Nagtungo sina Elinor sa maliit na nayon ng Firle sa bayan ng Lewes. Hindi na ito ang bayan na kilala ni John. Napakarami nang nagbago mula sa mga imprastraktura hanggang sa pamumuhay ng mga taong nakatira rito. Marami na ring mga biyak at mga lubak ang mga kalsadang napabayaan na ng gobyerno.
"Ayos lang kaya na iniwan natin si Adam sa apartment mo?" ang tanong ni John na mayroong mababa at mahinang boses. Puno ng lumbay ang kanyang boses habang nakatitig sa mga tanawin ng dating bayan na nagsilbing tirahan niya sa loob ng mahabang panahon.
Mahinang tinapik ni Elinor ang likod ng nalulungkot na ekonomista. "Hayaan mo si Adam, matanda na siya." ang biro ni Elinor.
Bahagyang ngumiti si John, isang pilit at malungkot na ngiti.
"Ito lang ba ang ipinunta mo rito o gusto mo malaman ang naging buhay ng minamahal mong si Lydia, pagkatapos mo mamatay?"
Bahagyang napabuka ang bibig ni John nang marinig niya ang tanong ni Elinor, ngunit hindi pa nagtatagal ay bumalik nang muli ang malungkot na ngiti sa kanyang labi . "Mukhang mahirap talaga magtago ng sikreto mula sa iyo, Elinor."
"Kung ganoon, hindi dito ang tamang lugar para ipaliwanag sayo ang lahat. Sumunod ka sa akin."
"Saan tayo pupunta?" ang usisa ni John na kaagad sumunod sa likod ni Elinor.
"Sa Firle Beacon."
Dinala ni Elinor si John sa tuktok ng Firle Beacon, isang burol sa bayan Lewes kung saan matatanaw ang buong nayon ng Firle. Matatanaw rin mula rito ang napakagandang tanawin ng dagat mula sa malayo. Napakalawak ng maberdeng damuhan nito at sa itaas naman ay ang walang kasing ganda na bughaw na kalangitan. Kahit saan ibaling ni John ang kanyang mata, purong kagandahan ang kanyang nakikita. Ito ang lugar na masasabi niyang hindi nagbago makalipas ang napakahabang panahon.
"Bakit mo ako dinala dito?" tanong ni John.
"Dito isinaboy ang mga abo ni Lydia, ganun rin ang sa iyo." ang sagot ni Elinor na nakatingin sa nayon ng Firle sa ibaba.
"Pati ako?" ang nagtatakang tanong ni John.
"Oo," ang natatawang sagot ni Elinor. "Nabasa kong hindi daw kasi alam ng kapatid mo ang tungkol sa kahilingan mo na ilibing sa chapel ng King's College, kaya ipina-cremate niya ang katawan mo at isinaboy dito."
Ngumiti lang muli ng malungkot si John. Nagdesisyon si Elinor na ibigay na kay John ang hinahanap-hanap na sagot ng kanyang puso't isipan.
"Wala akong nalalaman tungkol sa kanya kundi ang nabasa ko sa mga libro. Pagkatapos mong mamatay nanatili siya sa bahay ninyo hanggang sa tumanda na siya at tumira sa Threeways Nursing Home. Doon niya ginugol ang kanyang mga huling sandali. Hilig niya ang panoorin ang panahon mula sa labas ng pintuan habang nakaupo sa paborito niyang lumang kahoy na upuan." ang kwento ni Elinor.
Nakaramdam ng bigat sa kanyang puso ang nangungulilalang si John habang nakikinig kay Elinor. Wala siyang magawa kundi ang pigilan ang kanyang sarili na umiyak, hindi sa harapan ng isang babae, hindi sa harapan ni Elinor.
"Ilabas mo na ang lahat ng luha na kaya mong ilabas, hindi ako titingin." ang saad ni Elinor habang nakatingin sa ibat-ibang korte ng ulap na bumabagtas sa bughaw na kalangitan. Ngunit pinipigilan pa rin ni John ang kanyang sarili na ilabas ang kanyang dinadalang pighati.
"And now, I am so utterly alone without him. The light is gone. I grieve and weep." Binasa ni Elinor sa abot ng kanyang makakaya na parang si Lydia mismo ang nagsasalita ng mensaheng isinulat ni Lydia matapos mamatay ni John.
Matapos marinig ni John ang mensaheng iyon ni Lydia, hindi na niya namalayang tumutulo na pala ang kanyang luha. Pilit niya itong pinupunasan ng manggas ng kanyang suot na polo, ngunit tila wala itong katapusan. Parang pinipiga ang puso niya hanggang sa mailabas niya lahat ng dalamhating nananahan sa kanyang puso.
![](https://img.wattpad.com/cover/175271597-288-k180606.jpg)
BINABASA MO ANG
Oeconomica
FantasiMinsan nang nakaranas ng taghirap ang mga bansa sa buong mundo dahil sa tinaguriang "The Great Depression". Isang napakalagim na bangungot para sa ekonomiya ng bawat bansang dumanas nito. Sa taong 2040, isang propesiya ang nagbabadyang maganap. Maaa...