Pagkatapos ng magkakasunod na pagsabog sa loob ng palasyo bumigay ang mga kahoy sa kisame. Kasalukuyang kausap ni Elinor si Hazel noong mga panahon na iyon, kaya hindi niya agad napansin ang papabagsak na kahoy sa itaas niya.
Naaninag ito ni Philip at John. Mauuna sana si John sa pagliligtas kay Elinor ngunit hinigit siya ni Philip at itinulak sa gilid. "Hindi pa ito ang tamang panahon para mamatay ka."
"Hindi! Philip!" sigaw ni John na sinubukan sumunod agad kay Philip ngunit may piraso ng kahoy na biglang bumagsak sa kanyang dadaanan.
"Eli, umiwas ka!" sigaw ni Philip sa walang kamalay-malay na dalaga. Hindi narinig ni Elinor ang babalang isinigaw ni Philip kaya naman mas binilisan ni Philip ang pagtakbo. Mahigpit na niyakap ni Philip si Elinor bago sila tuluyang mabagsakan ng kisame. Natumba silang dalawa sa sahig dahil sa lakas ng pagkakabagsak nito. Ginamit ni Philip ang sarili niyang katawan bilang panangga sa bumagsak na kisame.
Pagmulat ni Elinor sa kanyang mga mata, nakita na lamang niya ang malaking piraso ng kahoy na nakatusok sa likod ni Philip at bahagyang nakalabas ang kabilang dulo nito sa tiyan ni Philip. Nag-umpisang lumabas mula sa bibig ni Philip ang kanyang sariling dugo. Tumulo ang mga patak ng dugo ni Philip sa mukha ng alalang-alala na si Elinor.
"P-Philip..."
"Makinig ka sa akin Eli, ibabalik ko sayo ang ala-ala mo bilang si Lin. Iyon na lamang ang magagawa ko para sa iyo sa mga oras na ito." Mas maraming dugo ang lumabas sa bibig ni Philip matapos niyang magsalita.
Gamit ang natitira niyang lakas ay kinuha niya sa kanyang bulsa ang isang pananda. "Eli, sayo ang panandang ito. Ibinilin mong itago ko ito bago mo gamitin ang sarili mong kapangyarihan sa iyong apo."
Lalong umuubo ng dugo si Philip sa tuwing sinusubukan niyang magsalita. "Mahal kita, Lin."
Pagkatapos sabihin ang kanyang huling mensahe para kay Elinor ay agad niya nang ginamit ang kanyang kapangyarihan. Ginising niya ang mga natatagong ala-ala na nakalimutan ni Elinor dahil sa paglipat ng kanyang kaluluwa. Nagbalik kay Elinor ang mga ala-ala nilang dalawa na magkasama noong panahon ng Great Recession. Naalala na niya ang dahilan kung bakit niya kinailangan ilagay sa katawan ng apo niya ang kanyang kaluluwa. Ang lahat ng paghahandang iyon ay nakalaan para eksaktong araw na iyon.
"Sino... ka... Sino... ako..." Iyon na lamang ang nasabi ni Philip matapos gamitin ang kanyang kapangyarihan para ibalik ang lahat ng ala-ala ni Elinor.
Naluluhang sumagot si Elinor sa kanya. "Ang pangalan ko ay Lin at ang pangalan mo naman ay Leon Walras."
"Kung ganoon... ang pangalan ko pala ay Leon..."
"Oo..." Panay ang pagtulo ng luha ni Elinor habang pinapanood ang unti-unting nawawalan ng buhay na si Philip. Nawalan ng malay si Elinor matapos makalanghap ng sobrang usok mula sa sunog.
~*~
Nang maialis ni John ang nakaharang na kahoy sa daan, nakita niya kaagad ang walang buhay na si Philip at ang walang malay na si Elinor.
"Hindi ko hahayaang mawalan ng saysay ang sakripisyo mo, Philip. Hindi ko hahayaang mapahamak si Elinor." ang huling mensahe ni John kay Philip.
Kaagad niyang binuhat si Elinor at humanap ng madadaanan nila palabas.
Nakita niya ang isang hagdan na hindi pa natutupok ng apoy at iyon ang ginamit niya upang makababa. Ngunit sa pagbaba niya ay nahaharangan ng mga nagliliyab na kahoy ang pasilyo na kanilang dadaanan.
Napansin niya ang malaking basag na bintana sa may gilid nila na marahil ay dahil sa mga maliliit na pagsabog kani-kanina lamang. Agad niyang inilusot dito ang walang malay na si Elinor. Pagkatapos ay sumunod siya palabas ngunit hindi niya napansin ang nakausling matulis na bubog sa gilid ng bintana, dahilan para mahiwa ang kanyang balikat mula dito.
Nang tuluyan nang makalabas si John ay binuhat niyang muli si Elinor palayo sa nasusunog na palasyo. Ngunit hinarang siya ng isang lalaking may itim na buhok at may mga matang kakulay ng dagat ngunit kasing lamig ng yelo.
"Magaling Richard, nahuli mo ang mga daga." ang narinig ni John na boses ng isang babae.
Naglalakad ito papalapit sa lalaking nagngangalang Richard. Nang matanaw ni John ang mukha ng nagsalitang babae ay nakilala niya ito kaagad. "J-Joan!"
"Natuwa ka bang makita akong muli?"
"P-paanong nangyari ito?"
"Isa rin ako sa mga kandidato para sa Oeconomica. Ngunit may natuklasan akong isang napakainterisanteng bagay." sagot ni Joan. "Hindi nag-iisa ang Oeconomica, kung may liwanag mayroong kadiliman. Kung ang Oeconomica ang liwanag, ang Oikonomos ang kadiliman."
"A-anong ibig mong sabihin?"
"Hindi nag-iisa ang propesiya. Dalawa ang naghihintay na hinaharap para sa atin. Ang hinaharap na pino-protektahan ng Oeconomica at ang hinaharap na pino-protektahan ng Oikonomos." sagot ni Joan. "At pinipili ko ang maging pinuno ng Oikonomos."
"Kung ganoon, ikaw pala ang may kagagawan ng lahat ng ito." ang sabi ni Elinor na nagbalik na sa kanyang sarili. Kaagad siyang bumuba mula sa pagkakabuhat sa kanya ni John.
"Sinaktan mo si Hazel at si Adam. Pinatay mo si Jean at si Philip." Nanlilisik ang mga mata ni Elinor na nakatitig kay Joan. "Sa tingin mo basta ko na lamang palalagpasin iyon."
"Richard, kunin mo sa babaeng iyan ang libro ng Oeconomica." utos ni Joan.
"Masusunod." Tumakbo ng mabilis si Richard papalapit kay Elinor at pagkatapos ay inilabas niya ang kanyang baril.
Ang lahat ng pangyayari ay umaayon sa kung paano ito nakita ni John gamit ang kanyang kapangyarihan. Alam niyang mababaril si Elinor. Kaya ginamit niya ang kapangyarihan niya para tingnan ang hinaharap ni Richard.
Doon niya nakita ng malinaw ang mga mangyayari. Hindi niya dapat ginamit ang kapangyarihan niya sa mga oras na iyon. Hindi si Richard ang magpapaputok ng baril. Hindi niya napansin ang nakatutok na baril ni Joan sa kanya. Imbis na mailigtas niya si Elinor, si Elinor ang nagligtas sa kanya. Tinamaan ng bala si Elinor malapit sa kanyang puso.
BINABASA MO ANG
Oeconomica
FantasíaMinsan nang nakaranas ng taghirap ang mga bansa sa buong mundo dahil sa tinaguriang "The Great Depression". Isang napakalagim na bangungot para sa ekonomiya ng bawat bansang dumanas nito. Sa taong 2040, isang propesiya ang nagbabadyang maganap. Maaa...
