Si John Maynard Keynes, isang ekonomista na nabuhay muli matapos mamatay noong taong 1946. Nabuhay siyang muli at napunta sa taong 2040 kung saan sinubukang pigilan ang isang propesiya. Ngunit nabigo siya at ang kanyang mga kaibigan sa kanilang layunin...
"Ang lahat ay... uulit mula sa umpisa..." Gamit ang kanyang natitirang lakas iniwan kay John ni Elinor ang kanyang huling mensahe. "Ikaw na ang bahala... sa lahat, John..."
Iniabot ni Elinor sa kanya ang isang gintong pananda. Nagsimula itong umilaw ng sobrang liwanag. Nakangiti sa kanya si Elinor na tila ba ibinibigay na niya kay John ang kanyang buong tiwala bago tuluyang lamunin ng liwanag ang buong paligid. Akala ni John ay iyon na ang huling pagkakataon na mapagmamasdan niya ang matamis na ngiti ng dalaga, ngunit nagkamali siya.
Ibinalik si John ng kapangyarihan ng pananda sa nakaraan o mas tamang sabihin na bumalik ang oras sa panahon kung saan nag-umpisa ang lahat.
~*~
Nang muli niyang imulat ang kanyang mga mata doon nakitang muli ang hinahanap-hanap ng puso niya.
Itinali ng isang magandang dalaga sa ponytail ang maputlang kulay kahel niyang buhok habang nag-iimis siya ng mga libro at ilang upuan. Naghahanda siya para sa pagsasara ng pampublikong aklatan na kanyang pinagtatrabahuhan.Maririnig mula sa radyong pinakikinggan ng dalaga ang balita tungkol sa anibersaryo ng Great Depression. Ang pangyayaring nagdulot ng matinding pinsala sa ekonomiya ng mga bansa, at ang pangyayaring dapat na pigilan ni John na maulit muli.
Dati walang ideya si John kung nasaan siya sa oras na iyon ngunit sa pagkakataong ito, malinaw na sa kanya ang lahat. Sa paglingon ng dalaga sa kanya ay muli niyang natunghayan ang walang kapantay nitong kagandahan. Lumipas man ang maraming taon, wala pa ring nagbabago sa kanyang itsura. Para sa kanya siya pa rin si Lydia na kanyang asawa sa nakaraan nitong buhay.
Ang pangalan na niya ngayon ay Elinor. Simula noong unang beses na natitigan ni John si Elinor, nakilala na niya kaagad ito ngunit pinili niyang manahimik. Maaaring naging sila sa nakaraan na buhay ngunit sa panahong ito, hindi na siya si Lydia at may bago na siyang buhay bilang si Elinor.
Bahagyang nanlaki ang mata ni Elinor sa gulat noong nakita niya si John at ang kasama nito. Tama, hindi siya nag-iisa dahil noong mga panahon na iyon, kasama niya sa kanyang tabi si Adam. Kulay itim ang kanyang buhok at matatalim kung tumitig ang kanyang kulay berdeng mga mata. Siya ay ang magiging kasangga ni John sa hinaharap na nakita at naranasan niya.
"Pasensya na po kayo mga sir, pero sarado na ang library." Ngumiti lamang si Elinor tulad ng ginagawa niya sa tuwing bumabati siya sa mga bisita ng aklatan araw-araw. Salungat naman dito ang mga gulat na gulat at hindi maipintang emosyon ng mukha ng katabi ni John na si Adam. Kalmado lang na nakatitig si Elinor sa kanilang dalawa.
"Sino kayo? Nasaan ako?" banat kaagad ni Adam. "Sabihin niyo nga kung ano ang nangyayari dito?"
"Ang pangalan niya ay Elinor, isang librarian," ang sagot ni John sa unang katanungan ng bugnuting si Adam. Nabigla si Elinor sa kanyang narinig. Nagtataka siya kung paano nalaman ni John ang mga bagay na iyon. Iyon ay dahil sa kanilang lahat, tanging si John lamang ang nakakaalala sa mga nangyari.
"Nasa library tayo," dagdag ko. "Kani-kanina lamang ay payapa akong namatay sa aking hardin."
Napatingin kay John ang bugnuting si Adam at sinabing, "Namatay ka rin bago mapunta rito?"
Bahagyang bumuka ang bibig ni Elinor na napalitan kaagad ng isang matamis na ngiti. Nakangiti lang siya na nakikinig sa lahat ng sinasabi at pinag-uusapan nilang dalawa ni Adam sa kanyang harapan. Napansin ito ni John.

BINABASA MO ANG
Oeconomica
FantasiMinsan nang nakaranas ng taghirap ang mga bansa sa buong mundo dahil sa tinaguriang "The Great Depression". Isang napakalagim na bangungot para sa ekonomiya ng bawat bansang dumanas nito. Sa taong 2040, isang propesiya ang nagbabadyang maganap. Maaa...