bakit?"
"K-kasi," ang nauutal niyang sagot habang pilit na nag-iisip ng pwedeng sabihing dahilan. "Nauutot ako!"
Napatakip ng ilong si Adam habang nagpipigil na matawa. Ganun din ang reaksyon ni Elinor na narinig din ang sinabi ni John.
Sa lahat ba naman ng napili kong dahilan, bakit iyon pa ang unang pumasok sa isip ko!
"Hayaan mo na siya, Adam," ang kalmadong utos ni Elinor habang nakatalikod kay John. Maniniwala na sana si John na seryoso siya kung hindi niya lang nasilip ang mukha nitong ngiting-ngiti.
Binuksan ni Elinor ang pinto ng kuwarto ni Hazel at sabay silang pumasok ni Adam sa loob. Kahit na nasa labas pa si John ay naamoy na niya kaagad ang sumisingaw na hindi kagandahang amoy ng kuwarto ni Hazel.
"Anong amoy ba iyon?" Ang maririnig na sigaw ni Adam mula sa loob.
Sigurado si John sa mga oras na ito na nakita na nila ang nagkalat na basura at maruruming pinaghubarang damit ni Hazel. Nagdesisyon na siyang sumunod na rin sa loob. Inabutan niyang hawak-hawak ni Adam ang kulay itim na panloob ni Hazel habang nanginginig ang kanyang mga kamay.
"Eli!" Ang pagsalubong na kaagad ni Hazel sa kanila. Basa pa ang kanyang kulay lilang buhok na abot balikat. Tanging tuwalya lamang ang nakabalot sa kanyang katawan. Nang napansin niya na hawak ni Adam ang kanyang bra ay nagsimulang hindi maipinta ang kanyang mukha.
Mula sa kinatatayuan ni John, tanaw na tanaw niya ang mga pangyayari at rinig na rinig niya ang malakas na pagkakasampal ni Hazel sa mukha ni Adam. Hinigit niya ang kanyang panloob mula sa pagkakabitin nito sa kamay ni Adam ngunit nagsimulang dumulas ang tuwalya na nakabalot sa kanyang katawan. Namula ang mukha ni Adam sa tanawin na kanyang nakita at nakatanggap ng isa na namang sampal mula kay Hazel.
Kaagad na ibinalot muli ni Hazel ang tuwalya sa kanyang katawan.
"Nabigla lang naman ako, pero sa totoo lang wala naman siyang ipagmamalaking hinaharap," bulong ni Adam. Mabuti na lamang at hindi ito narinig ni Hazel kung hindi ay malamang nasampal na naman siya nito.
BINABASA MO ANG
Oeconomica
FantasyMinsan nang nakaranas ng taghirap ang mga bansa sa buong mundo dahil sa tinaguriang "The Great Depression". Isang napakalagim na bangungot para sa ekonomiya ng bawat bansang dumanas nito. Sa taong 2040, isang propesiya ang nagbabadyang maganap. Maaa...
