Ipinagtimpla ni Elinor ng tsaa ang hindi pa nagpapakilalang bisita sa kanyang maliit na kusina na karugtong lang ng kanyang sala. Tanging ang isang manipis na kurtina lamang ang naghahati sa kusina at sa sala.
Nakatayo lang sa harap ng bisita sina John at Adam dahil sa kakulangan ng mauupuan. Tahimik at puno ng pagdududa nilang binabantayan ang bawat galaw ng misteryosong bisita. Hindi nila inaalis ang mga mata nila rito habang ang bisita ay nakangiti lamang sa kanila.
Matapos magtimpla ni Elinor ng tsaa ay hinigit niya ang isang maliit na kahoy na lamesita sa gitna ng sala. Inilapag niya dito ang mga tasa ng tsaa para sa kanilang lahat at pagkatapos ay ngumiti sa tatlong ginoo na kanina pa nagpapakiramdaman.
"Sa tingin ko mas makakapag-usap tayo ng maayos, kung pare-parehas tayong nakaupo sa sahig at nainom ng mainit na tsaa." ang sabi ni Elinor habang direktang nakatingin sa bisitang kumportableng nakaupo sa sofa. Ngumiti lamang ang lalaki na naintindihan kaagad ang gustong iparating sa kanya ni Elinor.
Nang makaupo na silang lahat sa lapag kaharap ang kani-kanilang mga tasa ng tsaa, minabuti na ng bisitang lalaki ang magpakilala. Nag-iba ang tingin ng lalaki kay Elinor. Ang kaninang tila bang masayahin niyang mukha ay bigla na lamang naging seryoso.
"Ang pangalan ko ay Plato, ako ang pansamantalang mamamahala sa Oeconomica. Isang lihim na organisasyon na namamahala sa takbo ng ekonomiya ng mundo." ang pagpapakilala ng lalaking may mahabang lila na buhok.
"Plato? Ang dakilang si Plato na nakatala sa mga libro tungkol sa kasaysayan." ang manghang-manghang tanong ni John.
"Ako nga." sagot ni Plato.
"Kung ikaw ang pansamantalang namamahala, sino ang tunay na tagapamahala ng Oeconomica?" tanong ni Adam.
"Ang aking estudyante, si Aristotle."
"Mayroon ka bang kinalaman sa nangyari sa amin?" tanong ni John sa lalaking nagpakilala bilang si Plato.
"Ang estudyante kong si Aristotle ang may gawa ng nangyari sa inyo," ang seryosong sagot nito. "Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, nandito ako para ipaalam sa inyo ang propesiya. Nandito kayo dahil binuhay kayong muli para gabayan ang mga napiling pipigil sa nalalapit na katuparan ng propesiya."
"Anong propesiya naman ang iyong tinutukoy?" tanong ni Adam.
"Ang nalalapit na Great Depression, mas malaki at mas malala kumpara sa nauna." seryosong sagot ni Plato.
Kumalabog ng malakas ang lamesa nang madali ito ni John, matapos ang bigla niyang pagtayo dahil sa narinig niya mula kay Plato. Hindi maipaliwanag ang kanyang mukha na tila ba nababalot ng takot at pangamba. Nanlalaki ang kanyang mata at makikita ang pagpapawis ng kanyang mukha.
Nagtatakang nakatingin si Adam sa kakaibang ikinilos ni John matapos marinig ang propesiya. Wala siyang ideya kung ano ba ang tinutukoy ni Plato na Great Depression para maging ganoon na lamang katakot ang reaksyon ni John.
Marahil naganap ang tinutukoy ng lalaking ito sa panahon na namatay na ako. Kung inabutan ito ni John, marahil alam din ni Elinor kung ano ang Great Depression. Kung ganoon nga ang sitwasyon, bakit tila wala man lamang kahit kaunting reaksyon si Elinor matapos niyang marinig ang propesiya? Ang nasa isip ni Adam matapos niyang pagmasdan si Elinor na kalmado lamang na umiinom ng tsaa habang nakikinig kay Plato.
"H-hindi ito maaari..." ang nangangatal na pagkakasabi ni John at pagkatapos ay napatingin siya sa kalmado lamang na si Elinor.
"Huminahon ka muna mister John Maynard Keynes, hindi pa ito ang panahon para matakot ka. Hindi pa nagaganap ang propesiya," ang paliwanag ni Plato para mapakalma ang nangangambang si John. "Sinubukan noon ng mga bansa na pigilan ang Great Depression habang kasulukuyan na itong namiminsala. Ang malaking kinaibahan ng sitwasyon natin ngayon kumpara dati ay ang pagpigil natin dito bago pa man ito maganap."
BINABASA MO ANG
Oeconomica
FantastikMinsan nang nakaranas ng taghirap ang mga bansa sa buong mundo dahil sa tinaguriang "The Great Depression". Isang napakalagim na bangungot para sa ekonomiya ng bawat bansang dumanas nito. Sa taong 2040, isang propesiya ang nagbabadyang maganap. Maaa...