Bumalik si John sa mansyon kung saan naghihintay sa kanya sina Hazel at Jean. Kahit anong gawin nila ay tila walang naririnig si John.
"Maaari mo bang ibahagi sa amin ang pinag-usapan ninyo? " ang sabi ni Hazel ngunit wala pa ring sagot si John. "Sarap murahin ng lokong 'to! "
Hinimas-himas ni Jean ang likod ni Hazel para pakalmahin ang kanyang kandidato na akmang ibabato na ang malaking telebisyon ni Elinor.
"Siguro mas mabuti kung hayaan na muna nating makapagpahinga si John," ang mungkahi ni Jean.
Iiwanan na sana ng dalawa si John na nananatiling malalim ang iniisip ngunit bigla siyang nagsalita.
"Talaga bang mababaw lamang ang ating pinagsamahan na basta ninyo na lamang akong iiwan?" ang bulong ni John sa kanyang sarili.
Muntik na naman masaktan ni Hazel si John kung hindi lamang siya napigilan ni Jean. Akma na sanang susugurin ni Hazel si John, mabuti na lamang at mabilis kumilos si Jean.
"Ang drama mong buwisit ka! Kung kanina mo pa sinasabi sa amin kung ano ang napag-usapan ninyo! " bulyaw ni Hazel.
"Wala akong tiwala sayo," diretsong sagot ni John kay Hazel. "Kay Jean pwede ko pa sabihin pero sa iyo imposible."
"Kung ganoon naman pala na ako lamang ang masamang damo rito, mas maigi pang magliwaliw na lamang ako sa labas kaysa pagtiisan kayong dalawa!" ang sabi ni Hazel at pagkatapos ay tuluyan na ngang lumabas para gumala.
Nang masigurado ni John na malayo na si Hazel ay kaagad siyang nagsabi ng kanyang saloobin sa matalik na kaibigan.
"Jean, alam kong mapagkakatiwalaan kita kaya sayo ko lang balak sabihin ito," ang sabi ni John.
Napangiting malambing si Jean sa sinabi ni John. "Natutuwa akong malaman iyon."
"Gusto kong hingiin ang opinyon mo sa bagay na ito. Inalok ako ni Joan ng isang kasunduan kung saan tutulungan niya akong mabawi ang katawan ng asawa ko ngunit ang kapalit ay ang pagtulong ko sa mga plano ni Joan na matalo si Adam," kumpisal ni John.
Napakunot ang noo ni Jean na nahihirapan magbigay ng payo sa kanyang kaibigan. Alam niya kung ano ang naging buhay ni John sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga librong patungkol kay John, ngunit hindi lahat ng mga pinagdaanan ni John ay nakasaad sa libro.
"Gusto kong sabihin na huwag mong tanggapin ang alok ni Joan, ngunit iyon ay dahil sa tingin ko mali na pagtaksilan mo ang mga kaibigan mo. Subalit hindi ko pinagdaanan ang mga pinagdaanan mo at hindi ko rin alam ang mga bagay na tanging ikaw lamang ang nakakaalam. Para makuha ang bagay na gusto mo kailangan kang isakripisyo," sagot ni Jean. Binuksan ni Jean ang pinto palabas ng bahay. "Masama man si Hazel kailangan niya rin ng kasama at gagabay sa kanya patungo sa tamang landas. Maiwan na muna kita, John."
Tinapik ni Jean ang likuran ni John at pagkatapos ay lumabas para sundan si Hazel.
Naiwang gulong-gulo ang isip ni John sa kung ano ang dapat niyang gawin. Bumalik siya sa nakaraan dahil sa sakripisyo ni Elinor at para mailigtas ang kanyang mga kaibigan na mamamatay dahil kay Joan.
"Dapat ko bang abutin ang mismong kamay na pumaslang sa aking mga kaibigan?" bulong ni John sa kanyang sarili nang biglang may kumatok sa pinto. Noong una akala niya ay nakabalik na kaagad sina Jean at Hazel, ngunit napagtanto niya na mali siya sa kanyang pag-aakala nang ianunsyo ng tagapagsilbi na may dalawang hindi kilalang indibidwal na nagpasok sa loob ng tarangkahan.
"Nagpakilala po silang si William Petty at Harriet Martineau," ang sabi ng tagapagsilbi.
"Gusto ka raw po nilang makausap.""Sige lalabas ako para kitain sila. Paupuin mo muna sila sa tanggapan ng bisita habang nag-aayos ako ng aking sarili," ang sabi ni John.
BINABASA MO ANG
Oeconomica
FantasyMinsan nang nakaranas ng taghirap ang mga bansa sa buong mundo dahil sa tinaguriang "The Great Depression". Isang napakalagim na bangungot para sa ekonomiya ng bawat bansang dumanas nito. Sa taong 2040, isang propesiya ang nagbabadyang maganap. Maaa...