Nakahiga si John sa isang pulang hammock na nakatali ang magkabilang dulo sa dalawang matandang puno ng narra sa hardin ng mansyon na napaliligiran ng mga puting lily. Payapa siyang natutulog habang humahampas sa kanyang pisngi ang maaliwalas na hangin. Isang bagay na mahirap nang malanghap sa bansa. Ibis na mga puno ang nakatayo sa lupa ay puro mga nagtataasang mga gusali at sandamak-mak na bahayan. Isa na lamang ang lupang pagmamay-ari ni Elinor sa mga natitirang lupa na mayroon pang mga punong nakatanim.
"Patuloy pa rin ang pagtaas ng inflation sa ating bansa ganun rin ang presyo ng mga bilihin. Pinangangambahang magtutuloy-tuloy pa ito hanggang sa mga susunod pang buwan." Ang maririnig na balita mula sa telebisyon na pinapanooran nina Adam at Philip. "Para naman sa ibang balita, marami nang nagkakasakit at namamatay dahil sa malnutrisyon. Naitala na halos nasa bente katao na ang binawian ng buhay. Sa kabila nito patuloy pa rin ang pagtaas ng populasyon ng bansa dahil sa maagang pagbubuntis ng mga menor de edad na mga estudyanteng babae."
"Bihira na ang magandang balita na maririnig mo mula sa telebisyon sa mga panahong ito." saad ni Philip.
"Sino ba ang mag-aakalang mangyayari ito. Hindi ko inaasahan na ganito ang magaganap sa hinaharap."
"Wala naman talagang panigurado sa mundo. Nagbabago ang lahat ng bagay, hindi ito maiiwasan. Sino din ba ang mag-aakalang makikilala ko ang tanyag na mga ekonomistang si Adam Smith at John Maynard Keynes."
"Kung ganoon kilala mo kami. Alam mo din ang tungkol sa Oeconomica?"
"Mas marami akong nalalaman kaysa sa inaakala mo." sagot ni Philip na lumapit sa bintana upang silipin ang natutulog na si John. "Ganun din si Eli. Sadyang mahilig lang talaga siya magtago ng lihim."
"Matagal na kayong magkakilala, sa tingin mo bakit ganoon si Elinor."
"Katulad lamang kung paano din naging ganoon ang iba na niloko ng kanilang pinaka-pinagkakatiwalaang tao. Natatakot na silang magtiwala pa muli." paliwanag ni Philip kay Adam. "Sana maintindihan niyo siya."
"Anong pinag-uusapan niyo?" tanong ng bagong gising na si Elinor na kalalabas lamang ng kanyang kwarto. Ibinaling niya ang kanyang tingin kay Adam. "Tinuturuan ka na naman ba ng kalokohan ni Philip?"
"Nagkukwentuhan lamang kaming dalawa." sagot ni Adam.
"Si John?"
"Nasa labas natutulog sa hardin. Napakahimbing ng tulog niya sa pulang hammock na iyon." sagot ni Philip.
"Hindi!" ang biglang sigaw na narinig nila mula sa hardin. Napabangon at nahulog si John mula sa kanyang pagkakahiga sa pulang hammock. Nagising siya mula sa isang masamang bangungot. Nakita niya sa kanyang panaginip ang parehas na pulang hammock at puting lily. Naalala niya ang mismong araw ng kanyang kamatayan kung saan napalilibutan siya ng puting lily habang nakahiga sa hammock na nakatali sa mga puno ng kanyang hardin. Hindi niya mawari kung paano niya nagawang makalimutan ang bagay na iyon at matulog ng payapa sa pagkakataong iyon.
Lumabas kaagad sina Elinor sa hardin at inabutan nila ang nanginginig na si John habang nakahiga sa lupa. Pilit itong ngumiti sa kanila para itago ang takot na kanyang nararamdaman, ngunit kahit paano ang gawin niya ay pilit pa rin itong lumalabas.
"Pakiusap, huwag ninyo akong tingnan."
Lumapit si Elinor at nakangiting iniabot niya ang kanyang kamay kay John. "Tumayo ka na. Wala kaming nakita."
Inabot ni John ang kamay ni Elinor at pagkatapos ay nag-umpisa nang tumulo ang kanyang luha. "Bakit ba sa tuwing iiyak ako, kailangan sa harap mo pa."
"Hindi ba napakaganda ni Eli sa tuwing ipinapakita niya ang ngiting iyon." bulong ni Philip sa titig na titig na si Adam kay Elinor.
"Tama ka. Ibang-iba sa mga ngiting madalas niyang ipinapakita sa atin." sagot ni Adam.
BINABASA MO ANG
Oeconomica
FantasíaMinsan nang nakaranas ng taghirap ang mga bansa sa buong mundo dahil sa tinaguriang "The Great Depression". Isang napakalagim na bangungot para sa ekonomiya ng bawat bansang dumanas nito. Sa taong 2040, isang propesiya ang nagbabadyang maganap. Maaa...