Vol. 1 Chapter 12

86 9 60
                                        

"Adam at John, mauna kayong pumasok sa loob. Kailangan lang namin mag-usap ni Philip." Iyon na kaagad ang utos na ibinigay ni Elinor sa dalawa, pagkarating pa lamang nila sa mansyon.

Sinunod nina John ang utos ni Elinor at kaagad na nagpasok sa loob ng mansyon. Naiwan sina Philip sa hardin ng mansyon. Naupo si Elinor sa pulang hammock na matatagpuan sa kanyang hardin habang si Philip ay naiwang nakatayo sa kanyang harapan.

"Philip, umpisahan mo nang magpaliwanag. Bakit alam mo ang tungkol sa mga mangyayari sa oras na gamitin nila ang kapangyarihan nila?" Seryosong nakatitig si Elinor na naghahanap ng kasagutan mula kay Philip.

Malungkot na ngumiti sa kanya si Philip. "Maniniwala ka ba kung sabihin ko sa iyong, isa akong ekonomista na muling nabuhay tulad nina John at Adam."

Umihip ang isang malamig at sariwang hangin na may kasamang mga puting talulot ng lily na napigtas sa bulaklak nito na nakatanim sa palibot ng hardin. Nilipad din ang mahabang buhok ni Elinor na tumakip sa kanyang mukha, hinawi niya ito at inipit sa likod ng kanyang tenga.

"Ipagpatuloy mo."

"May kapangyarihan din ako tulad nila, ngunit hindi ang propesiya ng Great Depression ang nilabanan ko. Nilabanan ko dati ang propesiya ng Great Recession noong taong 2008." paliwanag ni Philip. "Nanalo kami ng aking kandidato bilang bagong pinuno na papalit kay Aristotle, ngunit tinanggihan ng kandidato ko ang posisyon. Sa kabilang banda, binigyan pa rin kami ng gantimpala ni Aristotle para sa aming nagawa. Nagkaroon kami ng tig-isang kahilingan, at ang kahilingan ko ay ang mabuhay muli sa mundong ito."

"Kung isa ka ring ekonomista, bakit nasa alaala kong magkababata tayo?"

"Ang mga ala-alang iyon, ay mga huwad na ala-alang inilagay ko sayo. Iyon ang kapangyarihan ko, ang maglagay ng kahit na anong ala-ala sa isip ng isang tao at ang ibalik ang matagal nang nakalimutang mga ala-ala."

"Anong kapalit ng paggamit mo ng kapangyarihang iyon sa akin?"

"Nawala ang ilan sa mga sarili kong ala-ala." Malungkot ang tono ng boses ni Philip noong sinagot niya ang tanong ni Elinor. " Hindi Philip Medalla ang aking tunay na pangalan. Ang totoo niyan, nakalimutan ko na ang aking tunay na pangalan bilang ekonomista."

"Bakit mo ginamit sa akin ang kapangyarihan mo?" Nag-umpisang makaramdam ng bahagyang kirot si Elinor sa kanyang ulo.

"Dahil ikaw ang kandidatong tinutukoy ko. Ikaw si Elinor Claire Ostrom, ikaw si Eli at ikaw si Lin. Ikaw ang kandidato nina Adam at John, ikaw rin ang kandidato ko."

Matapos marinig iyon mula kay Philip ay kaagad na tumindi ang kirot na kanyang nararamdaman.

"Sa nakaraang labanan para sa Oeconomica, nanalo ka ngunit tumangging maging pinuno, ginamit mo ang kahilingan na ipinagkaloob sayo upang magkaroon din ng kapangyarihan na tulad namin."

Lalo pa itong tumindi...

"Ang kapangyarihang ipinagkaloob sa iyo ni Aristotle ay ang kakayahang ilipat ang kaluluwa mo sa oras ng iyong kamatayan papunta sa isang bagong katawan."

At tumindi pang muli...

"Ang katawan na iyon ay walang iba kundi ang katawan ni Eli, ang apo mo. Ang kabayaran nito ay ang sarili mong mga ala-ala."

Hanggang sa tuluyan nang bumigay ang isipan ni Elinor. Hindi na niya kinaya ang matinding kirot na kanyang naramdaman kaya naman nawalan siya ng malay. Nawalan siya ng balanse sa inuupuang hammock at akmang mahuhulog na. Mabuti na lamang at nasalo siya ni Philip.

Natanaw nina Adam at John ang pangyayari mula sa bintana ng sala, kaya mabilis silang lumabas ng mansyon. Kaagad nilang tinulungan si Philip na ihiga ng maayos sa hammock ang walang malay na si Elinor.

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon